Tinulungan ng Dalaga na Makautang sa Bangko ang Matandang Lalaki; Makalipas ang Ilang Buwan ay Magugulat Siya sa Paraan ng Pagpapasalamat Nito

Isang staff si Marie sa isang kilalang bangko. Tatlong linggo pa lamang siya roon kaya pinagbubutihan niya ang trabaho. Mag-isa niyang binubuhay ang ina at dalawa pang kapatid na mas bata sa kanya. Ang ama naman niya ay pumanaw tatlong taon na ang nakakaraan. Nangungupahan lang sila sa maliit na apartment at wala silang sariling tirahan.

Isang araw, puno ng tao ang bangko na iba’t ibang transaksyon ang ginagawa ng mga ito roon. Wala siyang libreng oras para magpahinga kahit kaunti, iniisip na lang niya na mas mabuti na ang maraming ginagawa kaysa naman sa wala siyang trabaho ‘di ba? Maya-maya ay may isang matandang lalaki na lumapit sa kanya.

“Yes, sir? Ano po ang maipaglilingkod ko?’ magalang niyang tanong.

“Hihingi lang sana ako ng tulong, miss, ang bahay at lupa kasi na ibinigay sa akin ng mga magulang ko ay nakasangla. Nang magkasakit ang aking asawa ay napilitan akong isangla iyon upang maipagamot at maisalba ang buhay niya ngunit hindi rin naman siya nagtagal. Makalipas ang ilang buwan ay ginupo rin siya ng malubha niyang karamdaman. Nais ko sanang makautang sa bangko para matubos ko ang lupa,” wika ng matanda na may inilahad na mga papeles sa kanya.

Binasa niya at pinag-aralan ang mga iyon ngunit base sa mga ipinakitang mga papeles ay hindi na ito maaaring makautang ulit dahil mayroon pa itong utang sa bangko na hindi pa nababayaran.

“Hindi niyo po ba kayang bayaran ngayon ang natitirang utang niyo kahit kalahati, sir? Baka sakali pong payagan kayo ng manager namin kapag isinangguni ko sa kanya ang tungkol dito kapag nagbayad kayo kahit kalahati,” tanong niya sa kausap.

Malungkot na napailing ang matanda.

“Naku, hindi pa eh, malabo na mabayaran ko ang kalahati dahil sa susunod na buwan ko pa makukuha ang pensyon ng asawa ko na maaari kong ibayad. Malaking halaga iyon dahil matagal din namang nagtrabaho sa ibang bansa noon ang misis ko. Ang sarili ko namang pensyon ay nagastos ko na sa pagpapalibing sa kanya. Ang tangi ko na lamang pag-asa ay ang makuhang muli ang bahay at lupa na isinangla ko. Limang araw na lang ang nalalabi, kapag hindi ako nakabayad ay hindi ko na iyon mababawi pa,” paliwanag ng matanda na napansin niyang naluluha na habang nagsasalita.

Advertisement

Nakaramdam siya ng awa rito dahil tila pagod na pagod ito at pawis na pawis pa.

“Mababayaran ko naman lahat ng utang ko kapag naibenta ko ang bahay at lupa pati na rin ang parating na pensyon ng aking asawa,” dagdag pa nito.

Tumangu-tango naman si Marie na naiintindihan ang namomroblemang matanda.

Tumayo siya sandali at idinulog sa kanilang manager ang kaso nito ngunit gaya ng inasahan niya ay hindi ito pumayag, pero depende pa rin daw sa kanya ang magiging kapalaran ng matanda kung pagbibigyan niya o hindi.

“Kaya lang kapag nalaman ng mga boss natin kung ano man ang naging desisyon mo’y ikaw ang mananagot at magpapaliwanag ha? Alam mo naman ang patakaran dito ‘di ba? Mahigpit ang polisiya ng bangko pagdating sa pagpapautang,” paalala nito.

Sandaling natigilan ang dalaga. May sarili nga naman siyang pag-iisip para magdesisyon. Nais niyang sundin ang manager na huwag itong pagbigyan ngunit mas nangibabaw sa kanya ang matinding habag dito. Bukod sa mukhang malayo ang pa ang pinanggalingan nito, napansin din niya na hirap na sa pagsasalita at paglalakad ang matandang lalaki na sa tantiya niya ay may iniinda na ring karamdaman. Ayaw na niya itong bigyan pa ng panibagong problema kaya agad siyang nagdesisyon na aprubahan ang pag-utang nito sa bangko. Hindi na niya alintana kung pagalitan siya ng manager o ng mga boss nila, ang mahalaga ay nakatulong siya sa kapwa niya kahit na sa maliit na paraan.

Tuwang-tuwa ang matanda nang malamang pinagbigyan ang pakiusap nito.

“Maraming salamat, miss. Pangako na mababayaran ko ito sa lalong madaling panahon. Pagpalain ka ng Diyos sa iyong kabutihan. Ano nga ulit ang pangalan mo, hija?” naluluhang tanong ng matanda na ‘di napigilang yumakap sa kanya.

Advertisement

“Walang anuman po, sir. Marie po ang pangalan ko, Marie Joy Zapanta,” pakilala niya sa sarili.

