Ipinatapon Siya ng Ama sa Probinsya Upang Matuto; Iyon Pala ang Magmumulat sa Kaniya
Mataas na ang sikat ng araw pagbangon ni Filotimo sa kaniyang higaan. Tanghali na pala! Dali-dali siyang naghilamos at nagkape upang agad na magtungo sa kanilang sakahan.
Panibagong araw na naman kasi ngayon ng kanilang pagsasaka. Ipinatrabaho kasi sa mga magsasaka sa kanilang lugar ang hekta-hektaryang lupaing iyon at sayang naman kung hindi siya makakasama ngayong araw.
Paglabas niya pa lang sa kanilang likurang bahay ay bumungad na sa kaniya ang nakapapasong init ng araw, gayundin ang mga kapwa magtatalok niyang nakayuko at kaniya-kaniyang pabilisan sa pagtusok ng punla sa lupa.
Hindi nakalampas kay Filotimo ang kuwentuhan ng ilang mga magtatalok habang bakas na ang pagod sa kanilang mukha. Napapahawak sa sumasakit na likuran tuwing tatayo ang mga ito at dahil doon ay nakadarama siya ng awa sa kanila, laloʼt ramdam at danas niya rin ang hirap.
“Pare, balita ko buntis ang anak mong dalaga? Hindi ba’t dalawang taon na lang ay makapagtatapos na iyon?” tanong ng nakikilala niyang si Mang Agustin.
“Oo nga, pare. Wala eh, maagang nag-asawa. Akala ko pa naman ay siya ang mag-aahon sa amin sa putikang tinatapakan ito.” Patuloy ang pagtusok ng butil na punla si Mang Lucio na siyang kausap naman ni Mang Agustin. Bakas sa boses niya ang panghihinayang sa nangyari.
“Iyong anak ko ngang si Bryan na tanging inaasahan ko rin, ayon at halip na mag-aral ay bisyo at barkada ang inaatupag.” Napapabuntong hiningang saad din ni Mang Agustin.
Nalungkot si Filotimo sa mga narinig. Kababata niya ang mga anak nito at totoong nabuntis nga ng kasintahang si Lito ang anak ni Mang Lucio.
Nang magawi sa puwesto niya ang mga mata nila Mang Agustin at Mang Lucio ay agad nilang kinawayan si Filotimo. Dali-dali naman niyang inabutan ng tubig ang mga ihaw na kalalakihan.
“Magtubig ho muna kayo, Mang Agustin, Mang Lucio,” saad ni Filotimo sa mga ito na agad namang tinanggap ang inaabot niya at nagpasalamat.
Tumagaktak ang pawis ng mga ito at mga kasama pang magtatalok dahil na rin sa tindi ng init.
“Salamat, Tim.” Iniabot ni Mang Kanor ang baso matapos itong uminom at muling nagpasalamat. Isang tango ang isinagot ni Filotimo.
Nakaramdam ng lungkot si Filotimo. Ganito pala ang hirap na dinaranas ng kaniyang mga kababayan habang siya ay naroon sa Maynilaʼt nagpapasarap sa buhay. Dahil doon ay napaisip si Filotimo kung paano niya matutulungan ang mga ito.
Hapon na nang matapos ang mga magtatalok. Napagmasdan ni Filotimo ang hirap sa pagtayo nina Mang Agustin. Medyo malayo rin ang lalakarin nito pauwi at ganundin si Mang Lucio.
Aminado si Filotimo na hindi niya gusto ang buhay dito sa probinsya noong una kaya naman ganoon na lang ang pagmamaktol niya nang ipatapon siya ng kaniyang ama rito upang matuto. Paanoʼy puro kalokohan at pagpapasarap sa buhay ang ginayawa niya sa Maynila, laloʼt alam niyang mayaman naman ang kanilang pamilya.
Ang ama niya ang may-ari ng lupang sinasaka nina Mang Agustin at Mang Lucio at inutusan siya nitong pamahalaan ang ipinagagawa nitong pagpapatrabaho sa hekta-hektaryang tanimang iyon ng palay.
Simula nang malagi siya sa lugar na ito ay namulat ang kaniyang isipan tungkol sa halaga ng baway butil ng pagkain na noon ay madalas niyang balewalain. Ngunit ngayon ay parang gusto na niyang manatili na lamang sa lugar na ito at mamuhay nang simple, ngunit tahimik at masayang buhay.
Nang gabing iyon ay tinawagan niya ang kaniyang ama upang humiling, hindi para sa kaniyang sarili kundi para sa kaniyang mga nakasama rito.
“Hindi ho ba at sa akin nʼyo naman balak ipamana ang lupain dito sa probinsya, papa?” diretsahang tanong ni Filotimo sa ama na ikinabigla nito sa kabilang linya.
“Oo, bakit mo naitanong?” takang tugon naman nito.
“Baka ho maaaring makuha ko na…” biglaʼy ani Filotimo at napamura ang kaniyang ama.
“Abaʼy loko kang bata ka, ah! Aanhin mo?” may galit na sa tinig na tanong pa nito ngunit agad ding nawala nang marinig ang kaniyang sagot.
“Papartehan ko ho ang mga trabahador ng lupain. Hindi sapat ang kinikita nila sa atin, papa, bakit hindi natin sila bigyan ng reward para sa matagal nilang paninilbihan sa atin noon pa?” matapang na ani Filotimo.
Lingid sa kaniyang kaalaman ay napangiti ang kaniyang ama. Sa wakas ay nakuha na niya ang aral na gusto nitong matutunan niya.
Dahil doon ay tinupad nito ang kaniyang kahilingan. Pinartehan nito sa lupa ang mga magsasakang matagal nang naninilbihan sa kanila at laking pasasalamat naman ng mga ito sa binata!