Bawat Kibot ay may Presyo sa Bahay ng Babaeng Ito, Paano Kung Makakasama Niya ang Biyenan sa Iisang Bubong?

Bawat Kibot ay may Presyo sa Bahay ng Babaeng Ito, Paano Kung Makakasama Niya ang Biyenan sa Iisang Bubong?

FamilyLoveStories

“Ang hirap kayang makasama siya sa isang bahay, kung ‘di nga lang mabait si kuya ay baka hindi ko na siya pinakisamahan pa,” wika ni Areya sa kaniyang kapatid at nanay.

“Bawat kibot nun ay magkukwenta,” dagdag pa nito sabay tawa.

“Ano na lang pala kapag ako na ang nakasama niya sa bahay, baka pati ako kwentahan niya,” natatawang baling ni Aling Gloria, nanay ng dalaga.

“Masusubukan mo ngayon, ‘pag umuwi ‘yun galing sa palengke ay presyo kaagad ang bungad sa akin dahil sa may pinabili ako,” natatawang sabi muli ni Areya sa dalawang kausap.

Sasagot pa sana ang isa niyang kapatid nang dumating si Dianne, ang asawa ng kuya nila.

“Grabe, ang daming tao sa palengke, ang hirap talaga mamili mag-isa. Areya, bale 855 pesos lahat sa’yo,” malakas na sabi ng babae saka ito dumiretso sa lababo.

Natawa nang tahimik si Areya sabay tingin sa kaniyang kapatid at nanay. “Para saan ang pinamili ng anak ko?” mabilis na sagot ni Aling Gloria rito.

“‘Di po ba dito kayo magbabakasyon ng isang buwan? Sabi ko sa kaniya ay hatian niya ako sa palengke ngayon para sa mga makukunsumo sa susunod na araw,” sagot naman ni Dianne habang nag-aayos pa rin ng mga pinamili.

“Naku, mukhang makakapabigat pa yata sa inyo ang pagdating namin. Magagastusan ka,” pahaging muli ng kaniyang biyenan.

“Hindi naman, ‘ma, minsan lang naman kayo dumalaw at alam kong masaya si Arthur sa pagdating niyo,” nakangiting sagot ng babae sa ale.

Hindi naman na nagsalitang muli ang kaniyang biyenan at tumalikod na lamang ito. Samantalang si Dianne ay mas piniling asikasuhin mag-isa ang mga pinamili niya para sa kanilang lahat.

Kakalipat lamang nila Dianne at Arthur sa kanilang bagong bahay na kinuha nang hulugan sa Pag-Ibig. Rent-to-own ito kaya naman masayang-masaya ang babae dahil sa wakas ay nabawasan ang gastusin niya sa upa ng bahay at magiging sa kanila pa ang tinitirhan pagdating ng araw. At dahil wala pa silang anak ay nakiusap ang asawa niya sa kaniya na sa kanila muna titira ang bunsong kapatid nitong si Areya na nagtratrabaho sa Maynila. Halos dalawang taon na rin nilang kasama ito.

“Mahal, nandito na ako,” wika ni Arthur na maagang nakauwi.

“O, ba’t may fast food kang dala e nagluto ako ng hapunan,” saad ni Dianne nang i-abot sa kaniya ito at inilagay naman kaagad ng babae sa mesa.

“Pinabili ‘yan ni Areya, nagki-crave raw sila,” sagot ng lalaki.

“Nasaan ang resibo nang maibigay ko sa kaniya,” hanap naman ng babae.

“Alam mo ikaw, Dianne, parang lahat na lang kinuwenta mo,” wika ni Aling Gloria nang nilapitan siya.

“Ayaw ko sana magsalita pero unang araw ko palang dito ay napansin ko na kaagad. Lahat ng galaw dito sa bahay ay may presyo sa anak kong babae. May problema ka ba kay Areya? Hindi mo ba alam na bago ka pa dumating sa buhay namin ay ganito na kami magmahalang pamilya, walang madamot sa amin at walang nagkukwentahan,” diretsong dagdag pa nito.

“Ma, ano ba ‘yan, wala namang ginagawang masama si Dianne. Tama na ‘yan at kumain na tayo,” pigil kaagad ni Arthur sa kaniyang nanay.

“Hindi, Arthur, kailangan kong magsalita kasi ‘tong asawa mo parang kinakayan-kayanan lang ang kapatid mo. Saka isa pa, kailangan ko itong masabi na naririnig niyong lahat para naman hindi sabihin na inaapi ko siya at masama akong ina,” bwelta pang muli ng ale at tumaas na ang boses nito.

Saglit na natahimik si Dianne at ngumiti ito sa kaniyang biyenan.

