Mukhang Pera Raw ang Doktor na Ito at Walang Pakialam sa Iba; Magbabago ang Takbo ng Buhay Niya Nang Makilala si Tatay

“Doc Neil! Doc Neil!” sigaw ng isang babae sabay malakas na katok sa pinto ng opisina ng maninistis na si Neil. Agad namang naalimpungatan ang doktor mula sa kaniyang pagtulog dahil sa lakas ng katok at sigaw ng babae. Binuksan niya ito at pinapasok ang babae.

“Bakit?” mahinang tanong ng doktor.

“Kailangan po kayo, doc, sa emergency room dahil iyong sinugod kahapon, nag-aagaw buhay na po!” nagmamadaling sabi naman ng nurse na babae.

“Mukhang bago ka palang dito. Nakita at nakausap ko na ang pasyente na iyon at wala raw siyang pera pambayad. Kaya pinauwi ko na lang. Tumigil pa rin pala. Ang tigas ng ulo, tsk! Umalis ka na at hayaan mo nang mamayapa ang lalaking pasyente. Isa pa, huwag na huwag ka nang kakatok at sisigaw ulit dito sa opisina ko, naiintindihan mo ba?” pagsusungit naman ni Neil sa nurse at agad itong umalis sa kaniyang harapan.

Sa kabila ng kaniyang napakahusay na talento sa paninistis, mga malalaking pangaral sa larangan ng medikal, ay walang halaga para sa doktor na ito ang buhay. Marami na ring nagtangka na pabagsakin siya dahil sa kaniyang pagtanggi sa mga pasyenteng mahihirap subalit walang sinuman ang nagtagumpay. Ang lahat ng ito ay lalo lamang nagpalaki sa ulo ni Neil.

Isang hapon, pagod na pumasok sa kaniyang opisina si Neil. Nais sana nitong magpahinga ngunit isang katok na naman ang kaniyang narinig sa pinto ilang segundo lamang matapos niyang tanggalin ang suot na diyaket na may burda ng kaniyang sikat na pangalan. Sa labis na inis, mabilis niyang binuksan ang pinto at simangot na pinagbuksan ang tao sa likod ng pagkatok.

“Ano na naman ba? Nakita ninyo nagpapahi-” hindi na nagtangkang ituloy ni Neil ang kaniyang pahayag nang makita ang mukha ng matanda na siyang presidente at may-ari ng ospital.

“Sorry po, tuloy po kayo,” pagpapatuloy muli ni Neil.

Advertisement

“Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo, sir?” mapagpakumbabang wika nito sa matanda.

“Alam ko kung gaano ka kagaling sa pagsasalba ng buhay at siyempre, sa paniningil,” pagsisimula nito. “Naparito ako para alukin ka ng posisyon bilang isang presidente ng ospital na ito,” nakangiting alok ng presidente kay Neil. Hindi naman kaagad nakasagot si Neil dahil matagal na niyang ninanais na umangat ang posisyon.

“A-ano po? Presidente po, sir? Tama po ba ang rinig ko?” pagbibigay liwanag ni Neil.

“Tama. Pero sa isang kondisyon… Magtatrabaho ka ng isang buong buwan sa emergency room at wala ni-isang pasyente kang tatanggihan,” paliwanag muli ng presidente. Walang ibang pasubali at agad naman na tinanggap ito ni Neil.

Kinabukasan, maagang pumasok si Neil sa ospital. Nagulat naman ang lahat nang makita itong nakaantabay lamang sa emergency room at matiyagang inaasikaso ang mga pasyente. Ang lahat ng kaniyang mga kasamahan ay tila nagtaka kung ano ang nakain ng doktor. Habang pinapanood naman siya sa malayo ng presidente at ito’y nakangiti.

Ilang saglit lamang at nakaramdam na ng pagod si Neil. Akma nitong hinubad ang diyaket niya at tutungo sana sa kaniyang opisina upang magpahinga. Subalit nang masipat na nasa malapit lamang ang presidente, kaagad siyang bumalik sa kaniyang pwesto. Hanggang sa nakauwi siya ng hatinggabi na dahil dagsa ang mga pasyente na sinusugod sa emergency room.

