Kung Kailan Tumanda na ang Kaniyang Lola ay Saka Naman Nito Gustong Sumabay sa Uso; Ikagugulat ng Lahat ang Gagawin ng Kaniyang Apo

Kung Kailan Tumanda na ang Kaniyang Lola ay Saka Naman Nito Gustong Sumabay sa Uso; Ikagugulat ng Lahat ang Gagawin ng Kaniyang Apo

FamilyLoveStories

Nag-iisang anak lang si Precious, at dahil doon ay sunod ang lahat ng kaniyang layaw sa mga magulang. Ibinibigay ng mga ito sa kaniya ang lahat ng kaniyang gusto kaya naman dahil doon ay sabay siya palagi sa kung ano ang uso. Maging ang mga lolo at lola ni Precious ay ganoon din sa kaniya. Sa katunayan ay mahal na mahal siya ng mga ito, lalo na at ang mga ito rin ang nag-aalaga sa kaniya kapag wala ang kaniyang mommy at daddy.

Ngunit simula nang sumakabilang buhay na ang kaniyang lolo dahil sa katandaan, tila nawala na rin sa kaniya ang kaniyang lola dahil nagsimula na rin itong mag-ulyanin at mag-isip bata. Dahil doon, madalas ay dito na naibubuhos ng kaniyang mga magulang ang lahat ng atensyon nila na kung minsan ay ipinagdaramdam pa ni Precious.

“Lola, oras na po para uminom kayo ng gamot,” isang araw ay ani Precious sa kaniyang lola, ngunit abalang-abala ito sa panonood ng cartoons sa telebisyon. Sumasayaw-sayaw pa ito sa saliw ng tugtuging pambata at hindi ito nakikinig sa kaniya.

Dahil doon ay nainis si Precious, kaya naman nasigawan niya ang kaniyang lola. Naabutan iyon ng kaniyang ama kaya naman napagalitan siya nito at pinapanhik sa kaniyang kwarto. Doon nagmukmok si Precious, ngunit sa kaniyang pagmumukmok ay ang pagbabalik-tanaw niya rin sa magagandang alaala nila ng kaniyang lola noon. Ang pag-aalaga nito sa kaniya noong siya ay bata pa at makulit, ang pagpaparamdam sa kaniya nito ng labis na pagmamahal at dahil doon ay nagsisi siya sa nagawa niya.

Agad siyang bumaba sa kanilang salas at naabutang muli ang kaniyang lola na ngayon ay nanunod naman ng Korean novela. Animo ito teenager na kilig nakilig sa pinanunuod nito sa telebisyon na ikinangiti naman ni Precious.

“Lola, sorry po, ha? P’wede po, bati na ulit tayo?” tanong niya rito matapos niya itong yakapin. Tumango naman ito at inaya siyang manuod.

Dahil sa nakitang kasabikan sa mga Koreanong aktor, naisipan ni Precious na ipakita sa kaniyang lola ang malalaking litrato ng mga ito sa kaniyang kwarto. Tuwang-tuwa naman ang matanda na halos ayaw nang umalis sa kaniyang silid matapos ’yon.

Masaya si Precious sapagkat dahil doon ay nagkaroon silang muli ng oras na makapag-bonding ng kaniyang lola. Natuwa pa nga siya nang makita niyang namamangha ito sa mga damit niyang sunod sa kung ano ang uso ngayon sa mga kaedad niya!

“Gusto ko n’yan, Precious!” maya-maya ay sabi nito sa kaniya sabay turo sa isang damit na kulay pink. Isa iyong ternong crop top at maiksing palda na may katerno ring sapatos na ikinatawa naman ni Precious.

Labis ang pagpupumilit ng kaniyang lola na isuot ito, kaya naman nakaisip ng magandang ideya ang dalagita. Ipinasuot niya ang naturang damit sa kaniyang lola at inayusan niya ito na ’tulad ng ginagawa niya sa sarili kapag siya ay sasayaw sa harap ng kamera upang i-post iyon sa kaniyang social media.

Matapos ayusan ang kaniyang lola ay nagbihis din si Precious ng magandang damit. Pagkatapos ay nagpatugtog siya ng isang nauusong musika at iyon ang sinayaw nila ng kaniyang lola.

Walang pakialam si Precious sa sasabihin ng ibang tao, dahil para sa kaniya ay ito ang pinakamasayang bonding nila ng kaniyang lola. Inilagay niya ito sa kaniyang social media accounts at hindi inaasahang umani iyon ng sandamakmak na reaksyon mula sa maraming taong nakapanuod ng kanilang bidyo.

Tuwang-tuwa ang mga tao sa bonding nilang maglola, na kalaunan ay itinuloy-tuloy ni Precious dahil iyon ang nagpapasaya sa kaniyang lola. Binansagan pa nga itong ‘fashionista’

Lalong naging mas malapit si Precious sa kaniyang lola dahil sa kaniyang ginawa. Sinasabayan niya ang mga gusto nito, inaalagaan ito kapag kailangan at halos hindi niya ito iwan ’tulad ng mga ginagawa nito sa kaniya noong siya ay bata pa.

Naging napakabuting apo ni Precious sa kaniyang lola dahil naging napakabuti ring lola nito sa kaniya. Naging inspirasyon silang dalawa sa maraming kabataan na ngayon ay kasama pa ang kani-kaniya nilang mga lolo’t lola. Tuloy, ngayon ay marami na ring naengganyong kabataan na makipaglapit sa kanilang mga lolo’t lola nang dahil kay Precious.

More Stories