“Magsalita ka, hija, ilabas mo ang tunay mong ugali sa harap ng anak ko. Hindi ba’t lahat ng galaw dito ay may presyo at kailangan bayaran? Ano ba kami? Hindi ba kami pamilya?” sabing muli ng ale.

“Ayaw ko hong maging bastos sa paningin niyo at sa mga ginagawa ko pero sa pagkakataong ito ay kailangan kong magsalita para sa sarili ko. Una sa lahat, may asawa na po si Arthur at ako ‘yun. Ako ‘yung nakakasama niya sa araw-araw at ako rin ho ang nakakaalam ng laman ng pitaka niya sa bawat oras, ako ang nag aasikaso ng bawat butil at bawat pumapatak na pera sa bahay na ito kaya naman ako po ang nakatoka kung paano pagkakasyahin lahat ng iyon,” mahinahong sagot ni Dianne ngunit taas noo at diretso niyang tinignan ang ale.

“Hindi ba’t si Arthur ang lahat ng sumasagot sa mga gastusin niyo sa probinsya? Kasi may negosyo kami, nakakaluwag kami, hindi ba’t ang asawa ko rin ang nagpatapos kay Areya kahit na mag-asawa na kami? Hindi ba’t halos lahat ng kibot niyo ay sa asawa ko ang punta para humingi ng pera?” tanong ng babae.

“Oo, anak ko ‘yan e, tsaka normal sa amin ‘yan!” galit na sigaw ni Aling Gloria.

“May narinig ba kayo sa akin? Hindi ba’t wala? Ano ba ‘yung makihati si Areya sa mga gastusin dito sa bahay na siya naman mismo ang gumagamit? Ako na ang nagpatira, ako pa ang gagastos? Hindi ko sa sinasabing madamot ako, pero ang akin, may trabaho na ho ang bunso niyong anak at may pamilya naman ang panganay niyo. Nung dumating ako hanggang ngayon, nakita niyo bang tumulong sa gawaing bahay ang anak niyong babae, hindi, kasi ako lahat, naningil ba ako sa paglilinis, paglalaba at paghahanda ko ng baon niya? Nakikita niyo rin ba ang mga ginagawa ko? ‘Yung mga sinisingil ko sa groceries, hindi ba’t para sa’yo ‘yun lahat dahil may sarili ako, Areya? Lahat ng gastos niyo, nakikita ko, iniipon ko at tahimik kong pikit matang tinatanggap na imbes na makaipon kami ng mas malaki ay itutulong na lang namin sa inyo dahil pamilya tayo.”

“Pero ang pera nauubos, kinikita at nauubos ulit kaya kailangan mag-ipon, maghigpit ng sinturon. Hindi pa rin ba malinaw? Ano ba ‘yung patayuin niyo naman sa sarili niyang paa ang anak niyong si Areya at huwag niyo naman i-asa lahat sa asawa ko dahil hindi niyo nakikita ang pagod niya tuwing gabi para kumita lamang ng pera na isang pitik niyo lang ay ubos na. Hindi niyo nakikita kung paano ako nagbabawas ng ibang gastusin may maipadala lang sa inyo at sa mga hiling niyo,” siwalat ng babae sa kalmado niyang boses saka ito ngumiting muli sa kaniyang biyenan. 

“Maghahain na po ako para makakain na tayo,” sunod pa nitong sabi saka siya tumalikod sa ale.

Naiwan namang nakatayo lamang si Aling Gloria at para bang nanigas ang kaniyang tenga at mukha. Ngayon lamang may sumampal sa kaniya ng katototohan na tama lahat ng sinabi ni Dianne at kung tutuusin ay siya pa pala ang sumusobra ngunit wala siyang narinig na kahit ano sa babae.

Labis ding nahiya si Areya dahil puro pampaganda at gala lamang ang pinagkakagastusan niya at nakokonsensya siyang sinisiraan niya si Dianne sa kaniyang mga kaibigan kahit na siya mismo ang nabulag sa pagsandal niya sa kaniyang kuya. Hindi naman nagsalita si Arthur at napayuko na lamang sa pagtatalo ng dalawa, naiintindihan niya ang kaniyang asawa at ayaw nman niyang masaktan ang kaniyang ina. Kaya mas minabuti niyang hindi magsalita. 

Simula noon ay nagkaroon ng pagkukusa si Areya sa mga gastusin at gawaing bahay, samantalang sina Aling Gloria naman ay nagbawas ng mga gastusin lalo na kung hindi naman kailangan.

Sabi nga nila, walang masama sa pagtulong sa pamilya ngunit lagi nating tatandaan na ang lahat ng sobra ay hindi na tama.

More Stories