Imbes na Imbitahan sa Kaarawan ng Kaniyang Kapatid ay Niloko ng Binata ang Kanilang mga Kapitbahay; May Dahilan Pala Kaya Niya Iyon Ginawa

Imbes na Imbitahan sa Kaarawan ng Kaniyang Kapatid ay Niloko ng Binata ang Kanilang mga Kapitbahay; May Dahilan Pala Kaya Niya Iyon Ginawa

FunInspiringStories

Abala sa pagluluto sa kusina ang magkakapatid na sina Darwin, Ethan, at Sherwin. Ika-tatlumpung taong kaarawan ni Darwin kaya naisipan nila na maghanda.

Ulila na ang tatlo sa mga magulang at sila na lamang ang nagdadamayan sa isa’t isa. Magkakasama sila sa iisang bahay na ipinundar nila. May kanya-kanya silang magagandang trabaho. Ang panganay na si Darwin ay isang accountant sa isang kilalang bangko. Ang ikalawa naman na si Ethan ay arkitekto sa sarili nitong construction firm at ang bunsong si Sherwin ay inhinyero sa sikat na kumpanya sa Makati.

Tahimik ngunit palakaibigan si Darwin. Si Ethan ay mahilig magluto at malinis sa bahay. Ang binata nga ang pumilit sa mga kapatid na magkaroon ng salo-salo at ito ang mangunguna sa pagluluto at paghahanda ng mga pagkain. Kalog at mapagbiro naman ang bunsong si Sherwin na minsan ay kinaiinisan ng dalawa kapag sumusobra na ang mga biro nito.

“Puwede ba, Sherwin tigil-tigilan mo ‘yang pagpo-post mo ng mga lumang litrato natin sa peysbuk at ginagawa mo pang biro ang mga mukha natin,” inis na sabi ni Ethan.

“Kuya, ito ang uso ngayon. Ine-edit ko ang mga mukha natin na kunwari ay mga miyembro tayo ng grupong BTS. Tingnan ninyo, ang ku-kyut natin ‘di ba? Nagmukha tayong mga Koreano,” nakangising sagot ni Sherwin.

Nang makita ng dalawang kapatid ang ginawa niya ay kinutusan siya ng mga ito.

“G*go ka talaga. Burahin mo nga ‘yan. Ginagawa mong katawa-tawa ang mga hitsura natin,” wika ni Darwin.

“Kapag hindi mo inalis ‘yang post mo na ‘yan sa peysbuk ay malilintikan ka sa amin,” pabirong saway ni Ethan.

“Aray ko naman! Hindi niyo ba nagustuhan? Ang hirap sa inyo, mga old fashioned kayong dalawa kaya hanggang ngayon ay wala pa rin kayong mga dyowa. Dapat ako ang ginagaya ninyo, ‘di ba, mukha akong oppa?” pang-aasar pa niya.

“Nagsalita ang may dyowa, ang mabuti pa ay ayusin mo na ang hapagkainan at malapit na itong niluluto namin,” sabi ng panganay.

“Teka, huling birthday mo na ba Kuya Darwin? Sa dami ng mga handang pagkain ay parang wala nang bukas. Parang may piyesta sa bahay natin, a!” hirit pa ng bunso.

“Ul*l. Siyempre, dinamihan na namin dahil mag-iimbita tayo ng mga kapitbahay natin at mga kaibigan. Ano, tayong tatlo lang ang uubos ng mga ito?” tugon ng may kaarawan.

“Sa dami ba naman ng kaibigan ni kuya, tiyak na kulang pa nga ang mga ‘yan. Kaya nga pinaramihan niya ang mga pagkain dahil gusto niyang imbitahan ang mga kapitbahay natin sa ating salo-salo. Kaya ano pa ang iniintay mo? Tawagan o itext mo na sila, ‘yung ibang malalapit lang dito ay personal mo nang sadyain. Sayang nga at nasa malalayong lugar ang mga pinsan natin at ibang kamag-anak, kaya hindi natin sila maimbita, pero nagpadala na naman sila ng birthday greetings kay kuya, eh,”  sabad ni Ethan.

Kakamut-kamot namang lumabas na ng bahay si Sherwin para tawagin ang mga kapitbahay nila’t mga kaibigan ngunit biglang gumana na naman ang topak sa ulo ng binata at may naisip na namang kalokohan.

“Sa dami ng gustong imbitahan ni kuya ay halos buong baranggay na ang gusto niyang pumunta sa bahay, a! Naalala ko noon nang pumanaw ang aming mga magulang, mabibilang lang sa daliri ang mga kapitbahay na nakipaglamay at nakipaglibing. Makalipas ang tatlong taon, gaano na nga ba karami ang mga kaibigan namin na totoong nagmamalasakit sa aming magkakapatid? Hmmm… alam ko na kung paano ang gagawin,” ngiting dem*nyo na sambit ni Sherwin sa isip.

Imbes na sabihin niya sa mga kapitbahay at mga kaibigan nila na may handaan sa kanila, sinabi niya sa mga ito na biglang nanikip ang dibdib ng kanyang nakatatandang kapatid at nahihirapang huminga. Dahil ang tagal dumating ng ambulansya ay naisipan niyang humingi ng tulong sa mga ito para isugod na sa ospital ang kapatid.

