Maagang namulat si Celeste sa hirap ng buhay. Dahil kapos ang kanilang pamilya, nasa elementarya pa lamang ito ay tumutulong na ito sa kaniyang pamilya upang kumita na ng pera pangtustos sa kanilang pang araw-araw na gatusin.
Habang nag-aaral sa umaga hanggang hapon, nagtatrabaho naman ito bilang dishwasher sa isang canteen malapit sa kanila tuwing gabi.
“Ano ba yan, Celeste?! Ang bagal mong maghugas! Bawal ang mahinhin dito. Mauubusan ng plato, marami pa namang kumakain nga ganitong oras! Hala, sige! Bilisan mo!” sigaw ng may-ari ng kantina.
Gabi-gabi, pinagtitiisan ni Celeste ang malupit na may-ari ng kainan na palagi siyang pinagsasabihan na kung ano-anong masasakit na salita habang siya ay nagtatrabaho doon. Nagtiyaga si Celeste sa trabahong ‘yon, dahil ang kinikita niya ang nagsisilbing baon nila na magkakapatid sa susunod na araw, kaya hindi pwedeng huminto si Celeste sa pagtatrabaho doon.
Nang makatapos ng highschool, iniwan na rin niya ang kantina. Dinala rin kasi siya ng kaniyang tiyahin sa Maynila. Naiwan ang kaniyang mga magulang at kapatid sa probinsiya. At dahil siya ang panganay, kinuha siya ng kaniyang tiyahin upang mapag-aral ito at balang araw ay makatulong sa kaniyang pamilya.
Nang makarating ng Maynila si Celeste, doon niya napatunayan na mas malupit pala ang pamumuhay sa siyudad. Walang kamalay-malay si Celeste at ang kaniyang mga magulang na sa isang bar pala nagtatrabaho ang kaniyang tiyahin bilang dancer. Laking gulat na lamang niya nang makarating sila sa Maynila, ipinasok siya ng kaniyang tiyahin bilang isang waitress sa bar na kaniyang pinapasukan. Hindi totoo na pag-aaralin niya si Celeste.
“Oh, ayan may bagong recruit na ako. Pwede na ba akong magresign? Masipag ‘yan!” maangas na sabi ng kaniyang tiyahin at niwan na lamang siya basta basta sa bar na ito at hindi na nagpakitang muling.
Dahil bago pa lamang sa Maynila, walang ibang nagawa si Celeste kung ‘di magtrabaho na lamang bilang waiter sa bar. Minsan sa gabi, pag oras na ng kanilang pagtulog, hindi mapagilan ni Celeste ang maluha dahil sa hirap at sakit na nararamdaman, idagdag pa ang labis na pagkamiss niya sa kaniyang pamilya. Ang kaniyang celpon naman kasi ay tinangay na rin ng kaniyang tiyahin.
Lumipas ang mga ilang buwan, at lumalala na ang pagtatrato sa kaniya ng boss nila sa bar. Mula sa pagiging waitress, ibinub*gaw na siya ng kaniyang boss sa mga lalaking parokyano ng bar at itinatable pa sa mga ito. Pilit na lamang pinipigilan ni Celeste ang lumuha sa harap nila, dahil baka maltratuhin siya ng kanilang amo.
Buti na lamang at naging malapit ito sa isang bouncer ng bar at tinulungan siyang makatakas sa mala-impyernong lugar na kaniyang naging tahanan sa loob ng ilang buwan. Dahil walang ibang matutuluyan, sa pamilya muna siya ng kaibigang bouncer tumuloy. Pinagamit din sa kaniya ang celpon nito upang makatawag sa kaniyang pamilya sa probinsiya.
Walang humpay naman sa pagluha ang kaniyang mga magulang nang malaman ang sinapit ng kanilang anak. Hindi na rin nila mahagilap pa ang malupit nitong tiyahin. Nais na sana ng mga magulang ni Celeste na bumalik na lamang siya sa probinsiya, ngunit mas pinili na rin muna ni Celeste na makipagsapalaran sa buhay Maynila.
Naging gabay niya ang bouncer na kaibigan na si Brad, upang siya ay muling makapagsimula. Hanggang sa natulungan siya nito na makahanap ng bagong trabaho.
