Palaging Ginagabi ng Uwi at Marumi ang Damit ng Binatilyo Kung Kaya Napagbibintangan ng Nanay na Basagulero, May Nililihim Pala Itong sa Kanyang Ina
Limang taon nang tindera sa palengke si Aling Panchang. Pero di tulad ng iba, wala siyang pwesto doon. Mahal kasi ang renta sa pwesto sa palengke kaya ang tanging ginagawa niya ay basta na lang naglalapag ng kanyang palanggana ng mga isda sa isang tabi, wala namang problema doon ang ibang mga tinderang may pwesto dahil naging kaibigan niya na ang mga ito. Maging ang pamunuan ng palengke ay hindi nagrereklamo basta wag lang daw siyang nakaharang sa daan. Mayroong tatlong anak si Aling Panchang na tinataguyod niyang mag isa, si Aldo, 13 taong gulang; Amira, 9 taong gulang at Arthur na 8 taong gulang. Late na siyang nabuntis at iniwan siya ng asawa nang makakita ito ng mas bata sa kanya. Maagang pumupwesto si Aling Panchang sa palengke, ipapaubos niya ang mga tindang isda hanggang tanghalian. Uuwi siya saglit upang magpahinga at babalik bandang alas kwatro ng hapon upang magtinda ng mga pinatuyong isda tulad ng daing, tinapa at tuyo para sa hapunan. Siguro ay mga 9 ng gabi na siya nakakauwi dahil inaayos niya pa ang mga pinagbentahan. Isang gabi, kararating lang ni Aling Panchang sa bahay, umiinom siya ng tubig sa kusina nang maabutan niya ang panganay na si Aldo na humahangos papasok sa kanilang bahay. Pawis na pawis ito dahil siguro sa pagtakbo at may mantsa ang polo, naka-uniform pa ang bata. “Ba’t ngayon ka lang?” pagalit na sabi ni Aling Panchang. Akala siguro nito ay di niya nahahalata, ilang linggo na itong ginagabi ng uwi. Kahit pa labhan nito ang polo, alam niya na may mga mantsa iyon dahil nakikita niya kapag inilalagay nito sa labahan. Puro kalokohan ang batang to. “D-dyan lang ho nay,” sabi ng kinakabahang bata. “Ikaw, akala mo di ko alam? Maaga kayong pinalalabas sa eskwela! Hirap na hirap ako sa inyo Aldo wag na wag mo kong lolokohin!” singhal niya rito. Di naman sumagot ang batang lalaki. “Hindi naman ho nay, may tinapos lang talagang assignment.” nakatungong sabi nito. “Eh bakit ang dumi dumi ng polo mo? Natutulad ka na sa ama mong tarantado!” sabi niya. Nagulat siya nang sulyapan siya ng anak, may hinanakit sa mata nito na tila ba ayaw na ayaw maikumpara sa ama. “O bakit? sasagot ka? Talaga naman diba? Lumayas ka nga sa harapan ko at baka kung ano’ng magawa ko sayo,” sabi niya. Pero nakatitig lang sa kanya ang anak na halatang pinipigil ang luha. Si Aling Panchang na lang ang umakyat sa kwarto dahil nakukunsensya siya sa sinabi niya. Sumobra yata siya. Kinabukasan, maagang gumising ang babae para pumwesto na sa palengke. Hindi pa siya nagtatagal na nakaupo ay lumapit na si Helen sa kanya, isa sa mga suki niya, may ari ito ng isang karinderya malapit sa kanila. Napangiti si Aling Panchang dahil magandang buena mano ang babae. Bumili ito ng isang kilong tilapia. “Chang, kahit mahirap ang buhay, swerte ka naman sa anak. Ang anak kong si Patrick, nako puro bulakbol! Samantalang si Aldo mo, napakasipag at responsable.” puri nito. Napangiti si Aling Panchang, pero nalito siya nang bahagya. “H-ha?” sabi niya. “Diba? Nakiusap iyan na ipasok ko siyang trabahador sa karinderya. Kay raming hinuhugasan araw araw, pero kahit pagod sa eskwela diretso agad yan sa karinderya para magtrabaho. Bilib ako sa batang yan.” sabi ni Helen. Naiwang nakatulala si Panchang, kaya pala kapag tinatanong niya ang mga kapatid nito ay nakapagmeryenda na raw. Pati baong ibinibigay niya ay ayaw tanggapin dahil may tira pa raw. Si Aldo pala ang nagbibigay! Napaluha ang ginang, nang gabi ring iyon ay nagmamadali siyang umuwi. Pinagluto niya ang anak, hinilot ang kamay nitong nagsugat na dahil sa kahuhugas ng pinggan at humingi siya ng tawad. sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.