Hinusgahan ng Dalagang May Masamang Balak ang Lalaking Kalbo at Maraming Tattoo, Ngunit Ikinagulat Niya ang Kakaibang Ginawa Nito Para sa Iba
Nasa ikaapat na taon na sa kursong nursing si Aleeza. Sa Imus, Cavite siya umuuwi at sa Manila naman ang kanyang eskwelahan, kahit na malayo pa ang ibinibyahe araw araw ay pinili ng dalaga na mag uwian, bukod sa dagdag gastos ang renta sa boarding house ay di niya rin kayang mag isa. Dahil halos dalawang oras ang byahe papasok ay maagang gumigising ang dalaga upang di ma-late sa klase. Isang araw, may exam sa first subject si Aleeza kaya madaling madali siyang pumasok. Traffic kanina sa Cavite Expressway kaya medyo natagalan siya, buti na lang at naabutan niya ang isang jeep na nagpupuno pa, dalawa na lang daw ang kulang. Bakante ang magkatapat na upuan, ang isa, katabi ang isang lalaking kalbo at puno ng tattoo, mukhang sanggano ang mama. Naka-sando pa ito at umiinom ng tubig. Habang ang isa naman, katabi ang lalaking naka-asul na polo, ang linis tignan at naka-salamin pa ito. Mas piniling tumabi ni Aleeza sa lalaking naka-polo, uso na kasi ang mga manyakis ngayon at parang wala siyang tiwala sa lalaking maraming tattoo. Nakisiksik siya sa lalaking naka-polo, napansin niya sa envelope na hawak nito na mayroon pa itong bookmark, nakasulat sa bookmark ang isang bible verse. Matapos sumakay ng isa pang pasahero ay umandar na ang jeep. Pagtigil nito sa traffic light ay sumakay ang dalawang batang pulubi, akay-akay ng nakatatandang bata, na sa tingin ni Aleeza ay 7 taong gulang ang kapatid nitong siguro ay nasa 3 taong gulang. Kumanta ang mga ito ng tagalog version ng dance with my father, palaging iyon ang kinakanta ng mga batang pulubing namamalimos sa lugar na ito. Dumukot si Aleeza ng limang piso, kung ika-kara krus man ng mga bata ang baryang iyon ay bahala na ang mga ito, ang mahalaga ay nagbigay siya. Ma-swerte pa rin siya dahil di siya ang nasa lugar ng mga ito. Inabot niya iyon sa mga bata. Sa kagustuhang makuha agad ang pera ay di sinasadyang nasagi ng maliit nitong kamay ang polo ng lalaking katabi niya. “Ay ano ba yan! P*ta naman! ang dumi o.” sabi nito sabay pagpag sa polo. May dala pala itong alcohol spray na agad iwinisik sa nahawakang parte ng bata. “Sorry kuya.” sabi ng batang babae. “Sorry sorry, p*ta kayo. Bumaba na kasi kayo dito nakakaistorbo kayo, mamaya modus nyo lang yan tapos manghahablot kayo ng cellphone.” reklamo pa ng lalaki. Nagulat naman si Aleeza sa inasta nito, samantalang ang kalbo sa tapat niya, dumukot ng 50 pesos at iniabot iyon sa mga bata. “Sige na neng, kumain na kayo ng kapatid mo.” nakangiting sabi nito. Nanlaki ang mata ng mga bata sa tuwa, malaking bagay na sa kanila ang 50 pesos. Napahiya naman sa sarili si Aleeza, tahimik niyang hinusgahan ang kalbo mat maraming tattoo, dahil sa panlabas na anyo nito ay agad na niyang inisip na masamang tao ang lalaki. Samantalang ang katabi niya ay may bible verse pa na laging dinadala pero hindi naman pala totoo. Tama, wag dapat papalinlang sa nakikita ng mga mata dahil kadalasan ang kasamaan ay nagkukubli sa magandang panlabas na kaanyuan, samantalang ang kabutihan ay walang pinipiling itsura.
Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.