“Tsong! Hindi kita maintindihan. Bakit hanggang ngayon wala ka pa ring syota? Aminin mo na nga sa akin. Binabae ka ba?” natatawang pagkastigo ni Drake sa kanyang matalik na kaibigang si Vince. Napangisi at iling lamang ang naging tugon ng binata.
“Sobrang daming nagkakadandarapa sa’yo lalo na sa kursong Tourism. Balita ko nga ang muse daw ng kursong ‘yon ay may gusto sa’yo. Tsong, kung ako ikaw, sinunggaban ko na ang pagkakataon,” sulsol pa ni Drake.
“Tigilan mo na nga ako, tsong! Alam mo namang hindi ako ganyan. Saka hindi ‘yan ang prayoridad ko sa buhay ngayon. Hihintayin ko na lang ang para sa akin. At kapag nakita ko na siya, hindi ko talaga siya pakakawalan. Gagawin ko ang lahat para makasama ko siya,” sagot ni Vince.
Wala pang nagiging kasintahan si Vince at sa tagal ng samahan nila ng kanyang matalik na kaibigan ay hindi pa niya ito naringgan ng kwento tungkol sa mga babae. Kaya laking pagtataka ni Drake na kung bakit kaya hanggang ngayon ay parang interes ang binata na magkaroon ng kasintahan gayong si Drake ay hindi na mabilang ang naging nobya.
Kaya nariyan na ilakad niya sa ibat-ibang babae si Vince. Lubos namang ikinaiinis ito ng binata.
“Tigilan mo na nga ako, Drake! Sinabi ko na sa’yo. Kapag nakita ko ang babaeng para sa akin, ako na mismo ang gagawa ng paraan para mapasagot ko siya,” giit ni Vince habang naglalakad sila ng kanyang tropa sa isang mall.
“Gusto lang naman kitang tulungan. Saka sino ba ‘yang sinasabi mong para sa’yo? ‘Yang babaeng lagi mong nakaka text sa telepono mo? Ilang buwan na kayong magkatext niyan, tingnan mo nga at hindi pa rin nakikipagkita sa’yo! Tiyak ko ay nuknukan ng panget ‘yan! Kung gusto mo ilakad na lang kita doon sa muse na sinasabi ko sa’yo? Alam daw ng isang kaklase natin ang numero noong babae. Hihingin ko para sa’yo!” pangungulit ni Drake.
“Tama na ‘tong usapan na ‘to, tsong. Ayoko! Ayoko! Ayoko! Hindi siya ang tipo ko, tapos! Saka huwag mo ng pakialaman itong textmate ko. Wala akong pakialam sa itsura niya. Mabait siya sa akin at masarap siyang kausap. Hindi kagaya mo, ang dami mong sinasabi riyan!” naiirita ngunit natatawang wika ni Vince.
“Malapit na akong magduda niyan sa’yo pare. Baka nga mamaya totoo ang bali-balita na..” hindi pa man tapos sa sinasabi si Drake ay may nakabanggan si Vince na isang babae. Maangas ang gayak nito at kung kumilos at tila lalaki. Nakataas ang medyo magulo at mahabang kulot niyang buhok. Ngunit mababakas mo ang pagka-amo ng kanyang mukha.
“Pwede ba, tumingin ka naman sa dinadaan mo? Hindi mo pagmamay-ari ang mall na ito, May mga tao rin na kagaya mong namimili kaya kailangan ay hindi ka parang naglalakad sa buwan. Siguro ay unang salta mo pa lang sa mall at namamangha ka masyado sa mga nakikita mo!” sambit ng babae.
“Teka, miss. Hindi rin naman tayo magkakabanggaan kung tinitingnan mo ang dinadaanan mo. Saka huwag kang sumigaw. Pwede mo akong kausapin ng maayos. Pasensya ka na kung nabangga ka pero hindi tama na basta ka na lamang nagtatatalak dyan,” tugon ni Vince.
Bago pa man mauwi sa isang pag-aaway ay pinigilan na ni Drake ang dalawa. Ngunit mula noon ay hindi na maiaalis ni Vince ang kanyang isip sa babaeng ‘yon. Hindi rin niya maintindihan kung bakit palaging dumaraan ito sa kanyang isipan. Habang nag-iisip ay biglang tumunog ang kanyang telepono.
“Nakakainis ang araw na ito. Marami talagang lalaking walang respeto sa babae. Pero baka kasalanan ko din naman kasi. Maiba na lang ako, kumusta ang araw mo?” isang mensahe mula sa ka-text ni Vince.
“Ayos lamang ako. Huwag mo nang intindihin ang mga ganong uri ng tao. Masisira lang ang araw mo. Ikaw, kumusta ka?” sagot ng binata.
“Ayos din naman ako. Sigurado ka bang ayos ka lang. Parang nararamdaman kong malalim ang iniisip mo. Kung merong bumabagabag sa’yo tandaan mo pwedeng-pwede mong sabihin sa akin. Hindi ko naman maipagkakalat ang sikreto mo,” muling mensahe ng babae.
‘Hindi ko kasi alam kung paano sasabihin sa ibang tao. ‘Yung matalik kong kaibigan kasi kinukulit ako kung bakit hindi pa ako nagkakaroon ng kasintahan. Hindi ko kasi masabi sa kanya ang tunay na dahilan…” saad ni Vince.
‘Ano nga ba ang tunay na dahilan? Kung ito ang kinabibigat ng damdamin mo, pwede mong sabihin sa akin at kung gusto mong kalimutan ko kaagad ay gagawin ko. O kung hindi mo makaya ay ibulong mo sa hangin,” payo ng babae.
