Inday TrendingInday Trending
Nahuli Siya ng Guro Habang Nangongodigo; Buwelta Niyaʼy Nahuli niya Itong May Kalaguyo!

Nahuli Siya ng Guro Habang Nangongodigo; Buwelta Niyaʼy Nahuli niya Itong May Kalaguyo!

Seryosong-seryoso pa ang mukha ni Andy habang nagsasagot ng kaniyang exam. Lingid sa kaalaman ng kaniyang mga kaeskuwela sa ikalawang baitang ng sekondarya ay may hawak naman siyang kodigo!

Naglilibot-libot noon ang kanilang gurong si Mrs. Lauricio kaya naman hindi nagtagal ay nahuli siya nito habang nagkokodigo!

“Ang lakas ng loob mong mangodigo sa subject ko, ha, Andy?! Hindi por que inaanak ka ng asawa koʼy hahayaan ko na itong ginagawa mo!” galit na anang kaniyang guro kay Andy.

Ninong niya na ang kinakasama nitong si Randy bago pa magkakilala ang mga ito. Matalik kasi itong kaibigan ng kaniyang yumaong ama, kaya naman close na close na siya rito noon pa. Halos ito na rin kasi ang tumayo niyang ama mula nang sumakabilang buhay ang kaniyang papa dahil sa sakit na diabetes.

“Go to my office now, Andy!” galit pang sigaw muli ng kaniyang guro na agad namang tinalima ni Andy.

Ngunit nagtataka ang kaniyang mga kaeskuwela, pati na rin si Mrs. Lauricio dahil tila hindi naman siya kinakabahan man lang sa kaniyang pinagagagawa. Kaya naman lalong nanggalaiti ang guro!

“Gusto kong papuntahin mo ang mama mo rito, Andy. Kakausapin ko siya. Sasabihin kong isang cheater ang anak niya!” galit na galit na sigaw muli nito sa kaniya nang silaʼy nasa office na. Si Andy naman ay kampante lang na nakaupo sa harap nito nang nakadekuwatro pa!

“Cheater ako, maʼam? E, ano po ang tawag nʼyo sa sarili nʼyo?” May galit sa himig ng pananalita ni Andy.

“Ano kamo?!” kunot-noo namang tanong ng kaniyang guro.

Imbes na sumagot ay kinuha na lamang ni Andy ang kaniyang telepono at ipinakita sa kaniyang guro ang mga litratong nagpahindik dito!

Ang mga litratong iyon kasi ay kuha habang nakikipagkita siya sa kaniyang kalaguyo!

“Nagulat ka ba, maʼam?” ngising tanong ni Andy. “Hindi ko po akalaing makikita ko kayo roon sa tambayan namin ng mga kabarkada ko, e. Iyon pala, isa sa mga tambay doon ay kalaguyo nʼyo,” iiling-iling pang dagdag ng binata.

Hindi nakaimik ang guro at namutla na lang sa kaniyang kinauupuan. Nanginginig ang kaniyang tuhod dahil sa tapang na ipinapakita ni Andy. Mukhang desidido ito sa ginagawang pananakot sa kaniya!

“H-hindi kita ibabagsak sa subject ko, Andy, basta h-huwag mo lang akong isusumbong sa ninong mo!” nakikiusap na anang guro sa kaniya ngunit tumawa lang si Andy.

“Sa tingin mo po, maʼam, natatakot talaga akong ibagsak nʼyo ako? Hindi ko naman talaga kailangang mangodigo para lang pumasa sa exam. Ginawa ko lang ʼyong para maramdaman nʼyo kung gaano nakakainis ang isang manloloko,” iiling-iling pang sagot muli ni Andy. “Papupuntahin ko na lang po si Ninong dito, tutal ay siya naman po ang tumatayong guardian ko bago kayo dumating sa buhay niya.”

Iyon lang at iniwan na ni Andy ang guro sa opisina nito. Hindi na niya tinapos ang exam at umuwi na lang sa kanilang bahay.

Sobrang lungkot ni Andy para sa kaniyang ninong. Napakabuti nito sa kaniya at sa kaniyang ama noon kaya naman ganoon na lamang ang nadarama niyang galit para sa kaniyang guro!

Hindi nagtagal at nalaman ng lahat ang ginagawang imoralidad ng guro ni Andy, dahilan, upang matanggal ito sa trabaho.

“Hindi totoo ang isinusumbong sa iyo ng inaanak mong ʼyan, Randy, maniwala ka!” panunubok ng kaniyang gurong si Aida na siluin ang kaniyang ninong.

“Anoʼng hindi totoo? Nariyan na ang lahat ng ebidensya, Aida!” galit namang tugon ni Randy sa kinakasama.

“M-magbabago ako, Randy! Hindi ko na uulitin ʼyon. Pakasalan mo ako. Ituloy natin ang kasal natin, please!” Sinubukan pang magsumamo ni Aida ngunit umiling na si Randy.

“Para saan pa? Hindi mo naman ako mahal, bakit gusto mong magpakasal sa akin? Para sa pera?” Muling umiling si Randy. “Umalis ka na bago pa ako tuluyang mawalan ng respeto sa ʼyo.”

Laking pasasalamat sa kaniya ng kaniyang ninong dahil nahuli niya ito bago pa man magtagumpay sa kaniyang balak ang babae na kamkamin muna ang yaman nito pagkatapos ay iiwanan nito si Randy at sasama sa kalaguyo nito.

Pagkatapos nʼon ay mas pinagbuti ni Andy ang kaniyang pag-aaral. Hindi naman kasi talaga niya gawain ang pangongodigo. Sa katunayan ay matataas naman ang kaniyang grado ngunit talagang napilitan siyang gawin iyon upang mabuking ang kaniyang guro at ang kalaguyo nito.

Advertisement