Hindi Hanga sa Serbisyo ng Barangay ang Ginang na Ito, Nagulat Siya sa Sinabi ng Kanilang Kapitan

“Nakakainis talaga ‘tong mga walang modo kong kapitbahay! Dito na sa harapan ng bahay ko nagtatapon ng basura, araw-araw pang nagpapatugtog nang malakas! Akala mong sila lang ang tao sa lugar na ito!” rekmalo ni Agnes habang naglilinis ng tapat ng kanilang bahay. 

“Naku, mars, isumbong mo na ‘yan sila sa barangay! Bawal kaya ‘yan, tiyak mabibigyan sila ng parusa sa ginagawa nila lalo na ngayong may pandemya! Maraming bawal ngayon!” segunda ng kumare niyang dumalaw sa kaniya saka siya tinulungang maglinis ng mga basurang nakakalat sa bakuran niya.

“Asa kang may gagawin ‘yang barangay namin! Wala ngang silbi ‘yang mga ‘yan, eh! Sa araw lang ng halalan nabubuhay ang kapitan at mga kagawad dito!” sigaw niya pa na tila pinaparinig sa kaniyang mga kapitbahay.

“Mabuti pa pala sa barangay namin, nagseserbisyo talaga sila at palagi pang ayuda!” sagot ng kaniyang kumare na ikinagulat niya.

“O, ‘di ba? Rito sa amin, mamuti na ang buhok mo sa kilikili, hindi kikilos ang mga ‘yan!” bulyaw niya pa habang padabog na ipinaplastik ang mga basurang nakakalat.

Hindi hanga sa serbisyo ng kanilang barangay ang ginang na si Agnes. Simula kasi nang siya’y manirahan sa bagong bahay nila ng kaniyang nag-iisang anak na mag-isa niyang binubuhay, mahigit kumulang isang na ang nakalilipas, ni minsan, hindi siya nadinig ng mga awtoridad doon. 

Tuwing siya’y nagpupunta sa kanilang barangay upang magreklamo o kung hindi naman ay upang kumuha ng mga dokumento katulad ng barangay clearance at barangay ID na kailangan niya sa kaniyang negosyo, palaging walang tao roon.

Nakikita niya pang madalas, tuwing gabi, sama-samang nag-iinom sa kalapit nilang bahay ang mga kagawad at kapitan na labis niyang ikinakagalit. Wika niya, “Kapag inuman lahat kayo nand’yan, pero kapag trabaho na sa barangay ang pinag-uusapan, wala ni isa sa inyo ang nasa barangay!” 

Advertisement

Ito ang dahilan upang ganoon niya na lang masabi ang kaniyang mga karanasan sa ilalim ng pamamahala ng barangay na ito. Tsinitsismis niya ang bawat kagawad lalo na ang kapitan dito sa kaniyang mga kumare dahilan upang palagi itong makumpara sa ibang barangay. Sa paraang iyon, bahagya niyang nailalabas ang mga hinaing sa kanilang barangay.

Ngunit, simula noong mag-pandemya, lalo siyang nabwisit sa kanilang barangay. Bukod sa napahigpit ng mga ito sa mga batas sa paglabas at pagsuot ng facemask, hindi nagagawan ng aksyon ang reklamo niya tungkol sa mga basurang palaging nakakalat sa tapat ng bahay niya.

“Aba, hindi porque bukana ang bahay ko, rito niyo itatambak ang mga kalat niyo! Mga baboy!” araw-araw niyang parinig sa kaniyang mga kapitbahay.

Ilang araw ang nakalipas, habang siya’y nagkakape sa tapat ng kaniyang bahay kasama pa rin ang kumare niyang palaging nakabuntot sa kaniya, laking gulat niya nang biglang tumigil sa harapan ng kaniyang bahay ang patrol ng barangay.

“Mukhang sila pa ang galit sa araw-araw kong pagbubunganga sa mga kalat ng kabarangay nila, ha?” wika niya nang bumaba mula roon ang kapitan, napansin niya kasing may hawak itong puting papel at may posas pa sa pantalon ang mga kasama nitong kagawad at tanod.

“Magandang umaga po, Aling Agnes,” bati nito, tumango lang siya bilang sagot, “Nandito po kami ngayon upang…” hindi niya na pinatapos ang sasabihin nito at agad siyang nagtaray. 

“Upang pagalitan ako sa pagdadakdak ko dahil sa mga basurang nakakalat sa tapat ko?” taas kilay niyang sagot dahilan upang mapakamot-ulo ito.

“Naku, hindi po. Nandito po kami upang humingi ng tawad sa pagpapatagal ng reklamo niyo. Masyado po kaming naging abala sa pagpaplano kung paano isasagawa ang isang malaking proyekto sa barangay natin,” paliwanag nito. 

Advertisement

“Anong proyekto ‘yan? Baka sa una lang na naman kayo magaling, ha?” mataray niyang tanong.

“Ay, hindi po, nagpaplano po kami na mabigyan ng buwan-buwang tulong ang mga katulad niyong solo-parent,” nakangiting sagot nito na labis niyang ikinagulat.

Pinaliwanag pa ng kapitang ito ang proyektong iyon at tuwang-tuwa siya sa sa benepisyong kaniyang makukuha.

Doon niya napagtantong may silbi pala ang mga opisyal ng barangay na namamahala sa kanila. Hindi porque hindi niya nakikita at napapansin ang mga kilos na ginagawa ng mga ito, hindi na ginagawa ng mga ito ang kani-kanilang mga trabaho.

Isang buwan lang ang nakalipas, tuluyan nang nagawa ang proyektong iyon. Nakatanggap siya ng pinansyal na tulong, bigas at iba pang grocery items na talaga nga namang nakatulong sa kaniya at sa anak niyang nag-aaral.