Makalipas ang ilang buwan

‘Di magkandaugaga si Marie sa paghahanap ng mauupahan nila sa online. Pati sa diyaryo ay tumitingin-tingin na rin siya. Pinalayas kasi sila ng may-ari ng apartment na tinutuluyan nila matapos nitong malaman na natanggal siya sa pinapasukang bangko at wala na siyang trabaho. Nangangamba ito na baka hindi na niya mabayaran ang renta kaya inunahan na sila at agaran silang pinaalis sa paupahan nito.

Sinesante siya sa trabaho matapos siyang siraan ng manager sa mga boss nila dahil sa ginawa niyang pagpayag na pautangin ang matanda. Sinabi nito na pinangunahan daw niya ang desisyon nito’t hindi nakinig. Hindi raw siya sumunod sa polisiya ng bangko at nagmagaling siya. Ang masakit pa, walang kumampi sa kanya kahit isa sa mga kasama niya sa trabaho, mas pinanigan ng mga ito ang sinungaling niyang manager. Noon pa man ay malakas na ang kutob niya na mainit ang dugo nito sa kanya kaya nakahanap ito ng butas para siraan siya. Kaya heto siya ngayon, nganga. Mabuti na lamang at may kaunti siyang naipon at tinulungan sila ng mabait nilang kapitbahay at pansamantala silang pinatira sa bahay nito.

Isang araw, pasigaw siyang tinawag ng nanay niya.

“Marie, anak, may naghahanap sa iyo! Mukhang bisita mo yata,” anito.

Dali-dali siyang lumabas at hinarap ang bisita raw niya. Nang makaharap ito ay laking gulat niya.

Tumambad sa kanya ang matandang lalaki na ilang buwan lang ay nakiusap sa kanya na pautangin ito sa bangko.

Advertisement

“S-sir? A-ano pong ginagawa niyo rito?” nagtataka niyang tanong.

“Kumusta, hija? Natatandaan mo pa pala ako? Ako si Mr. Geronimo Galvez, Lolo Geronimo na lang ang itawag mo sa akin. Humingi ako ng tulong noon sa iyo. Nalaman ko na hindi ka na pumapasok sa bangkong iyon, tinanggal ka raw sa trabaho? Kaya pinilit kong alamin kung saan ka nakatira ngayon. Nabalitaan ko rin na nakikituloy lamang kayo ng iyong pamilya rito sa bahay ng kapitbahay ninyo dahil pinaalis na rin kayo sa inuupahan ninyong apartment. Narito ako para ibalik ang kagandahang loob na ibinigay mo sa akin. Sa ngayon ay natubos ko na ang bahay at lupa na isinangla ko noon at nabayaran ko na rin sa bangko ang lahat ng utang ko. Hindi natuloy ang pagbenta ko sa bahay at lupa dahil sapat na ang perang nakuha ko sa pensyon ng aking asawa upang ipambayad sa bangko. Gusto kong sa bahay na iyon na kayo tumira ng nanay at mga kapatid mo. Kaunting panahon na lang ang ilalagi ko sa mundo, mag-isa na ako sa buhay, walang anak at wala na ring ibang kamag-anak, kaya samahan na ninyo ako roon. Sa ganitong paraan man lang ay ako naman ang makatulong sa iyo,” sabi ng matanda.

“Ho?” ‘di makapaniwalang wika ni Marie.

Kasunod niyon ay hindi na siya nakapagsalita pa sa sinabi ng mabait na lolo. Hindi niya akalain na ang pagtulong niya rito noon ay magiging daan upang pagtagpuin silang muli at ngayon ay siya naman ang inalok nito ng tulong. Hindi niya napigilan ang luhang pumatak sa mga mata niya sa sobrang kasiyahan. Niyakap niya ang matanda at nagpasalamat dito. Nahihiya man siya sa alok nito’y pinagbigyan na rin niya dahil na rin sa pakiusap nito sa kanya.

Sinamahan at inalagaan niya at ng kanyang pamilya ang matanda sa tinubos nitong bahay hanggang sa dumating ang araw na binawian na rin ito ng buhay. Napag-alaman nila na ang bahay at lupang iyon ay ipinamana pa kay Lolo Geronimo ng mga magulang nito. Ang bahay naman nito at ng asawa ay ibinenta ng matanda para ipandagdag sa utang nito sa bangko. Mas ikinagulat pa nila nang malaman nila sa abogado ng matanda na sa kanya ipinamana ang tinubos na bahay at lupa at malaking halaga ng pera na naiwan nito. Sinabi pa ng abogado na labis raw siyang hinangaan ni Lolo Geronimo dahil sa kabila ng pagkalagay niya sa alanganin sa trabaho ay nagawa pa rin niya itong tulungan kaya ang pangalan niya ang inilagay nito sa testamento.

Abot-langit ang pasasalamat niya at ng kanyang pamilya sa lahat ng ginawa nito sa kanila na kahit hindi sila nito kaanu-ano ay binigyan sila nito tirahan at ngayon ay pinamanahan pa siya.

Ginamit nila ang perang iniwan ng matanda sa pagtatayo ng negosyo na ‘di naglaon ay naging matagumpay. Iniaalay nila ang lahat ng iyon sa alaala ni Lolo Geronimo.

Mabuti na lamang at pinili ni Marie na gumawa ng kabutihan. Nawalan nga siya ng trabaho, sobra-sobrang biyaya naman ang natanggap niya.