Sandaling napaisip si Vince. Ngunit sa gaan ng kalooban niya sa kanyang katext ay hindi na rin niya itinago pa ang totoo.
“May sakit kasi ako sa puso. Hindi ko alam kung hanggang kailan pa ang itatagal ko. Kung titingnan mo ako ay malakas ako pero lahat ito ay sa panlabas lamang. Gusto ko rin namang maranasan ang umibig ngunit takot ako na masaktan lamang ang magmamahal sa akin sapagkat baka mamaya ay iwan ko lamang din siya,” mensahe ni Vince.
“Alam mo kung matalik mo talaga siyang kaibigan ay dapat mas pagkatiwalaan mo siya. Ano ba ang kinakatakot mo kaya ayaw mong sabihin ‘yan sa kanya? Natatakot ka bang mag-iba ang pakikitungo niya sa’yo? Natatakot ka rin na masaktan siya? Higit kanino pa man siya ang dapat na nasa tabi mo sapagkat kwento mo nga sa akin kaibigan mo na siya matagal na,” sagot ng dalaga.
“Natatakot akong hindi na normal ang itrato niya sa akin. Pero tama ka. Alam mo sa totoo lang hindi ko maintindihan kung bakit ang gaan ng loob ko sa’yo. Ni hindi ko alam ang tunay mong pangalan at hindi ko alam ang itsura mo. Siguro, kung papayag ka ay panahon na upang magkita tayo,” paanyaya ni Vince. Medyo kinakabahan siya ngunit nilakasan na niya ang kanyang loob. Sa totoo lang kasi ay matagal na din niyang ninanais na makilala ng personal ang babae.
Medyo natagalan sa pagsagot sa huling mensahe ang dalaga. Napaisip siya. Baka mamaya kasi ay matapos na ang pagkakaibigan na mayroon sila at ang lahat ng maganda nilang samahan kung sila ay magkikita.
“Hindi mo ba gusto ang ideya na ‘yon? Pasensya na. Gusto na talaga kitang makilala at maging pormal na kaibigan. Tutal, napagkakatiwalaan naman na kita sa lahat ng sikreto ko,” muling mensahe ng binata.
“Angel. Angelica Ramirez ang totoo kong pangalan. Pumapayag na ako makipagkita sa’yo. Sa tatlong kundisyon…” sagot ng dalaga.
Hindi alam ni Vince ang kanyang gagawin. Ngunit kahit ano pa man ang mga kundisyon na ito ay handa siya.
“Una, kahit ano pa man ang itsura ko sana ay irespeto mo pa rin ako. Pangalawa, manatili sana na ganito pa rin ang pagkakaibigan natin. At pangatlo, ipangako mo na wala kang masamang gagawin sa akin. He he he! Payag ka ba?” sumunod na mensahe ni Angel.
Napangiti si Vince. Walang mapaglagyan ang kanyang tuwa sapagkat sa wakas ay magkikita na silang dalawa.
Maagang nagtungo si Vince sa mall kung saan ang kanilang tagpuan. Maaayos ang gayak nito at hindi mapakali habang inaantay ang dalaga. Pananabik at kaba kasi ang nararamdaman niya.
Maya-maya ay nakita niyang muli ang babaeng nakabanggan niya noong isang araw na tila may inaantay. Pinagmamasdan niya ito. Masama naman ang naging tingin din sa kanya ng babae.
“Pwede ba, tigilan mo nga ang pagtingin mo sa akin. Manyak ka ba?” maangas na sambit ng babae.
“Pasensya na pero may hinihintay kasi ako dito,” malumanay na tugon ni Vince.
“Ako rin! So, anong gusto mo? Umalis ako dito kasi ikaw lang pwedeng mag-intay? Masyado ka talagang mayabang!” saad ng dalaga.
“Wala naman akong sinabing ganon. Saka miss, bakit ba ang init ng dugo mo sa akin? Wala naman akong ginagawang masama sa’yo,” pagtataka ng binata.
Hindi na siya pinansin pa ng dalaga. Hinawakan nito ang kanyang telepono at sinubukang tawagan ang kanyang katagpo nang biglang tumunog ang telepono ni Vince. Laking gulat ng dalawa.
“I-ikaw?” hindi inaasahan ni Vince ang pangyayari. “Angelica Ramirez, ikaw ba ‘yan?” wika niyang muli sa dalaga.
“Vince?” tugon naman ni Angel.
Natawa na lamang ang dalawa.
“Pwede bang magsimula tayong muli? Hi, ako si Vince. Kinagagalak kong makita ka,” sambit nito sa dalaga iniaabot ang kanyang kamay para makipag shake hands.
Napangiti ang dalaga. “Hi, ako si Angel. Kinagagalak din kitang makita,” nakipagkamay ang dalaga kay Vince.
Hindi inaasahan ng dalawa ang pagkakataon. At tulad ng ipinangako ng dalawa ay walang nagbago sa kanilang samahan. Lalo pang naging matatag ang kanilang pagkakaibigan. Habang tumatagal ay nahulog na rin ang loob ni Vince sa dalaga at nang maramdaman nyang mahal na niya si Angel ay ginawa niya ang lahat upang maging kasintahan niya ito.
Sinabi na rin ni Vince ang kanyang sikreto sa kanyang matalik na kaibigang si Drake at naging dahilan ito para lalo pang mapalapit sila sa isat-isa. Hindi naging handang ang karamdaman ni Vince upang mahalin siya ng dalaga ng malaya. Sa kasalukuyan ay naging matatag ang relasyon ng dalawa.
Hindi inaasahan ng dalawa na kahit sa anong paraan ay pagtatagpuin sila ng tadhana.


