Inday TrendingInday Trending
Pinagtagpo Ngunit ‘Di Tinadhana

Pinagtagpo Ngunit ‘Di Tinadhana

Ngayon ang araw ng pamamanhikan ni Michael kina Margareth at hindi mapakali ang babae sa sobrang pag-aalala dahil sa unang pagkakataon ay makikilala na rin niya ang ina ng kaniyang kasintahan. Sa Amerika na kasi ito naninirahan matapos nitong magpakasal sa isang Amerikano. Maski sa telepono ay hindi pa sila nagkakausap ng ginang. Nangangamba si Margareth na baka hindi siya magustuhan ng ina ng kaniyang nobyo.

“Mama, ayos na po ba ang itsura ko? Hindi ba malaswa ang damit na suot ko? Baka mamaya konserbatibo po ang nanay ni Michael at akalain niya na isa akong pakawalang babae. Magustuhan niya kaya ako, papa? Paano na kung matapobre siya? Baka tutulan niya ang pagpapakasal namin dahil ang gusto niyang makatuluyan ni Michael ay iyong babaeng mayaman at may ibubuga sa buhay,” sunud-sunod na tanong ni Margareth sa kaniyang mga magulang.

“Ikaw talagang bata ka, o. Huwag kang masyadong mag-alala. Sa ganda mong iyan! Imposibleng hindi ka niya magustuhan. Isa pa ay maayos ang pagpapalaki namin sa’yo ng nanay mo. Hindi ka namin pinalaking bastos at walang galang. At tsaka sa pagkakakilala ko sa nobyo mo ay mukha namang hindi matapobre ang pamilya nila. Simple lang si Michael. Hindi siya maluho,” tugon ni Esteban, tatay ni Margareth.

Abot tenga ang ngiti ni Margareth nang dumating si Michael. Buong galang niyang binati ang mga magulang ng binata. Si Michael naman ay magiliw na ipinakilala ang kaniyang ina at amain sa magulang ng kaniyang kasintahan.

Agad na inasikaso ng mga magulang ni Margareth ang kanilang mga bisita. Inaya nila ang mga ito na pagsaluhan muna ang mga hinanda nilang pagkain bago simulan ang seryosong usapan tungkol sa kasal ng magkasintahan.

Habang kumakain ay masayang nagkukuwentuhan ang lahat maliban kay Carissa, ang ina ni Michael. Tahimik lang ang babae habang lihim na sinusulyapan si Esteban. Ang mga mata nito ay puno ng pag-aalala. Tinangka ng mga magulang ni Margareth na isali ang babae sa kanilang usapan ngunit pilit na ngiti lang ang nakukuha nilang sagot mula dito tuwing sinusubukan nilang kausapin ito.

“Michael, Margareth, puwede bang lumabas na muna kayo sa hardin? Gusto ko munang makausap ang mga magulang ni Margareth. May gusto lang akong siguraduhin sa kanila bago nating pag-usapan ang tungkol sa kasal ninyong dalawa,” pakiusap ni Carissa sa magkasintahan.

Bumalik ang labis na pag-aalala ni Margareth. Sa tingin niya ay hindi siya gusto ng ina ni Michael. Mukhang mahihirapan siyang suyuin ang kaniyang magiging biyenan. Gayunpaman, ipinangako niya sa kaniyang sarili na gagawin niya ang lahat tanggapin lang siya ng ginang sa kanilang pamilya.

Nang bumalik ang magkasintahan sa loob ng bahay ay pati si Michael ay nagsimula na ring mag-alala. Nadatnan nilang umiiyak si Carissa habang inaalo ito ng kaniyang asawa. Ang ina ni Margareth ay walang tigil sa kakahagulgol sa inuupuan nitong sofa. Si Esteban naman ay tulalang nakasalampak sa sahig.

“I’m sorry, Michael. Hindi kayong puwedeng ikasal. Kapatid mo si Margareth. Si Esteban ang tunay mong ama,” malungkot na saad ni Carissa.

Ipinaliwanag ni Carissa sa magkasintahan kung paano sila naging magkapatid. Kaeskuwela niya dati ang tatay ni Margareth. Hindi siya kilala ni Esteban pero may lihim siyang pagtingin noon sa lalaki. Noong minsang dumalo siya sa birthday party ng kaniyang kaibigan sa isang club ay nakita niya si Esteban doon. Nagpapakalasing ang lalaki matapos nitong matuklasan na may ibang kinakatagpo ang nobya nito. Dahil sa pag-aalala ni Carissa na baka mapahamak si Esteban ay sinamahan niya ang lalaki. Ang pagmamagandang loob ng babae para sa lalaking kaniyang napupusuan ay nauwi sa isang mainit na gabi ng pakikipaglaro ng apoy sa isang motel.

“Alam kong mahal na mahal ni Esteban ang kaniyang nobya. Bago pa siya magising ay umalis na ako sa motel. Natakot ako na baka ipagtabuyan niya ako. Na baka hindi niya matanggap na may nangyari sa aming dalawa. Nakalipat na ang pamilya ko sa probinsiya nang malaman kong nagbunga pala ang isang gabi naming pinagsaluhan. Napagdesisyunan kong huwag na lang ipaalam kay Esteban na nabuntis niya ako tutal ay malaki ang posibilidad na hindi niya ako paniwalaan dahil hindi naman niya ako kilala. Hindi ko akalain na muling magtatagpo ang aming landas sa pinakamasaklap na pagkakataon. Na iibigin ng anak ko ang kapatid niya sa kaniyang ama,” saad ni Carissa.

Parang pinagsakluban ng langit at lupa sina Margareth at Michael. Hindi sila maaaring ikasal. Nawasak ang kanilang pangarap na bumuo ng isang masayang pamilya. Hindi na maisasakatuparan ang pangako nilang magsasama sila habang buhay. Maaari nilang mahalin ang isa’t isa ngunit hindi bilang mag-asawa kung hindi bilang magkadugo, bilang magkapatid.

Naging mahirap para sa magkasintahan na tanggapin ang katotohanan ngunit dahil alam nilang mali ang kanilang pagmamahalan ay napagdesisyunan nilang putulin na lamang ang kanilang relasyon. Sumama si Michael sa kaniyang ina at amain sa Amerika para doon gamutin ang wasak niyang puso at para muling buuin ang kaniyang sarili. Si Margareth naman ay itinuon ang kaniyang atensiyon sa kaniyang trabaho. Hindi muna siya tumanggap ng mga bagong manliligaw. Nais niyang pagpahingahin na muna ang umiiyak pa niyang puso.

Bagama’t hiwalay na si Michael kay Margareth ay hindi naputol ang komunikasyon ng dalawa. Madalas pa rin silang mag-chat at mag-usap sa telepono. Iyon nga lang ay balik sila sa umpisa. Muli nilang kikilalanin ang isa’t isa hindi bilang dalawang tao na may pagtingin sa isa’t isa kung hindi bilang dalawang tao na pinagtagpo ng pagkakataon ngunit hindi itinadhana.

Advertisement