Natanggap si Celeste bilang tagapagbantay ng manukan sa isang lungsod sa Maynila. Ang may-ari ng manukan na ito ay ang malayong kamag-anak ni Brad. Nagsimula lamang si Celeste bilang taga-bantay ng mga manok. At dahil may angking sipag at galing si Celeste, unti-unti na siyang tinuturuan ng kaniyang amo kung paano mag-alaga ng mga manok.
Hindi naman nahirapan si Celeste sa kaniyang bagong trabaho, lalo na’t lamang ng sampung beses ang kabaitan na taglay ng bago niyang amo kumpara sa mga nīaging amo nito sa dati niyang mga trabaho.
“Taga-probinsiya ka pala, Celeste? Naikwento ka sa’kin ng ina ni Brad. Buti at napadpad ka rito sa Maynila?” natanong ng kaniyang amo na si Luisiana habang sila ay sabay na nagpapakain ng mga manok.
Doon na naikwento ni Celeste ang kwento ng kaniyang buhay. At dahil sariwa pa ang mga alaala, hindi mapagilan ni Celeste ang maluha habang isinasalaysay ang bawat hagupit sa kaniya ng buhay.
At habang nakikinig, hindi na rin napiligilan ng kaniyang amo, at tuluyan na rin itong naiyak sa malungkot na sinapit at paghihirap ng dalaga.
“Alam mo, Celeste, ako ay humahanga sa’yo. Dahil kahit na ang beses ka sinusubok ng buhay, nagpapatuloy ka pa rin at lumalaban,” wika ng kaniyang amo habang siya ay pinapatahan nito.
“Gamitin mo bilang sandata ang lahat ng pinagdaanan mo sa buhay. Isipin mo na hinuhubog ka ng lahat ng ‘yan para sa isang magandang hinaharap,” patuloy na wika nito.
Nagpatuloy naman ang pag-uusap ng dalawa. At habang magkatulong ang dalawa na naglilinis ng bakuran, hindi mapigilan ni Luisiana na palakasin ang loob ng kaniyang trabahador na si Celeste.
“Para kang diyamante, Celeste,” wika nito.
Bahagyang namang napahinto si Celeste at nagtataka sa sinasabi ng kaniyang amo.
“Napakaganda ng isang diyamante. Makinang, makinis at nagniningning. Pero alam mo ba na matindi ang pressure at panahon ang ginagawa sa isang espeyal na bato upang tuluyan itong maging diyamante,” pagkukuwento ni Luisiana kay Celeste.
“Tulad mo, Celeste. Ang lahat ng paghihirap, sakit at pagsubok na hinaharap mo ngayon ay hinuhubog ka. Para pagdating ng panahon, kikinang ka rin tulad ng isang diyamante at magiging baon mo ang lahat ngpaghihirap na ‘yon upang iyong maging lakas,” nakangiting sabi nito kay Celeste.
Hindi naglaon, naging matalik na magkaibigan ang mag-amo. At dahil kinakitaan ni Luisiana si Celeste ng galing at tiyaga, unti-unti niya itong tinulungan na matupad ang kaniyang pangarap. Dahil lumalago na ang manukan nito, nagkaroon ng mga bagong trabahador, at dahil dito tinulungan na ni Luisiana si Celeste na makabalik sa pag-aaral. Naging katiwala at kanang kamay na niya si Celeste sa pamamahala ng manukan.
Hanggang sa nakatapos na ito at nakapagsimula ng magtrabaho sa iba’t ibang kompaniya. At sa paglipas ng panahon, naabot na ni Celeste ang pangarap na noon ay nasa kaniyang isip lamang.
Tinanaw niya na malaking utang na loob ang lahat sa kaniyang amo at kaibigan na si Luisiana na nagtiwala sa kaniya at tumulong.
Ngayon, nakapagpagawa na ng sarili bahay sa Maynila si Celeste at kasama na rin niya rito ang kaniyang buong pamilya. Ngayon ay patok na patok ang kaniyang itinayong business na kainan na nagtatampok na mga iba’t ibang klaseng luto ng manok. Katuwang niya sa negosyo na ito si Luisiana, kung saan sa manukan nila inaangkat ang manok na kanilang niluluto at hinahain sa restaurant.


