Pamilya sa Puso

Madilim na ang paligid at pauwi na sa kanyang kanilang tahanan ang mag-asawang sina Mang Kanoe at Aling Ester. Galing lamang sila sa bukid at papauwi na galing sa buong araw na pagsasaka. Parehong magsasaka kasi ang mag-asawa.

May kadiliman na ang paligid kaya hindi nakita ni Aling Ester ang batang nakahandusay sa lupa na kanilang dadaanan. Napasigaw naman ang ginang nang hindi sinasadyang mapatid siya ng katawan ng bata.

“Susmaryosep Ginoo!” gulat at hindi makapaniwalang sambit ni Aling Ester sabay nag sign of the cross gamit ang kanyang nanginginig na mga palad.

Agad-agad namang lumapit si Mang Kanor at pinatago ang asawa sa kanyang likod. Dahan-dahang nilapitan ng lalaki ang katawan ng bata at tiningnan ito.

“Buhay pa siya. Aba’y nilalagnat ang batang ito. Bilis tulungan mo ako Ester at dalhin na natin ‘tong batang ito sa bahay nang makapagpahinga siya ng maayos at mabigyan ng lunas,” dali-daling kinarga ni Mang Kanor ang bata at dinala sa kanilang tahahan. Agad din namang sumunod ang asawa na nag-aalala rin sa kalagayan ng bata.

Inalagaan nila ang batang babae hanggang sa nagkamalay na ito. Lumipas ang tatlong araw bago minulat ng bata ang kanyang mga mata.

“Anak, kumusta na ang iyong pakiramdam?” malumanay na tanong ni Aling Ester sa bata. Tiningnan naman siya ng bata ngunit hindi ito nagsalita.

“Nakita ka naming nakahandusay sa may daan tatlong araw na ang nakalilipas. Ano ba ang nangyari sa’yo, anak?” dugtong pa nito sa kanyang tanong. Hindi pa rin sumagot ang bata kaya nagkatinginan ang mag-asawa.

Advertisement

“Anak, may naaalala ka ba sa mga nangyari sa’yo?” nag-aalalang tanong ni Mang Kanor sa bata. Umiling naman ang bata na ikinagulat ng dalawa.

Nasa isang liblib na lugar nakatira ang mag-asawa. Malayo sila sa bayan dahil na rin sa pagbubukid nga ang kanilang hanapbuhay.

“Ano na ang plano mo sa batang iyan, Kanor?” bakas sa mukha ng ginang ang pag-aalala.

“Pansamantalang dito na muna siya sa atin. Bukas na bukas rin ay pupunta ako sa bayan at magtatanong-tanong kung mayroon bang nakakakilala sa kanya,” sagot niya sa asawa.

Ilang araw ding nagtanong-tanong si Mang Kanor sa bayan kung may nakakakila ba sa batang kanilang natagpuan pero sa kasamaang palad ay wala ni isa sa kanyang mga pinagtanungan ang nakakikilala sa bata.

Lumipas ang ilang taon at lumalaki na ang batang natagpuan ng mag-asawang Kanor at Ester. Pinangalanan nilang Rose ang bata dahil napansin nilang mahilig sa bulaklak ang dalagita, lalo na ang mga rosas.

Itinuring nilang sariling anak si Rose. Iginapang din nila ang pag-aaral nito para mabigyan ng maayos na buhay ang batang itinuring na nilang anak. Dahil nga sa walang maalala sa kanyang dating buhay si Rose ay lumaki itong si Mang Kanor at Aling Ester at kinikilalang mga magulang.

Naging masaya silang tatlo bilang isang pamilya. Labis silang nagmamahalan at nagdadamayan sa lahat ng bagay. Ngunit hindi maiwasan ni Aling Ester ang mangamba na isang araw ay bigla na lamang bumalik ang alaala ni Rose at iwan sila ng kanyang asawa. Mahal na mahal nilang mag-asawa si Rose. Pakiramdam niya ay ito na ang biyaya sa kanila ng Diyos. Ang sagot Niya sa matagal niya nang panalangin.

Advertisement

Mabait at malambing na bata si Rose kaya naman sobrang natutuwa sa kanya ang mag-asawa. Mahal na mahal din sila ng dalaga kaya naman nagsikap at nag-aral talaga ito ng mabuti para makapagtapos ng pag-aaral at maiahon sila sa buhay.

“Sigurado ka ba, anak? Pwede naman kasing dito ka nalang sa atin. Okay naman na ang trabaho mo sa bayan ‘di ba? Bakit ba kailangan mo pang magpunta ng Maynila?” puno ng pag-aalalang pahayag ni Aling Ester sa anak.

“Nay, mas magaganda po ang mga oportunidad sa Maynila. Huwag po kayong mag-alala at babalik naman ako. Magtratrabaho ako ng mabuti para makuha ko kayo dito ni Tatay, tapos hindi niyo na kailangan pa magsaka dahil ako na ang bahala sa inyo,” nakangiting sagot ni Rose kinilalang ina, “’yun po ang pangarap ko ‘Nay.”

Wala nang nagawa ang mag-asawa kundi ang hayaan ang dalaga sa kanyang gusto. May pangamba man ay ayaw naman nilang maging hadlang sa tadhanang nakalaan sa dalaga.

Sa bawat araw ay labis ang pag-aalala ng mag-asawa sa dalaga. Araw-araw ay panalangin nila na sana ay nasa mabuting kalagayaan ang anak.

Mabilis na dumaan ang dalawang taon at nagbalik na si Rose sa kanilang munting tahanan. Labis na tuwa ang dala ng dalaga sa kanyang pag-uwi.

Sa kanyang pamamalagi sa Maynila habang siya ay nagtratrabaho ay hindi sinasadyang natuklasan ni Rose ang kanyang tunay na pagkatao at kung ano nga ba ang nangyari sa kanyang noong araw na nagtagpuan siya ng mag-asawang Kanor at Ester.

Dahil sa parang pinagbiyak na bunga si Rose at ang kanyang tunay na ina ay agad siyang nakilala ng kanyang lolo. Galing sa isang mayamang pamilya si Rose. Noong araw na natagpuan siya ng mag-asawa ay siya ring araw na na-aksidente ang sasakyan nila ng kanyang mga magulang. Sa kasamaang palad ay tanging si Rose lamang ang nakaligtas.

Advertisement

Nang makalabas ng sasakyan at naglakad ng naglakad si Rose para humingi ng tulong hanggang sa mawalan ng malay. Dahil na rin sa tindi ng kanyang mga pinagdaanan kaya nawala ang kanyang mga alaala. Salamat sa mga magagaling na doctor na kinuha ng kanyang lolo para sa kanya ay naibalik din ang mga alaalang nawala sa dalaga.

Labis ang tuwa ng mag-asawa nang malaman ang balitang dala ng itinuring na anak. Sa wakas ay bumalik na rin ang alaala ng dalaga at natapos na rin ang misteryo sa pagkatao nito.

Bilang pasasalamat sa ginawang pag-aruga at pag-aalaga kay Rose ay binili ng pamilya ni Rose ay sakahan kung saan nagtratrabaho ang mag-asawa. Tinulungan din nila ang dalawa sa pagmamahala sa kanilang mga naging negosyo.

Bumalik man sa sariling pamilya niya si Rose ay dumadalaw din naman paminsan-minsan ang dalaga para kumustahin ang mag-asawang sumagip sa buhay niya. Hinding-hindi niya makakalimutan ang kabutihang loob ng kanyang Nanay Ester at Tatay Kanor, dahil sa loob ng maraming taon ay sila ang kanyang naging pamilya.