Palagi na Lamang Humihingi ng Tulong ang Kapitbahay ng Babaeng Ito, Ano nga Kaya ang Kailangan ng Matanda?

Palagi na Lamang Humihingi ng Tulong ang Kapitbahay ng Babaeng Ito, Ano nga Kaya ang Kailangan ng Matanda?

FamilyHeartbreakingStories

“Kanino na naman ba ‘tong damit na nandito sa plastic? Huwag mong sabihin sa akin na bigay na naman ‘to nung nanay na baliw sa dulo?” galit na sabi ni Jasper na kakauwi lamang galing trabaho at naabutan ang mga supot na puno ng mga damit.

“Kanino pa nga ba, may sulat pa ngang kasama ‘yan ngayon. Hindi ko naman maintindihan,” sabi pa ni Rita, asawa ng lalaki.

“Huwag mo na kasing tanggapin ‘yung mga binibigay niya kaya ka binabalikan nun kasi kinakausap mo. Tingnan mo, sa buong building ikaw lang ang tanging pinupuntahan nun. Isusumbong ko na ‘yan sa admin kapag hindi pa siya tumigil,” sagot naman muli ng lalaki saka hinubad ang kaniyang sapatos at itinapon ang mga damit sa basurahan.

“May sulat pa nga siya ngayon e, ang nakalagay ay “Tulungan niyo ako, may problema kami mga anak ko,” ayun,” batid pang muli ng babae sa kaniyang asawa.

“Alam mo ng may tililing ‘yun nagpapaniwala ka, basta sa susunod na magbigay siya ay huwag mo nang tanggapin pa,” baling muli ng kaniyang mister at nagkibit-balikat na lamang ang babae saka tiningnang muli ang sulat na nakaipit sa bulsa ng damit na ibinigay ng kapitbahay nilang babae. 

Halos anim na buwan pa lamang na nakakalipat sila Rita at Jasper ngunit may isa na silang kapitbahay na palagi siyang binibigyan ng mga damit. Halos mag iisang buwan na iyon na ginagawa ng ale. Binalaan na siya ng mga nakatira roon na may sayad nga raw ito kaya naman habaan niya ang pasensiya.

“Abby, matanong ko lang, dati ba ay binibigyan ka rin ni nanay ng mga damit?” tanong ni Rita sa kaniyang katabing unit.

“Naku, oo! Tapos nagsawa ako sa kakangiti at kakaintindi roon sa matanda kasi nga habang tumatagal bigla na lang papasok sa bahay tapos may i-aabot na sulat na tulungan daw siya. Ayon, ni-report ko sa admin, kawawa rin naman kasi hindi pinalabas nung anak matapos makatanggap ng reklamo ko,” sagot ni Abby sa kaniya.

“A, normal lang pala itong nakuha ko kahapon na sulat. Akala ko kung ano na,” sabi ni Rita sabay pinakita ang pinulit niyang papel ng ale na itinapon na niya kagabi.

“Naku, i-report mo na lang nang hindi ka na kulitin. Kasi ako nuny nagsabi ako hindi na bumalik sa akin. Minsan nakakaawa, oo, pero kasi nakakailang,” ani Abby. 

Kaya naman hinayaan na lang niya ito at inantay na bumalik ang ale tsaka niya kakausapin at hindi nagtagal ay bumalik nga ito na may dala namang pantalon.

“‘Nay! Pumasok nga kayo rito saglit at mag-usap tayo!” sabi ni Rita sa matanda at hinila ito papasok sa kaniyang bahay.

“Nay, ‘wag mo nang gawin ito kasi nagagalit ang asawa ko. Bakit daw ang dami mong binibigay na damit-” naputol niyang sabi nang biglang nagsalita ang matanda.

“Tulungan mo ako, may anak ako, may anak ako pero malayo, nasa ibang bansa,” sabi ng matanda sa kaniya.

“Ano po bang tulong ang gagawin ko? Gusto niyo po ba sabihin ko sa admin?” tanong niyang muli rito.

“Huwag! Huwag! Itatago na naman nila ako, tapos patutulugin ng matagal, may anak ako, may anak, ako nasa malayo, may anak ako, nasa ibang bansa,” paulit-ulit na sinabi iyon sa kaniya.

Hindi naman maintindihan ni Rita ang ale kaya naman pinalabas na lamang niya ito at ibinigay muli ang supot ng mga damit ngunit nagpumilit na isiniksik sa kamay niya ang isang lukot na papel na may nakalagay na namang tulong. 

Itatapon na sana niya ito nang mapansin niyang may pangalan na ngayon na nakasulat. Kahit na nagtataka at naguguluhan, naisip niyang hanapin ang pangalan sa Facebook.

“Wala naman mawawala, Rita, kung hahanapin mo,”

Laking gulat naman niyang may lumabas na isang lalaki, tiningnan niya iyon at nakitang may litrato ito ng pamilya niya saka niya nakita ang matandang babae ay ang kapitbahay nila.

Medyo kinabahan si Rita pero nagtanong pa rin siya sa lalaki. 

“Magtatanong lang po sana ako tungkol sa mama mo, kilala ko po kasi siya,” unang mensahe ng babae. Laking gulat niyang sumagot naman kaagad ito.

“Hello po, isa po ba kayo sa mga naturuan ni mama? Sorry to inform you pero hindi na po kinaya ng mama ko at pinasok na po namin siya sa Mental Hospital sa Manila,” sagot ng lalaki.

“Ha, mental? Ano pong mental? Sigurado po ba kayo?” tanong muli ni Rita sa lalaki.

“Opo, umupa kami ng mag-aalaga sa kaniya pwede niyong makausap si Yolly, siya ang nangangalaga sa mama ko na nasa Pilipinas. Sa lahat ng gustong dumalaw sa kaniya ay siya na ang kausapin niyo. Nandito na kaming lahat sa Canada,” sagot sa kaniya nito.

Saglit na kumabog ang puso ni Rita at hindi niya alam kung totoo ang nababasa niya.

“Pero nandito po nakatira ang mama niyo,” siwalat niya sa lalaki at doon na lumabas ng katotohan.

Kaagad na umuwi ang mga anak niya para kuhanin ang matanda at doon napag-alamang niloloko lamang sila ni Yolly at pineperahan ang mga anak nito. Ginawa nitong isang parang ospital ang kwarto ng ale at doon ito kinukuhanan sa tuwing makikipag-usap online sa mga anak niya. Ang babae rin ang dahilan kung bakit hindi makapagsumbong si Nanay Flora dahil tinatakot siya na kikit*lin ano mang oras. Kaagad na inaresto si Yolly sa krim*ng nagawa.

“Salamat, sa lahat ng kapitbahay ko, ikaw lang ang nakinig sa akin. Maraming salamat,” yakap sa kaniya ni Nanay Flora.

Ngayon niya napagtanto na walang mali sa pakikinig sa mga tao, nasa katinuan man ito o wala. Minsan, ang simpleng kabaitan ay may balik na malaking biyaya sa ibang tao.

More Stories