Inday TrendingInday Trending
Pinangarap Niyang Maging Doktor; Ngunit Nawala ang Dahilan Niya Para Ipagpatuloy Iyon

Pinangarap Niyang Maging Doktor; Ngunit Nawala ang Dahilan Niya Para Ipagpatuloy Iyon

Gabi na naman at maririnig na ang mga kuliglig na humuhuni nang sabay-sabay. Katulad ng kanilang nakasanayan ay umakyat ang magkaibigang Vilma at Joey sa bubungan ng kanilang bahay upang magkuwentuhan.

Wala kasi silang ibang libangan bukod doon. Wala naman kasi silang telebisyon, radyo o kung ano pa man dahil wala rin namang kuryente ang kanilang mga bahay na halos magkadikit lang naman.

Ang tanging paraan upang ibsan ang kanilang pagkabagot ay ang magkuwentuhan habang nakatingin sila sa mga bituin at umaasang tuparin nito ang kanilang hiling.

“Pangarap kong maging doktor balang araw, Vilma,” sambit ni Joey noon sa kaibigan habang nakatitig siya sa kalangitang puno ng bituin. Magpapasko na at malamig ang simoy ng hangin ngunit napakaganda ng kalat ng mga bituin doon na animoʼy mga palamuti.

“Bakit naman? Hindi ba ay mahirap ʼyon?” tanong naman ni Vilma sa kaniya ngunit nanatili ang determinasyon sa mukha ng binatilyo.

“Gusto kong gamutin ang sakit mo.” Napalingon si Vilma sa sinabi ng kaibigan. Tila naestatwa siya sa narinig at hindi makapaniwala.

“Ayaw ko nang makita kang nahihirapan dahil sa sakit mo.” Hinarap din ni Joey ang kaibigan.

Agad namang nag-ulap ang mga mata ng dalagita dahil sa kaniyang sinabi.

“Huwag kang umiyak, bestfriend. Pagagalingin kita kapag naging doktor na ako, kaya dapat magpalakas ka,” matatag pang sabi ni Joey bago pinahid ang luhang naglalandas na ngayon sa pisngi ng dalagita. Tuluyang napahagulhol si Vilma sa narinig at napayakap sa kaibigan.

Hanggang sa sila ay magdalagaʼt magbinata na ay pinanghahawakan pa rin ng magkaibigan ang pangakong iyon ni Joey. Ginawa niya itong inspirasyon upang makaya niya ang lahat habang si Vilma naman ay ginawa iyong karugtong ng kaniyang buhay upang siyaʼy manatiling lumalaban sa sakit.

Hindi naging madali ang pagtahak ni Joey ng landas bilang estudyante. Ibaʼt ibang klase ng paghihirap ang kaniyang naranasan ngunit hindi iyon naging dahilan upang siya ay sumuko.

Nag-apply si Joey bilang iskolar ng bayan upang makamit ang kaniyang minimithing pagdodoktor. Pursigido at determinado ang binata na ipagamot ang matagal na niyang minamahal na si Vilma.

Malapit nang magtapos sa pag-aaral si Joey noon. Kaunting-kaunti na lang ay mangyayari na ang pangako niya sa kaibigan ngunit tila sinusubok talaga siya ng tadhana, dahil ang kaniyang minamahal ay biglang namaalam habang siyaʼy kumukuha ng exam.

Sobrang tindi ng paghihinagpis ni Joey sa nangyari. Nang makita niya si Vilma habang nasa kabaong na ito ay halos madurog na ang kamao niya nang kaniyang pagsusuntukin ang pader upang doon niya ibuhos ang kaniyang galit.

“Bakit hindi mo ako hinintay? Bakit bumigay ka agad?” umiiyak si Joey habang kinakausap ang litrato ng dalaga.

Simula noon ay nawalan na rin ng pakialam si Joey kahit nakamit na niya ang pinapangarap niyang propesyon. Siya pa naman ang itinanghal at nakakuha ng pinakamataas na ranggo sa nagdaang board examination ngunit ibinasura niya na lamang ang kaniyang kaalaman.

Palagi siyang lasing. Naging basagulero ang binata at wala nang pinakikinggan, ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang makita ang isang babaeng bumaba mula sa magara nitong sasakyan.

“Vilma?” tawag niya rito na agad nitong ikinalingon.

“Kilala mo ang kakambal ko?” tanong naman nito sa kaniya bago ito nagpakilala. “Ako si Wilma.”

Nagulat si Joey nang malamang may kakambal pala ang kaniyang kaibigan. Tulad ni Vilma ay may sakit din si Wilma sa puso kayaʼt ipinaampon ito ng mga magulang nila upang isa man lang ay maipagamot.

Nang malaman iyon ni Joey, pakiramdam niyaʼy nagkaroon ulit siya ng dahilan para magpatuloy. Inayos niya ang sarili at tinupad ang pangako niya sa kaibigan. Tinupad niya ito sa pamamagitan ng paggamot sa sakit ni Wilma.

Hindi man niya nagawa iyon sa babaeng minamahal ay napagaling naman niya ang kapatid nito. Alam niyang ikinatutuwa iyon ni Vilma sa kabilang buhay.

Natutunan ni Joey na magsimula ulit at pagtuunan ng pansin ang kaniyang propesyon. Ngunit nanatili ang pagkakaibigan nila ni Wilma hanggang sa sila ay magkagustuhan na rin at maging magkasintahan.

Hindi lingid kay Wilma na dati niyang minamahal ang kakambal nito ngunit siniguro niyang hindi dahil doon kung bakit niya nagustuhan ang babae. Ganoon pa man ay nananatiling buhay sa kanilang alaala ang pagmamahal para sa yumaong si Vilma na siyang bagong dahilan upang sila ay magtagpo ng landas.

Advertisement