Mas Maigi Raw na sa Laro Nawiwili ang Kaniyang Mister Kaysa sa Pambababae; Pagsisisihan Pala Niya ang Sinabing Ito

Mas Maigi Raw na sa Laro Nawiwili ang Kaniyang Mister Kaysa sa Pambababae; Pagsisisihan Pala Niya ang Sinabing Ito

FamilyHeartbreakingLoveStories

“Hay, naku, Kristal! Bakuran mo ‘yang asawa mo’t nakikita kong kausap palagi sa umaga si Georgia!” maagang balita ni Aling Penny kay Kristal habang siya’y bumibili ng champorado sa tindahan ng ale.

“Sinong Georgia ho?” natatawang wika naman ni Kristal sa ale.

“Sino pa ba?! Eh ‘di ‘yang babae diyan sa tabi ninyo na kung sino sino na lang ang inuuwing lalaki diyan,” tugon muli ng ale. Tumango naman ang babae ngunit sa kaniyang isipan, isa lamang itong haka-haka ng aleng tsismosa.

Sa kaniyang paglalakad pauwi, naabutan niyang kausap ni Franco ang kapitbahay nilang si Georgia. Balingkinitan ito’t makinis ang balat na parang hindi naaarawan. Kita ng dalawa niyang mga mata kung gaano nagtitinginan at nagtatawanan pa ang dalawa. Agad naman siyang nagtungo at pumagitna sa usapan upang matapos na ang dalawa sa kanilang pag-uusap.

“Ano naman ang pinag-uusapan ninyo?” nakangiting tanong ni Kristal kay Franco habang sila ay nag-aagahan.

“Ha? Wala, tungkol lang sa mga halaman. Balak ko kasing punuin ng halaman at magagandang bulaklak ang harapan ng bahay natin. Eh si Georgia, nakita mo ba ang hardin niya? Napakaganda ng mga halaman! Hihingi sana ako kapag nagkataon! Isa pa, wala akong ibang libangan dito sa bahay, kaya imbes na gumawa ako ng kalokohan, ‘di ba? Maghahalaman na lang ako!” pabirong paliwanag naman ni Franco na sinang-ayunan naman ni Kristal.

Buong araw, iniisip ni Kristal ang maaaring mangyari kapag hinayaan niya ang asawa na maging malapit sa kanilang kapitbahay na maraming isyu pagdating sa lalaki. Ayaw niya kasing balang araw ay humarap siya sa problema kung saan kakailanganin nilang maghiwalay na mag-asawa. Habang dumaraan ang araw ay hindi mapakali si Kristal. Kahit na sabihin niyang siya na lamang ang mag-aayos ng halaman, ayaw nitong magpaawat dahil sa pagkabagot sa bahay.

Isang hapon, nakipagkita si Kristal sa kaniyang mga kaibigan gaya ng kanilang hilig sa tuwing daraan ang ika-unang linggo ng buwan. Nais sana niyang sabihin ang laman ng kaniyang utak sa at mga pangamba sa mga kaibigan subalit pinipigilan siya ng katotohanang mamaliitin lamang siya ng mga ito.

“Alam mo ba, nakahanap na ako ng pagkakaabalahan namin ng asawa ko kapag nasa bahay siya!” masayang balita ng isa sa kaniyang mga kaibigan.

“Hoy, chika mo ‘yan! Ano naman ‘yan?” tanong ni Kristal.

“Bumili lang naman ako ng computer at mayroon nang mga laro na nandoon! Tig-isa kami kaya pareho na lang kaming maglalaro. Eh kaysa naman kung ano’ng hanapin niya ‘di ba? Mabuti nang nasa bahay lang kami at naglalaro,” pagmamayabang pa nito.

Tila nabuhayan ang kalooban ni Kristal nang marinig iyon sa isa sa kaniyang mga kaibigan. Nakaisip na rin siya ng paraan upang mapigilan ang asawa na mapalapit kay Gerogia at ito ay sa pamamagitan ng paglalaro!

Wala pa man ding isang araw, agad na bumili ng kompyuter si Kristal. Binilhan niya ng tag-isa sila upang gayahin ang kaibigan at magkasama pa rin sila ni Franco sa paglalaro. Lingid sa kaalaman ng misis ay ang gulo na idudulot ng kaniyang desisyon.

“Surprise!” masaya at nakangiti ang bungad ni Kristal sa kaniyang mister habang tinuturo nito ang dalawang set ng computer na binili niya. Hindi naman siya nabigo dahil labis itong nagustuhan ni Franco. Inulan siya nito ng halik sa mukha dahil sa labis na tuwa.