“Napasubo ata ako sa alok ng matandang ‘yon ah?” wika ni Neil sa sarili habang inilalapat ang likod sa kaniyang malambot na kama.

“Hindi na bale. Ilang araw na lang at matatapos din ito kaagad. Hindi ko na kailangan pang magpagod para lang sa mga walang kwentang pasyente na ‘yan!” muli niyang sambit sa sarili hanggang sa tuluyan na siyang makatulog sa gitna ng pagod.

Advertisement

Ilang sandali pa, tumunog nang malakas nag kaniyang selpon dahil sa tawag. Mayroon daw isinugod na matanda at hirap na hirap itong huminga! Nais man na ituloy ang pagtulog ng doktor, wala itong ibang pagpipilian kundi ang pumunta at asikasuhin ang matanda.

Nang siya ay makarating sa ospital, aborido pa itong tinanong-tanong ang mga nurse doon at ang pasyenteng matanda. Marumi ang kasuotan nito, puti na ang mga buhok. Wala na itong ngipin dahil sa labis na katandaan. Nang tingnan niya ang pasyente, humikab pa siya sa harapan nito habang hinahabol nito ang paghinga. Patuloy ang kaniyang pagtingin sa katawan at dibdib ng matanda hanggang sa tuluyan na itong mawalan ng malay. Habang ang lahat ay natataranta, si Neil naman ay kalmado at halos antok na antok pa.

“98 na pala ‘tong matandang ito eh. Ayaw pa ba ng pamilya na hayaan na lang siya? Talagang ipaglalaban pa nila at hahayaang mahirapan pa? Mga tao naman, tsk!” aniya sabay kamot sa kaniyang ulo habang inaasikaso ang pasyente. Buong gabi, walang ibang inasikaso si Neil kundi ang matanda. Ginagawa niya ang lahat upang muling umayos ang paghinga ng matanda.

Kinabukasan, muling nagtiyaga si Neil na maghintay ng mga pasyente sa emergency room. Sa kaniyang pangungumusta sa mga pasyente, muli siyang pumasok sa silid ng matandang ginamot niya kagabi.

“’Tay, ito po ang bill ninyo,” marahang wika ng nurse na kasama ni Neil at iniabot ang mga papeles sa matanda. Nang makita ito ng matanda, hindi na nito napigilang lumuha.

“Tsk, sabi na kasing hayaan na lang mawala. Ayan tuloy! Mamomroblema lang sa pambayad. Mga tao talaga!” iritableng wika ni Neil sa kaniyang sarili.

“’Tay, bakit po kayo umiiyak? Nariyan po ang lahat ng mga ginawa sa inyo kagabi upang masagip po kayo ni Dr. Neil,” paliwanag naman ng nurse.

“Hindi ako umiiyak dahil sa laki ng bayarin dahil kapatid ko ang presidente ng ospital. Alam mo kung bakit ako umiiyak?” mabagal na sambit ng matandang kapatid pala ng presidente. Dito na muling nakuha ang atensiyon ni Neil at nakinig sa matanda.

Advertisement

“Dahil napakabuti ng Diyos sa akin at hinayaan pa akong muling huminga… Sapat na sana ang 98 na taon sa akin ngunit lubhang nakapabait ng Diyos dahil hanggang ngayon humihinga pa ako,” pagpapatuloy ng matanda.

Hindi maipaliwanag ni Neil ang kaniyang nararamdaman. Ngunit lumabas siya ng silid ng matanda na maaliwalas at magaan ang kaniyang kalooban. Sa unang pagkakataon, matapos niyang gamutin ang pasyente, pakiramdam niya ay masaya siya hindi dahil sa pera kundi dahil nadugtungan niya ang buhay ng isang tao.

Simula ng araw na iyon, natutunan ni Neil na pahalagahan ang buhay ng kaniyang mga pasyente, mahirap man o mayaman. Matapos ang isang buwan, hindi tinanggap ni Neil ang posisyon na inaalok sa kaniya dahil mas minahal na niya ang paninistis na kapalit ay malaking ngiti sa mga pasyente na kaniyang naisasalba. Para sa kaniya, wala nang mas sasarap pa sa mga ngiti at pasasalamat ng mga taong natulungan niya.