Ako na ang Mag-iipon!

Panganay si Bea sa limang magkakapatid at siya lamang din ang nakapagtapos ng pag-aaral kaya naman mas nasusunod siya sa mga desisyon na pinapatupad sa kanilang pamamahay. Lalo pa nga noong iniwan na sila ng kaniyang ama upang sumama sa ibang pamilya.

“Mabuti naman at na-promote ka riyan sa trabaho mo, Rica, kahit papano ay lalaki ang maitutulong mo sa mga gastusin dito sa bahay,” wika ni Bea sa kaniyang bunsong kapatid.

“Oo nga ate, mabuti na lang talaga at tinanggap nila ako na maging supervisor kahit na hindi naman ako nakapagtapos ng kolehiyo. Maganda raw kasi ang record ko at ang performance ko kaya ako ang pinili nila kaysa roon sa bagong apply na nakapagtapos,” maligayang sagot sa kaniya ni Rica.

“Swerte ang tawag diyan, ‘wag ka lang masyadong papakampante kasi baka isang araw matangal ka rin kaagad. Ayaw ko ng sakit sa ulo,” baling naman ni Bea sa kapatid.

Hindi na nagsalita pa si Rica sa reaksyon ng kaniyang ate, hindi na kasi bago ito sa kanilang pamilya. Maraming nagsasabi na hambog at mataas raw ang tingin ni Bea sa kaniyang sarili dahil ito lamang ang nakapagtapos sa kanilang magkakapatid at ang sumusuporta sa kanilang buong pamilya. Ang ibang mga kapatid kasi nila Rica ay nag-asawa ng maaga at mayroon nang mga sariling pamilya ngunit hanggang ngayon ay mas umaasa pa rin sa kaniyang ate.

Matagal nang nagtratrabaho bilang service crew si Rica kaya naman masayang-masaya ngayon ang dalaga dahil tumaas na ang posisyon niya at katuwang din ang pagtaas ng sahod niya.

“Rica, bago ko makalimutan. Huwag mo nang subukan na mag-ipon sa bangko. Ako na ang mag-iipon ng pera mo, katulad nang nakasanayan, tutal mas naiintindihan ko naman ang takbo ng pera at mas magaling ako sa’yo roon,” pahayag pa ni Bea bago siya umalis papasok sa kaniyang trabaho. Pumapasok bilang teller si Bea sa isang bangko kaya siya ang naghahawak ng lahat ng pera na pumapasok sa bahay nila. Kahit ang pera na kinikita ng nanay nila sa pagtitinda ng lutong ulam.

“Sige po,” maiksing sagot ni Rica rito. Mabigat man sa kaniyang kalooban ngunit hindi na siya tumanggi pa. Simula nung magtrabaho si Rica ay hindi pa niya nahahawakan ng buo ang kaniyang sweldo dahil ang ate niya ang humahawak nito. Palaging sinasabi ng kaniyang kapatid na kulang pa nga raw ito sa mga gastusin nila sa bahay.

Advertisement

“Anak, dapat hindi ka na pumayag sa sinabi ng Ate Bea mo, may kita naman akong binibigay sa kaniya kaya dapat iniipon mo na lang ang sahod mo para naman may pera ka ng sarili,” malungkot na sinabi ni Aling Oli, ang nanay ng dalaga.

“Ayos lang, ‘nay, bata pa naman ako. Siguro kapag nag 28 anyos na ako ay tsaka na ako magtatabi ng buong sweldo. Sa ngayon ay tutulungan ko na muna si ate,” malambing na saad ni Rica sa kaniyang ina.

“Pasensya na kayo mga anak, ang hirap ng buhay na iniwan ko sa inyo,” malungkot at nauubo-ubong sinabi iyon ni Aling Oli. Tsaka ito biglang nawalan ng malay. Mabilis na naisugod ang kaniyang nanay sa ospital at sa kasamaang palad ay malala na pala ang sakit sa puso nito at may tubig na rin ang baga ng ale.

“Ate, kailangan natin ng pera. Kahit ‘yung sahod ko na lang ang galawin mo muna para kay mama dahil kailangan nating bumili ng mga gamot niya,” umiiyak na saad ni Rica sa kaniyang ate nang dumating ito sa ospital.

Ngunit hindi sumagot si Bea at aligaga lamang itong pabalik-balik sa paglalakad.

“Ate, naririnig mo ba ako? Bakit ganyan ang itsura mo? ‘Di ba sabi mo sa akin ay may pera tayo. Iniipon mo ang sahod ko tapos ‘yung sahod mo pa at sahod ni mama. Sumagot ka sa’kin, bakit ganyan ang itsura mo?” tanong muli ni Rica.

“Nag-iisip ako, Rica, ano ba! Kung makapagsalita ka naman sa’kin!” baling ni Bea rito.

“Ano ang dapat mong pag-isipan, ate? Nasaan ang pera natin?” tumaas na rin ang boses ni Rica sa kaniyang kapatid.

Advertisement

“Wala na! Wala na, okay? Wala na. Pinangsugal ko,” baling muli ni Bea.

Parang binuhusan si Rica ng mainit na tubig pagkarinig niya sa sinabi ng kaniyang kapatid. Simula 18 anyos hanggang ngayong 26 anyos na siya ay si Bea lamang ang humawak ng sahod niya dahil nag-iipon nga raw sila. Maging ang maliit na kita ng kanilang ina ay siya rin ang humahawak. Nagbibigay lamang siya ng tamang gagastusin para sa bahay at sa kanilang pangangailangan dahil palagi nitong sinasabi na iniipon niya ang mga ito para sa kanilang kinabukasan.

“Sabi mo, iniipon mo. Niloko mo ako, niloko mo kaming lahat! Napakasama mo!” galit na sinabi iyon ni Rica saka siya tumayo at akmang sasampalin ang kaniyang ate ngunit napigilan niya ito.

“Nalubog kasi ako sa casino kaya naubos ‘yung pera. Hindi ko naman inaasahan na may magkakasakit, nabubudget ko naman ‘yung pera natin tapos iniisip ko na kapag nanalo na ako ay maibabalik ko na lahat ng utang ko sa ipon natin. Hindi pa lang kasi ako nananalo, Rica, maniwala ka. Kapag nanalo na ako ay maibabalik ko na lahat ng ‘yun, alam ko ang takbo ng pera!” paliwanag pa ni Bea sa kaniya.

“Alam kong matalino ka, wala namang sumasalungat sa’yo tungkol dun. Pero kahit kailan, hindi naging tama na isugal mo ang pera na hindi sa’yo. Isinusugal mo ngayon ang buhay ni mama dahil sa pangloloko mo sa amin! Sa amin na pamilya mo!” sagot ni Rica at umiyak na lamang siya sa sobrang galit.

Hindi na niya pinagaksayahan pang awayin ang kaniyang ate at gumawa na lamang siya ng paraan upang makalikom ng pera pang gamot kay Aling Oli. Sa kabilang banda naman ay hirap na hirap si Bea na makahiram ng pera dahil wala nang nagtitiwala sa kaniya kahit pa nga maganda ang estado ng trabaho niya at kilalang matalinong tao.

Malaki rin ang pagsisisi niyang niloko niya ang kaniyang buong pamilya. Ngayon niya napagtanto na ang hirap na dinaranas ng kaniyang pamilya ay hindi dahil sa sya lang ang may malaking sweldo at sumusuporta sa kanila kung ‘di dahil sa maling paghahawak niya sa pera at pangloloko sa kapwa dahil sa pagkalulong niya sa sugal.