Inday TrendingInday Trending
Aral Mula sa Lumalaganap na Pandemya

Aral Mula sa Lumalaganap na Pandemya

Taong 2019 nang magsimulang kumalat ang isang nakakatakot na sakit mula sa isang makapangyarihang bansa sa buong mundo. Sa una’y aakalain lamang itong isang trangkaso, subalit hindi pala ito simpleng sakit. Kaya pala nitong pumuksa ng libu-libong buhay sa isang iglap lang.

Ito ang pandemyang bumago sa buhay ni Dennis at ng mga taong makakabasa ng istorya ng kaniyang buhay.

“Aba naman, Dennis! Sa kalsada ka na ba nakatira? Hindi ka ba natatakot mahuli ng mga tanod d’yan? Baka mahawa ka pa ng sakit at magkalat pa rito sa pamamahay!” bulyaw ng ina ni Dennis.

“Nako, hayaan mo na! Ako na ang kakausap dito sa apo ko,” malumanay na sabat naman ni Lola Martha.

Mahal na mahal ng matanda ang kaniyang nag-iisang apo. Spoiled na spoiled nga ito sa kaniya, kaya sa tuwing mapapagalitan ng magulang ang binata ay sa lola agad ang kaniyang takbo.

“Salamat po, lola. Yung bunganga kasi ni mama, daig pa yung armalite eh,” saad ng binata.

“Apo naman kasi, matuto kang makinig. Delikado ang panahon ngayon. Nagsisimula na ang lockdown sa mga bayan at probinsya, kaya baka pwedeng manatili ka na lamang dito sa pamamahay,” malumanay na pakiusap ng matanda.

“O-opo, lola…” napakamot na lamang sa ulo ang binata. Hindi naman niya matitiis ang kaniyang lola. Kahit na matigas kasi ang kanyang ulo, nagiging masunurin siya pagdating kay Lola Martha. Ganun niya kamahal ang matanda.

Sa paglipas ng mga araw, parami nang parami ang tumataas na bilang ng tinatamaan ng nakababahalang sakit. Nagdeklara na rin ng Enhanced Community Quarantine ang lider ng bansa upang mas mapaghigpit pa ang seguridad ng mga mamamayan, ngunit para kay Dennis, isang nakakatawang gawain lamang ito. Aniya, “malakas naman ang katawan ko at bata pa ako. Kahit tamaan ako ng sakit na ‘yan, kakayanin ng katawan ko.”

Hindi nagpatinag ang binata. Patuloy siya sa paggagala at paglabas-labas kahit na sa gabi. Kapag tulog na ang lahat, doon siya tumatakas at lumalaboy. Hanggang isang araw…

“A-apo ko, anong nangyari sa iyo? Bakit balot na balot ka riyan?” tanong ng matanda habang ipinapatong ang likod ng kamay sa noo at leeg ng binata.

“Masakit lamang po ang ulo ko, lola. Medyo masakit rin po ang lalamunan ko. Pero baka nalamigan lamang po ako,” paliwanag pa ng binata.

“Naku, apo, sobrang taas ng lagnat mo ah? Teka at pupunasan kita,” nag-aalalang sabi ng matanda.

“Iyan ang napapala mo kakagala mo! Pinagsabihan ka na kasi!” galit na sigaw ng ina ni Dennis.

“Ikaw naman, may sakit na ang apo ko, pinapagalitan mo pa. O siya na, aasikasuhin ko lamang si Dennis, maghanda ka na ng makakain,” pagsuway naman ng matanda sa bunganerang ginang.

Matapos haplusan ng basang pamunas ang binata. Lumabas ang matanda mula sa kwarto upang ikuha sana siya ng pagkain, ngunit seryoso siyang kinausap ng manugang.

“Nay, mas makabubuti siguro na huwag muna tayong lumapit kay Dennis, hindi kasi tayo sigurado sa karamdaman niya. Baka mamaya kasi nadapuan siya nang nakahahawang sakit, baka pati tayo, mapasama rin,” nag-aalalang sabi ng babae.

“Kaawa naman ang apo ko, pero ano ba ang iyong nais?”

