Inday TrendingInday Trending
Unti-unting Umasenso ang Dalaga Kaya Dumami ang Inggitera; Tampulan Tuloy Siya ng Tsismis

Unti-unting Umasenso ang Dalaga Kaya Dumami ang Inggitera; Tampulan Tuloy Siya ng Tsismis

Biglaan ang naging pagyaman ng dalagang si Maya kayaʼt ganoon na lamang ang gulat ng kanilang mga kapitbahay nang makita ang mabilis na pagbabago niya. Ang alam kasi nila ay wala siyang trabaho. Laging nakakulong sa bahay at puro gadgets ang inaatupag. Tampulan na nga ng tsismis ang dalaga nang dahil doon.

“Naku! Siguradong may ginawang kababalaghan iyan. Usong-uso pa naman ngayon ang pagbebenta ng laman kahit sa kompyuter!” Isang umagaʼy napag-tsismisan nina Aling Ason at Manang Doring si Maya. Paano kasiʼy may dumating na namang truck na naglalaman ng delivery para kina Maya. Iyon ay ang bago at mamahaling sofa na in-order ng dalaga.

“Baka naman nanalo sa lotto?” hinuha naman ni Manang Doring.

“Imposible. Hindi nga naglalalabas ang babaeng ʼyan.” Napairap pa si Aling Ason sa hangin. Palibhasaʼy inggit na inggit sa naabot ng dalagang dati-rati ay pinalalayas niya lang sa tapat ng pintuan nila kapag sumisilip ito roon para lang makinood ng telebisyon.

“Naku! Nakakahiya naman kung ganʼon ang ginagawa niyan. Mabuti na lang at hindi ganiyan ang anak ko,” nakukumbinsing sabi naman ni Manang Doring.

Ngunit lahat ng aligasyon ng mga itoʼy mali. Dahil hindi naman mahilig makipag-usap si Maya, sa social media man o sa personal. Isang sikreto upang maisatinig niya ang kaniyang sarili ay nagsusulat siya ng mga nobela.

Noon ay ginagawa niya lamang ito upang maibsan ang kaniyang problemang dala ng kahirapan ng kanilang pamilya, hanggang sa may makadiskubre sa kaniyang talento. Binayaran siya upang magsulat ng ibaʼt ibang uri ng artikulo.

Hindi alam ni Maya kung suwerte siya o talagang talentado nga, dahil halos lahat ng isinusulat niyaʼy pumapatok sa madla, lalo na ang kaniyang mga nobela tungkol sa katatakutan.

Dumami nang dunami ang kaniyang mga tagahanga at lahat ng inilalabas niyang libro ay kumikita nang malaki!

Ilang sikat na publishing companies na ang nag-agawang mag-alok sa kaniya ng kontrata, kabilang na ang pinakamalaki at pinakasikat na publishing company sa America. Agad na tinanggap ni Maya ang alok na iyon. Dahil doon ay kumita siya nang malaki ngayon, laloʼt malapit nang maging pelikula ang kaniyang kuwento.

Nagsimulang magnegosyo nang palihim ni Maya. Para sa kaniya ay hindi naman kasi niya kailangang ipagkalat ang kaniyang tagumpay. Pinabayaan niyang mag-isip ng kung ano-ano ang mga tao sa kaniyang paligid dahil wala naman siyang kailangang ipaliwanag sa mga ito.

Ngayon nga ay kitang-kita na ng mga ito ang kaniyang pagbabago. Simula iyon nang malaman ng mga kapitbahay nila na nagpapatayo siya ng bahay sa isang subdivission. Ngunit sala sa init at sala sa lamig ang ugali ng mga inggitera. Kapag mahirap kaʼy tatawagin kang tamad. Kapag naman umaangat kaʼy kung anu-ano ang inaakusa!

Hanggang sa dumating ang araw na lumabas na sa ibaʼt ibang magazines, TV shows at mga pahayagan ang tungkol sa kuwento ng kaniyang buhay at nalaman ng lahat ang naging pagsisikap niya. Ginawa niyang inspirasyon sa buhay ang pang-aapi ng mga tao sa kaniya dahil lamang siyaʼy naghihirap.

Umasenso nang umasenso ang buhay ng pamilya ni Maya. Nakapagpatapos na siya ng mga kapatid sa kolehiyo, samantalang ang salbae, tsismosa at maramot na si Aling Ason at ang iba pang kahadharan nitoʼy nanatiling ganoon. Walang asenso at naghihirap lalo na nang magsipag-asawa nang maaga ang kanilang mga anak.

“Ate, alam mo bang nakita ko si Aling Ason na itinuturo na naman itong bahay natin sa mga kausap niya? Siguro, pinagtsi-tsismisan ka na naman nila,” minsan ay sumbong ng kapatid ni Maya sa kaniya.

“Naku, hayaan mo sila. Doon na lang naman sila sumasaya, e,” sabi naman ni Maya sa kapatid na noon ay nagkibit-balikat na lang din.

“Basta, ate, kahit ano pa ang sabihin nila, alam namin ang totoo. Proud na proud kami nina papa sa ʼyo.” Niyakap siya ng kapatid at ikinangiti naman iyon ni Maya.

“Sus, ang kapatid ko, naglalambing,” natatawang sabi ni Maya bago tinugon ang yakap nito. “Dahil diyan, ikaw na ang susunod na bida sa bago kong kuwento!” sabi pa niya at ang lawak ng ngiti nito.

Sa wakas ay kampante na ang dalaga na hindi na sila maghihirap muli ng kaniyang pamilya. Dahil unti-unti na ring lumalago pa ang kaniyang negosyo ay alam niyang hanggang ang makatapos ang kanilang bunso ay mairaraos na nila. Natutuwa siyang hindi na kailangan pang kumayod nang kumayod ng kaniyang ama para lang kumita ng pera.

At katulad ng pangarap niya noon, ngayon ay nakatutulong na rin siya sa ibang mga nangangailangan dahil hindi siya nawawalan ng perang inilalaan para sa mga charity.

Advertisement