Inday TrendingInday Trending
Bata pa Man ay Galit na Siya sa mga Beki; Ngunit Babaguhin ng Isang Pangyayari Iyon

Bata pa Man ay Galit na Siya sa mga Beki; Ngunit Babaguhin ng Isang Pangyayari Iyon

Napapangiwi si Jong kapag siyaʼy napapatingin sa dalawang beki na nakaupo sa tapat niya noon sa jeep. Hindi talaga siya natutuwa sa mga katulad nila dahil bata pa lang ay pinalaki na siya ng kaniyang ama upang kagalitan ang mga ganitong klase ng tao. Itinatak ng kaniyang ama na kasalanan sa Diyos ang pagiging beki at ang mga itoʼy walang magagawang tama.

Bukod sa pagtikwas ng mga daliri ng dalawang beki ay nakadaragdag din sa pagkairita ni Jong ang malalanding pagpila-pilantik ng baywang ng mga ito pati na rin ang hindi mawariʼt maintindihang lenguwaheng ginagamit nila sa pag-uusap. Lalo tuloy siyang nairita sa mga ito at pinukulan sila ng masamang tingin.

“Buwisit na buhay ito, oh! Sa dami ng makakatapat, ito pang mga walang silbing ito!” hindi naiwasang bulong niya. Hindi naman aiya pinansin ng mga beki dahil mukhang hindi naman nila narinig ang kaniyang sinabi. “Di pa kasi maubos sa mundo itong mga ʼto, e!”

Walang tigil sa pagngingitngit si Jong sa kahabaan ng kanilang biyahe, hanggang sa mayamayaʼy huminto ang pampasaherong jeep na iyon sa isang terminal na lalo pang ikinairita niya. Paanoʼy nag-unahan ang mga sasakay dahil mukhang uulan na.

Nasa ganoong kalagayan sila nang mapansin ni Jong na biglang tumayo sa kinauupuan niya ang isa sa mga beki.

“Ate, upo ka na rito,” tawag ng beki sa babaeng sisilip-silip sa labas kung may bakante pa nang upuan. Mukhang buntis yata ito kaya nakahawak sa tiyan.

“Paano ka po?” tanong pa ng babae sa isa sa mga beki.

“Sasabit na lang ako,” nakangiting sagot naman nito sabay tayo at inalalayan pang makaakyat ang buntis hanggang sa makaupo.

“Nanay, kayo rin po, dito na, oh!” Ginaya rin ito ng isa pang beking kasama nito at pinaupo naman ang isa pang matanda, habang silang dalawa ay sumabit na lamang sa pinto ng sasakyan.

Nagulat si Jong sa naging kilos ng dalawa dahil sa dinami-rami nilang mga kalalakihang naroon ay ang mga ito pa ang tanging nakagawa ng pagbibigay sa mga kababaihang kapwa rin nila pasahero.

“Maraming salamat po!” anang buntis sa dalawang beki.

“Napakababait nʼyo, mga hijo. Salamat.” Gumaya rin ang matanda.

Pareparehong nakangiti ang mga babaeng pinagbigyan ng dalawang beki sa upuan, pati na rin ang dalawang senior citizen na kanila pang inalalayan habang umaakyat sa jeep. Puring-puri ang mabubuti palang kabekihan, salungat sa pinaniniwalaan ni Jong.

“Wala pong anuman,” nakangiting sagot pa ng dalawa bago nila ipinagpatuloy ang pagkukuwentuhan nila, kahit pa medyo hirap sila sa pagsabit sa sasakyan.

Pakiramdam ni Jong ay napahiya siya sa kaniyang sarili. Talagang naantig ang puso niya sa ginawang kabutihan ng dalawa para sa mga kababaihan, kahit pa nga, pusong babae rin sila. May mga beki rin pala, na kahit ganoon man ang kilos at pananalita ay nananatiling tanggap ang kanilang tunay na pagkatao, at hindi na naghahangad pa ng espesyal na pagtrato mula sa iba. Sa kabila ng talamak na diskriminasyon ngayon laban sa kanila ay naging isa si Jong sa mga taong nagbago ang pananaw dahil siya mismo ang nakasaksi sa kabutihan ng dalawa sa kapwa. Sa pagkakataong iyon ay binawi ni Jong ang mga sinabi niya kanina sa kaniyang sarili.

“Para po!”

Nang magkaroon ng espasyo ay nakaupo na sa wakas ang dalawang beki. Halata ang pagod sa mukha ng mga ito, ngunit kakatwang nananatiling may ngiti sa kanilang mga labi. Kung kanina ay naiinis si Jong sa ingay ng kanilang kuwentuhan, ngayon ay tila ikinatutuwa niya na iyon.

Lihim din siyang napangiti habang nakikinig sa nakaaaliw palang usapan ng dalawa tungkol sa hirap nila sa kanilang trabaho, mga utang at kung anu-ano pa. Kaiba iyon sa iniisip ni Jong na puro kalaswaan lang ang pinag-uusapan nila.

Napagtanto ni Jong na tao rin naman ang mga ito kahit pa iba ang kilos nila sa normal na lalaki. Hindi naman talaga masama ang pagiging beki kung ito talaga ang iyong pagkatao, basta’t walang ginagawang masama ang mga ito laban sa iba at hindi sila gumagawa ng imoralidad.

Sa katunayan ay marami rin namang normal na katulad niya ang mas makasalanan kaysa sa mga ito. Katulad na lang ng ginagawa niyang panghuhusga kanina sa mga ito kahit wala naman silang ginagawa sa kaniya! Hiniling pa niyang mawala na sila sa mundo!

Napahiya siya sa kaniyang sarili. Naiiling na napadasal siya at humingi ng tawad sa Panginoon.

Advertisement