“Obserbahan muna natin siya Nay Martha, i-quarantine muna natin ng dalawang linggo, ngunit kung sa mga susunod na araw ay lalong lumala, tumawag na po tayo ng ambulansya,” mungkahi naman ng ina ni Dennis.

“Kung iyan ang makabubuti sa kanya, iyan ang gawin natin,” malungkot na tugon naman ng matanda.

Dalawang araw lang ang lumipas, ngunit mas lumala ang kondisyon ni Dennis, dahilan para mag-alala na ang kanilang sambahayan.

“Dennis? Dennis, apo ko…” katok ng matanda sa pintuan. “Ito na ang umagahan mo. Kumain ka muna. Kumusta ka riyan? Miss ka na ni lola, apo,” malungkot na sabi ng matanda.

Patuloy na kumakatok ang matanda, ngunit walang nagbubukas ng pinto, kaya nabahala na ito at saka binuksan ang pintuan. Tumambad sa kanya ang namumutlang apo na tila ba hirap na hirap sa paghinga kasunod ang tuyot na tuyot na pag-ubo.

“Diyos ko, ang apo ko!” sigaw ng matanda. “tumawag ka ng ambulansya, dali!” sigaw pa ng matanda sa manugang.

Ilang saglit pa, dumating ang ambulansya. Wala sinuman sa pamilya ang hinayaang makasama sa binata, dahil hinihinalang positibo na ito sa lumalaganap na pandemya.

Dalawang linggo na mamalagi sa ospital ang binata, habang oobserbahan naman ang kanyang pamilya sa loob ng dalawang linggo rin.

Agad na sinuri si Dennis sa isang malaking ospital. Iniligay siya sa isang kwarto kung saan limitado lang ang tao na pwedeng makapasok. Doon siya binigyan ng paunang lunas upang maibshan ang sintomas ng sakit.

Lumabas ang resulta, ilang araw matapos maospital ang binata, at nakitang positibo siya sa nakakatakot na sakit.

Isang linggo ang nakalipas, nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang Lola Martha.

“Apo ko, kumusta ka na riyan? Miss na miss na kita,” malungkot na sabi ng matanda.

“Mas miss kita, lola. Bumubuti na po ang lagay ko, kayo po, kumusta na?” masayang tugon naman ng binata.

“Maayos ang aming lagay dito. Inoobserbahan pa rin. Magpagaling ka apo ha? Sabik na akong makita kang muli. Basta tandaan mo palagi na mahal na mahal ka ni lola, kahit na ano ang mangyari apo…” umiiyak na sagot ng matanda.

May kung anong kurot sa puso ng binata. Pumatak din ang kaniyang luha. Tila ba may hindi siya mawariang pakiramdam. Naghahalong lungkot at kaba. Subalit hindi na lamang niya ito inintindi.

Pagkalipas ng dalawang linggo, naka-recover na sa sakit si Dennis. Labis na saya at kasabikan ang kaniyang nadarama. Sa wakas, makakauwi na rin siya.

“Sir, may nagpapabigay po pala sa inyo nitong liham. ‘Wag kayong mag-alala. Na-disinfect naman ang mga kagamitan bago isinulat iyan para sa inyo,” nakangiting inabot ng nars ang puting sobre bago lumabas ng ospital ang binata.

Matapos ang isang oras na biyahe, “Lola! Mama!” nagmamadaling pagkatok niya sa kanilang pintuan. Pagpasok niya, seryoso mukha ng kanyang ina ang bumungad sa kanya. Pinilit ngumiti ng babae, ngunit bakas sa mukha nito ang pag-aalala.

“Lola, nandito na po ako!” nagmamadaling takbo ni Dennis sa kwarto ng matanda, ngunit nagulat siyang wala ito roon. “Ma, nasaan si lola?”

Napailing lamang ang ginang, nagtakip ng bibig at saka humagulgol. Labis naman nag-alala si Dennis at tila ba hindi alam ang nangyayari.

“M-Mama… nasaan si lola?” muling tanong ni Dennis na may halong pag-aalala.