Ilang araw pa ang lumipas, matagumpay si Kristal sa kaniyang plano dahil hindi na niya muling nakikita ang asawa na lumalabas man lang o nakikipag-usap kay Georgia. May mga pagkakataon na hinahanap ng kapitbahay ang asawa niya sa kaniya subalit sinusungitan niya ito.

Linggo na ang lumipas at tila nabagot si Kristal sa paglalaro. Hindi kasi niya maintindihan ang mga laro kung kaya’t hindi rin siya makasabay sa paglalaro ng asawa. Paggising pa lamang nito, bago pumasok sa trabaho ay nakaharap na agad ito sa kaniyang kompyuter. Sa pag-uwi nito, hindi pa man nailalapag ang bag at nakakapagbihis, nakaharap na kaagad ito sa paglalaro.

Lumipas ang ilang buwan at nararamdaman ni Kristal ang unti-unting paglayo ng damdamin ng kaniyang mister. Hindi na ito sumasabay sa kaniya sa pagkain, hindi na ito sumasama sa pamamalengke, hindi na rin niya ito maabutan sa gabi dahil nauuna na siyang makatulog. At sa tuwing gigising siya, nasa harap na kaagad ito ng kompyuter.

Nasa bahay nga ang asawa ngunit pakiramdam niya ay nawalan siya ng mister. Sa bawat buwan na lumipas, tinago ni Kristal ang katotohanan na nagaganap sa kaniyang bahay mula sa mga kaibigan. Ang palagi niyang pahayag, abala silang bumuo ng pamilya kaya’t hindi na sila lumalabas ng bahay.

Isang umaga, paggising ni Kristal, nakita niya ang grupo ng mga lalaki na nasa kanilang bahay. Gulat siya at agad na tinanong ang mister. Sinabi naman nito na kasamahan niya ang mga ito sa paglalaro kung kaya’t walang dapat ipag-alala.

Ang ganitong pangyayari ay naulit pa at kung minsan nga ay doon na natutulog ang mga iyon. Hanggang sa isang gabi, ramdam ni Kristal habang siya ay natutulog ang mga kamay na humahaplos sa kaniyang baywang. Niyakap niya ito sa pag-aakalan si Franco ito. Subalit nang marinig ang boses nito, napatayo siya at nag-eskandalo nang makita ang isa sa mga kaibigan ng kaniyang asawa.

“Magsilayas kayo! Lahat kayo!” malakas na sigaw ni Kristal sa mga lalaki sa kanilang bahay. Agad namang nagsi-alisan ang mga ito habang patuloy naman na humihingi ng pasensya si Franco. Nang makauwi na ang mga ito, nagpatuloy pa ang pag-aaway ng mag-asawa.

“Ano ba’ng problema mo ha? Nakikita mo namang naglalaro lang kami dito!” pabalang na tanong ni Franco kay Kristal.

“Sinabi ko naman sa’yo kung bakit ‘di ba? Talaga bang hindi ka maniniwala?” mangiyak ngiyak na wika ni Kristal.

“Kasalanan mo kasi ‘yan! Bakit ganiyan ang suot mo, ha? Nang-aakit ka ba?!” muling tugon ni Franco habang mahigpit na hinahawakan ang mga pisngi ni Kristal. Nagulat si Kristal sa reaksyon ni Franco. Dahil sa pangyayaring ito, hindi na kinaya ng misis at tuluyan nang lumayas sa kanilang bahay.

Lumipas ang ilang mga araw, linggo at buwan. Nasadlak na sa paglalaro si Franco at nasisante na sa kaniyang trabaho. Wala nang ilaw, wala nang internet at hindi na makapaglaro ang lalaki kung kaya’t binenta na rin niya ang mga gamit. Nalugmok sa alak at sigarilyo ang lalaki. Hanggang sa dumating ang araw na muli niyang nakita ang mukha ng kaniyang misis na nasa harapan niya.

“Ikaw ba ‘yan? Hindi ba ako nagmamalik mata?” paulit-ulit pang tanong ni Franco habang hawak ang kamay ng misis na nakatayo sa kaniyang harapan.

“Sorry, mahal… Sorry, Kristal…” atungal ni Franco. Hindi na napigilan ni Kristal ang umiyak at niyakap na rin ang kaniyang asawa bilang tugon na pinapatawad na niya ito. Nagkasundo ang mag-asawa na aayusin na muli nila ang direksiyon ng kanilang buhay. Natutunan ng dalawa na ang lahat ng labis ay sadyang masama.

More Stories