Nasa Bingit ng Kapahamakan ang Kaniyang Mag-ina; Nagawa pa Niyang Magligtas ng Buhay ng Iba
Umiiyak na ang mga biyenan habang nakatitig sa kaniyang asawang nag-aagaw buhay dahil sa panganganak. Alalang-alala ang mga ito sa kaniyang mag-ina kaya naman ganoon na lang din ang kaniyang pagkataranta. Taimtim siyang nagdarasal sa Diyos na sana ay maging ligtas ang kaniyang mag-ina.
Natataranta na ang mga doktor dahil oras na para ilabas ang kanilang anak na nananatili pa ring nasa sinapupunan ng kaniyang asawa. Hindi na nga halos maintindihan ni Anghelo ang sinasabi ng mga doktor tungkol sa kalagayan ng kaniyang mag-ina dahil sa sobrang pag-aalala. Ang alam niya lang ay nasa bingit ng panganib ang buhay ng mga ito at kilangan niyang gumawa ng paraan.
“Doc, gawin po ninyo ang lahat, pakiusap,” aniya sa doktor na humahawak sa kaniyang misis bago niya pinirmahan ang papel na ibinigay nito sa kaniya… isang waver.
“Uumpisahan agad namin ang operasyon oras na makapagbayad ka kahit kalahati lang,” sagot naman ng doktor.
Walang tulog at wala pang kain si Anghelo simula kahapon kayaʼt halos lamukusin na niya ang kaniyang mukha dahil sa iritasyon. Hindi niya na alam kung saan pa siya hahanap ng pera!
“Bakit ba nangyayari sa amin ito? Wala pa kaming isang taong kasal ng asawa ko!” halos maiyak siya sa sobrang hirap na dinaranas.
Sa paglalakad-lakad niya ay napadaan siya sa isang tulay at doon ay napaistambay. Mahangin kasi at nakapag-iisip siya nang maayos kahit papaano. Nasa ganoon siyang kalagayan nang sa kaniyang tabi ay mamataan niya ang isang lalaki na mukhang umiiyak din katulad niya. May katandaan na ito at mukhang lango sa alak.
“Manong, ano ho ang problema?” tanong niya rito ngunit di siya nito pinansin.
Nagulat siya nang bigla na lang itong sumampa sa tulay at akmang tatalon sa ilog na ngayon ay lampas tao pa man din ang lalim dahil sa kadaraan lamang na bagyo!
“Manong, huwag nʼyo hong gagawin ʼyan!” Hiyaw ni Anghelo bago ito niyapos upang hindi matuloy ang balak nitong pagpapatiwakal.
“Iniwan na ako ng mga ampon ko. Matapos ko silang alagaan noon ay ganito lang pala ang igaganti nila sa akin!” umiiyak na sabi nito. Isinama niya ito sa ospital upang doon ay matingnan itoʼt mahimasmasan lalo at may natamo itong galos mula sa nangyari kanina.
“Bakit ho kayo iniwan ng mga ampon nʼyo?” tanong ni Anghelo sa matanda. Kahit papaano ay nawaglit sa isip niya ang iniindang problema. Hinihintay pa rin naman niya ngayon ang tawag ng kanilang kumpanya dahil nanghihingi siya ng tulong sa mga ito upang may maibayad sa ospital.
“Akala kasi nila, wala na akong pera. Sinubukan ko lang naman kung kukupkupin pa rin nila ako kapag nawalan na ako ng pera pero iniwan nila ako!” Dama ang matinding sakit sa bawat salitang binibitiwan ng matanda.
“Ganoon ho ba? Kaya nʼyo ho ʼyan, tay. Sana ho maging okay kayo. Huwag na ho ulit kayong gagawa ng ikasasama nʼyo. Kung gusto nʼyo ng anak, ako na lang ho, tutal ay wala naman akong magulang. Sayang ho ang buhay. Marami po riyan na ngayon ay halos malagutan na ng hininga pero patuloy pa ring lumalaban. Katulad ng asawa kong lumalaban para sa anak namin na nasa sinapupunan niya pa rin,” naluha si Anghelo sa kaniyang sinabi.
Nagulat naman ang kausap niyang matanda nang marinig iyon.
“Narito sa ospital na ito ang asawa mo?” tanong pa nito sa kaniya.
Tumango lamang si Anghelo at muli ay nahulog na naman siya sa pag-iisip.
Pinuntahan niyang muli ang kaniyang asawa kasama ang matandang iniligtas niya. Hanggang ngayon ay wala pa rin siyang pera dahil hindi pa rin sumasagot ang kaniyang pinagtatrabahuhan.
“Anak, inuumpisahan na ang operasyon!” bungad sa kaniya ng biyenan niyang babae na agad na ikinapagtaka ni Anghelo. Kagagaling lamang niya sa labas at bumili siya ng makakain nila.
“Ha? Saan ho kayo kumuha ng pambayad?” takang tanong niya, bagaman nagpapasalamat siya sa Diyos.
“Ako na ang sumagot ng operasyon ng asawa’t anak mo, Anghelo. Hindi ba’t iniligtas mo kanina ang buhay ko? Babawi naman ako sa ‘yo ngayon,” biglang singit naman ng matandang nakilala niya kanina sa tulay. Si Don Felix.
Ang laki ng pasasalamat ni Anghelo sa matanda dahil matapos iyon ay naging maayos na ang lagay ng kaniyang misis! Hindi niya akalaing ang simpleng pagliligtas niya kanina sa buhay nito ang siyang magsasagip naman sa buhay ng kaniyang mag-ina.