Ang iba nilang kapitbahay ay dali-daling sumama sa kanya at nag-aalala sa kapatid niyang si Darwin. Ang isa sa mga ito ay nagpahiram pa ng sasakyan para madala na ito sa pagamutan at huwag nang antayin pa ang ambulansya. Ang iba ay parang walang narinig at walang pakialam sa sinabi niya at ang iba naman ay sadyang ayaw tumulong. Ang masakit ay ilan sa itinuring nilang malalapit na kaibigan ang mga hindi sumama sa kanya. Naalala nga niya na ang mga ito’y nangungutang pa ng pera sa kanila at kapag kailangan ang tulong nila ay hindi sila nagdadalawang-isip na tumugon.

Nang makarating sila sa bahay ay laking gulat ng mga kasama niya nang makitang maayos ang lagay ni Darwin at wala naman pala itong iniindang karamdaman. Bumungad pa nga sa mga ito ang mga handa nilang pagkain. Naabutan pa nga nilang nag-iihaw ng manok at isda sa labas ang birthday boy. Napansin din ng mga ito na may mga nakalalasing ding inumin na nakalagay sa mesa.

“A-anong ibig sabihin nito, Sherwin? Ang sabi mo’y naninikip ang dibdib ng Kuya Darwin mo, pero ano ito’t may handaan pa pala rito?” naguguluhang tanong ng isa sa mga kapitbahay.

“A, eh, prank lang po ang lahat. Naisip ko po kasi na iyon ang idahilan sa inyo upang pumunta kayo rito sa aming bahay at makisalo sa handaan namin. Birthday po kasi ni Kuya Darwin kaya gusto niyang narito rin kayo na mga kapitbahay namin. Sorry po kung nagsinungaling ako sa inyo,” kakamut-kamot na sabi ni Sherwin na kinukumbinsi ang mga kasama.

“Aba, birthday pala ngayon ni Darwin? Sana ay inimbitahan mo na lang kami ng maayos at hindi mo na kami niloko pa, hijo. Haynaku, pagbibigyan ka namin dahil espesyal na araw pala ng kapatid mo. Sa susunod ay huwag ka nang manloloko sa iyong kapwa ha?” tugon naman ng isang matanda.

Nang malaman ng mga kapatid niya ang kalokohang ginawa niya ay binatukan siya ng mga ito sa ulo at piningot pa ang tainga niya.

“G*go ka, ano na namang ginawa mo? Pati mga kapitbahay natin ay dinadamay mo sa kapilyuhan mo,” wika ni Darwin sa kanya.

“Ang sabi namin ay imbitahan mo sila rito at hindi pagsabihan ng kasinungalingan. Ano bang pumasok sa kukote mo at naisip mo ang ganoon?” sambit naman ni Ethan.

Pero may napansin ang panganay na kapatid.

“Teka sandali, nasaan ang mga malalapit nating kaibigan na palaging pumupunta rito sa atin kapag may kasiyahan? Sina Pareng Jojo, si Pareng Vino, si Mareng Anna?” tanong nito.

Sinabi ni Sherwin ang totoo sa mga kapatid niya.

“Nang inutusan ninyo ako na tawagin ang mga kapitbahay natin at mga kaibigan para saluhan tayo sa salo-salo ay biglang sumagi sa aking isip kung sino ba sa kanila ang totoong nagmamalasakit sa atin? Kaya niloko ko sila na may nangyaring hindi maganda sa iyo, Kuya Darwin at kung sino man sa kanila ang sasama sa akin papunta rito para tumulong ay sila ang mga taong tunay na may pagpapahalaga sa atin. Napansin niyo ba na ang mga pumunta rito ay ang mga kapitbahay natin na hindi mahilig manghingi ng tulong o pabor sa atin? Ang mga taong itinuring natin na mga malalapit na kaibigan na palaging hindi nawawala sa bahay kapag may espesyal na okasyon ay mga walang pakialam at hindi man lang nag-alok ng kaunting tulong nang sinabi kong nahihirapan kang huminga at dapat na madala sa ospital. Ang mga taong ito na sumama sa akin ang mga totoo nating kaibigan na nagmamalasakit sa atin. Sila na pumarito na walang hinihinging anumang kapalit,” sagot ni Sherwin.

Sa tinuran ng bunso nilang kapatid, imbes na kagalitan nila ito’y niyakap nila ng mahigpit.

“Hindi namin akalain na maiisip mo pa ‘yon, bunso? Masasabi namin na mature ka na ngang talaga,” natatawang sabi ni Darwin.

“Salamat, ‘tol. Dahil sa ginawa mo ay nakilala natin ang mga taong handang tumulong sa oras na tayo’y mangailangan. Ang galing mo, bro,” sambit naman ni Ethan.

Maya-maya ay inaya na nila ang mga bisita nilang kapitbahay na saluhan na sila sa pagkain. Tuwang-tuwa naman ang mga ito dahil inimbita sila ng magkakapatid. Walang umuwing gutom ng araw na iyon, binusog ng tatlo ng masasarap na pagkain at nakalalasing na inumin ang mababait nilang kapitbahay. Para kay Darwin, iyon na yata ang pinakamasayang pagdiriwang ng kanyang kaarawan.

More Stories