Lalo lamang napaiyak ang ginang ng malakas habang itinuturo ang mga papel na nakapatong sa lamesita. Dahan-dahang lumapit si Dennis. Nanlaki ang kaniyang mga mata, kasunod ang pagbagsak ng mabibigat na luha.

“D- d*eath certificate…” umiiyak na bulong niya.

“Sorry, anak. Hindi ko magawang sabihin sa’yo habang nasa ospital ka. Nahawaan mo ang lola mo ng sakit, at ayaw niyang mag-alala ka habang nagpapagaling,” umiiyak na paliwanag ng ginang. “Pumanaw siya dahil sa komplikasyon. Pneumonia at sakit sa puso ang naging dahilan. Hindi na rin niya kinaya…”

“Saan binawian ng buhay si lola? Anong nangyari sa kanya matapos magkasakit mama?”

“Nakiusap pa siyang tawagan ka, bago siya noon ipinasok sa ospital. Ayaw niyang sisihin mo ang sarili mo, kaya pinili niyang ilihim na lamang. Hindi naging madali ito para kay lola mo…

Pumanaw siya nang mag-isa, naghirap ng walang kapamilya na pwedeng lumapit, at inihatid sa huling hantungan ng mag-isa lamang din, dahil sa sakit na nakuha niya… ganoon kalungkot ang mga huling sandali niya…” humagulgol na kwento ng babae.

Napaluhod lamang si Dennis at saka umiyak ng malakas. Wala na ang lola niya na sobrang nagmamahal sa kanya, dahil lamang hindi siya nakinig sa mga paalala.

Inalam niya kung saan ang puntod ni Lola Martha. At sa may ‘di kalayuan nakatingin siya. Magsisindi sana siya ng puting kandila na kanyang inilagay sa bag nang mapansin ang sobreng ibinigay ng nars. Kinuha niya ito at binuksan. Sulat mula sa kanyang lola.

“Mahal kong apo,

Kumusta ka na ba? Sana ay maayos na ang kalagayan mo. Naandito lamang ako sa katabing kwarto mo sa ospital. Nais ko sanang tumakas at katukin ka, upang mayakap ka man lang, ngunit mahigpit sila rito at kailangan kong sumunod.

Gabi-gabi akong nagdarasal na sana ay gumaling ka. Sana ay maging malakas ka at makalabas na rito. Ang pahinga ko ay humihirap sa paglipas ng mga araw, pero sana ay kayanin ko. Nais pa kita makasama at mayakap apo ko. Napahirap pala ng sitwasyong ganito. Napakalungkot at mag-isa, pero dalangin kong kaawan tayo ng Diyos at pagalingin.

Kung hindi man ako palarin at tawagin na ng Maykapal sa Kanyang kaharian, sana ay huwag mong sisisihin ang sarili mo. Naging masaya ako lalo na noong dumating ka sa buhay namin.

Hiling ko lamang apo, sana ay matuto ka nang sumunod sa mga paalala. Ang lakas mo ay gamitin mo sa makabuluhang bagay. Ugaliin mo ang makatulong sa kapwa at nawa’y panatilihin mo ang kabutihan ng iyong puso.

Mahal na mahal kita apo. Hanggang sa muli nating pagkikita.

Nagmamahal,

Lola Martha”

Muling napaluha si Dennis habang sinasambit ang salitang “patawad.”

Sa panahon ngayon kung saan lumaganap na ang nakakatakot na sakit, ugaliin natin na maging mapagmasid at masunurin sa mga kautusan. Maging sensitibo din tayo hindi lamang para sa ating sarili, kundi pati na rin sa ibang tao at mga mahal natin sa buhay. Huwag na tayong mandamay pa ng iba, dahil lamang ayaw nating sumunod sa panukala.

Habang maaga, may mga bagay na mas mabuti nang iwasan, kaysa mauwi pa sa matinding gamutan. Dalangin ko ang kaligtasan sa bawat isa sa hamon na ito sa buhay bawat tao. Nawa’y magtulungan tayo upang masolusyunan ang lumalaganap na pandemya. Disiplina sa sarili ay ‘wag kalimutan, upang masiguro ang ating kaligtasan.

Advertisement