Nagtaksil ang Asawa Niya Dahil Hindi Sila Magkakaanak; Ang Masaklap ay Kaibigan Niya Pa ang Kalaguyo Nito
“Hon, anong gusto mong ulam pag-uwi?” tanong ni Betina sa asawa habang kumakain.
“Ano ka ba? Kumakain pa lang tayo, pagkain na naman ang tinatanong mo sa akin? Baka naman tumaba na ako niyan?” natatawang biro ni Renzo sa kaniya. Natawa na rin si Betina.
“Dapat naman talagang magpataba ka kasi ikaw ang may trabaho. Bakit kasi hindi mo ako isama sa kumpanya ninyo?” nakapangalumbaba nitong tanong habang nakatitig sa asawang kumakain.
“Ayokong napapagod ka. Mabuting dito ka na lang at ako ang tanging inaasikaso.” Masuyo ang tinging ipinukol ni Renzo sa asawa bago muling sumubo ng pagkain.
“Naku! Gusto mo lang akong mabuntis agad, eh,” ganting biro ni Betina na tinawanan naman ni Renzo.
“Siyempre naman. Gusto ko ng isang dosenang anak, hindi ba?” Napapailing na lang si Betina sa tinuran ng asawa.
“Oo na! Isang dosena kung iyan ang gusto mo.” Inabutan niya ng tubig ang asawa matapos makitang ubos na ang pagkain nito.
“Anong oras ang uwi mo mamaya?” tanong niya ulit.
“Hindi ko sigurado pero siguro’y aagahan ko ang uwi.” Kumindat si Renzo kay Betina na muli niyang ikinatawa ng babae. Nasisigurado siyang balak na naman siya nitong pagurin mamayang gabi.
Pag-alis ni Renzo ay tinawagan niya ang matalik na kaibigan.
“Puntahan mo naman ako sa bahay, please. Wala akong kasama rito,” pagpapaawa niya sa kausap.
“Bakit hindi ka humanap ng trabaho? May binubuhay akong pamilya, ano! Hindi ako makakapunta diyan.” Narinig niya ang buntong-hininga sa kabilang linya.
“Babayaran ko ang oras mo,” saad pa niya at umaasang papayag ang kaibigan.
“Iba talaga kapag mayaman ang asawa.” Natawa si Betina sa sinabi ng kaibigan.
“O, siya, hintayin mo ako. Basta may bayad oras ko, ah?” Ibinaba na nito ang tawag kaya naman nagpunta siya sa kusina upang ipagluto ang darating na kaibigan.
Nagluto si Betina ng spaghetti bilang meryenda at adobong baboy bilang tanghalian nila.
Iilang minuto pa lamang na natatapos siyang magluto ay dumating si Lesley.
“Besty!” sigaw ni Betina nang makita ang kaibigan. Isang buwan din ang nakalipas na hindi niya nakikita ang kaibigan. Ang huling tanda niya ay pagkatapos pa ng kasal nila ni Renzo.
Nagyakapan silang dalawa bago niya dinala sa kusina ang kaibigan. Maraming kwentuhan ang nangyari habang kumakain sila ng niluto niyang spaghetti.
Hindi nila namalayan na nagdilim na pala ang kalangitan. Hindi na pinauwi ni Betina ang kaibigan at sabay-sabay silang kumain nina Renzo kinagabihan.
Nanood pa sila ng nakakakilig na palabas habang kunwaring nasusuka si Lesley na tinawanan ng dalawa.
Isang taon ang lumipas ay hindi pa rin nabubuntis si Betina. Nalaman niyang hindi siya magkakaroon ng anak dahil baog siya. Laking panlulumo nilang mag-asawa.
Nagsimulang manlamig sa kaniya si Renzo. Malalim na ang gabi kung umuwi at maaga kung umalis kaya naman halos hindi na sila nagkakausap.
Naging sobrang lungkot ni Betina dahil sa nangyari. Kahit anong lambing niya sa asawa ay hindi siya nito gaanong pinapansin hanggang sa malaman niyang nambababae ito.
Nang una’y hindi makapaniwala si Betina dahil naniniwala siyang mahal siya ni Renzo, ngunit matapos niyang madatnan ito sa bahay katabi ang matalik niyang kaibigan na si Lesley ay doon niya napagtanto na may bagay siyang hindi maipagkakaloob sa asawa.
Matapos iyon ay agad siyang nag-empake ng gamit at umalis sa puder ng asawa.
Samantala, hinanap ni Renzo si Betina. Nang malaman niyang umalis ito at iniwan siyaʼy ganoon na lang ang kaniyang naging panlulumo!
Doon niya napagtantong mahal niya pa rin ang asawa. Ngunit nasilo siya ng mga panunukso ni Lesly, lalo na nang malaman niyang hindi na sila magkakaanak pa ni Betina.
Agad niyang sinundan si Betina ay iniwang luhaan si Lesly na nooʼy sising-sisi rin dahil nalaman niyang ginamit lang siya ni Renzo upang magkaanak ito. Mahal na mahal nito si Betina!
Nagmakaawa si Renzo na muli siyang balikan ng asawa. Ginawa niya ang lahat upang mapatawad siya nito kaya naman muling nanumbalik ang pagmamahal nila sa isa’t isa.
Nang mga panahong iyon ay nalaman nilang may anak pala si Lesly at Renzo, ngunit iniwan ni Lesly ang bata sa kanila. Anitoʼy magpapakalayu-layo na siya at hindi na sila guguluhin pa.
Humingi rin si Lesly ng tawad sa kaibigan para sa kaniyang ginawa at ibinigay naman iyon ni Betina. Minahal din niya nang totoo ang anak nito sa kaniyang asawa na parang tunay niyang anak. Itinuturing na lamang niyang biyaya ang naging bunga ng kasalanan ng mister at matalik niyang kaibigan.