Sama-sama sa Iisang Bubong ang Magkakapatid na Ito, Delubyo ang Sinapit ng Kanilang Bunso

Sama-sama sa Iisang Bubong ang Magkakapatid na Ito, Delubyo ang Sinapit ng Kanilang Bunso

FamilyHeartbreakingStories

“Mahal ko, ala una na, wala pa tayong pagkain. Gutom na gutom na ang anak mo, o, naririnig ko na ang pagkulo ng tiyan niya,” daing ni Alisa sa asawa niyang nagtatrabaho sa kanilang silid. 

“Ay, sige, mahal, kumain na kayo roon. Nakabili na ako ng ulam kila Aling Landa, andoon na sa lamesa. Nakapagsaing na rin ako, kumain na kayo roon. Mamaya na lang ako kakain, pagkatapos ng trabaho ko,” malumanay na sambit ni Lando habang patuloy sa pagpipindot sa kompyuter na nasa harapan niya. 

“Wala namang pagkain sa lamesa, mahal, eh. Iyong kaldero naman, puro tutong na lang,” sagot ng asawa niya dahilan upang siya’y magtaka. 

“Anong wala? Hinanda ko ‘yon bago ako mag-duty, hanapin mo maigi baka nailigpit ni ate,” wika niya sa asawa na tila narinig ng nakatatanda niyang kapatid na dumaan sa kanilang silid. 

“Sa inyo ba ‘yong pagkaing ‘yon? Pasensya na, ha, pinakain ko na sa mga anak ko, akala ko nakakain na kayo,” sambit nito na ikinadismaya niya. 

“Ate, naman, huling pera ko na ‘yon, wala na akong pangbili ng pagkain namin,” sambit niya rito. 

“Edi mangutang kayo! Pahaya-haya kasi ang pagkain niyo, malay ko bang inyo ‘yon!” sigaw pa nito sa kaniya dahilan upang ganoon na lang siya mainis. 

Sama-sama sa iisang bubong ang pamilya ng padre de pamilyang si Lando pati ang pamilya ng dalawa niya pang kapatid. Lahat sila’y samasama sa bahay na kanilang kinalakihan. Malaki kasi ito at pinamana sa kanilang tatlo ng yumaong nilang mga magulang. 

Masaya naman siya sa piling ng kaniyang mga kapatid, mga pamangkin, mga hipag at bayaw noong mga unang buwan nilang samasama pamumuhay dito. Palagi silang may kasiyahan, palaging nagkukwentuhan at nagtatawanan ngunit nang tumagal tila naging bangungot para sa kaniya at sa mag-ina niya ang paninirahan dito. 

Dumalas kasi ang tampuhan nilang magkakapatid dahilan upang maapektuhan ang kani-kanilang mga pamilya. Nais man niyang bumukod na, wala naman siyang sapat na pera upang makabili o kahit mangupahan lang ng bahay dahil bukod sa maliit lang ang kita niya sa trabaho, baon pa sila sa utang dahil sa maraming dahilan. 

Kaya naman, upang makaraos sa buhay, pinagtiisan nilang mag-asawa ang pagtira rito kahit minsan, nawawalan sila ng makakain.

Noong araw na ‘yon, upang matugunan ang kumukulong tiyan ng anak, pinautang niya muna sa tindahan ang kaniyang asawa. 

Mabuti na lang agad na siyang sumuweldo kinabukasan dahilan upang agad niya itong mabayaran at magkaroon na ng pera pangbili ng kanilang mga pangangailangan. 

Pagkakuha niya ng pera, agad na niyang niyayang mamalengke ang kaniyang asawa upang bumili ng kanilang makakain sa loob ng dalawang linggo. Nagdala lang siya ng sapat na pera upang huwag nila itong magastos lahat. 

Nang mabili na nila ang lahat ng kanilang kailangan, agad na silang umuwi sa naturang bahay at ganoon na lang siya nanlambot nang makitang gulo-gulo ang kanilang mga gamit sa kanilang silid. 

Doon na siya kinabahan at agad na hinanap ang perang tinago niya sa damit ng kanilang anak. Katulad ng hinala niya, wala na roon ang kaniyang pera. 

Agad niyang tinanong ang dalawa niyang nakatatandang ate, pareho itong todo tanggi ngunit habang kumakain nang masarap na manok mula sa isang sikat na restawran dahilan upang ganoon na lang siya maiyak sa galit at pagkadismaya. 

“Kapag nagpapakabait talaga sa inyo, inaabuso niyo!” sigaw niya habang ineempake ang kanilang mga gamit. 

Doon na siya nagdesisyong umalis sa bahay na iyon. Hindi man niya alam kung saan sila pupunta ng kaniyang mag-ina, hindi niya na kaya ang makisama sa mga kapatid niyang mapang-abuso.

 Mabuti na lang at nabakante ang isang paupahan ng matalik niyang kaibigan at siya’y pinatuloy muna nito kahit wala siyang maibigay na pera. 

“Sa oras talaga ng pangangailangan, hindi mo pa kadugo ang tutulong sa’yo,” mangiyakngiyak niyang wika habang pinagmamasdan ang kaibigan niyang nagbubuhat ng kanilang mga gamit. 

Simula noon, bahagyang naging maalwan at tahimik ang buhay ng kaniyang munting pamilya. Bukod sa hindi na sila naaagawan ng pagkain, hindi pa sila nawawalan ng kahit anong gamit. 

Ilang linggo lang ang lumipas, nabalitaan niyang dinampot ng mga pulis ang dalawa niyang kapatid sa bahay na iyon dahil sa kasong pagnanakaw sa isang grocery store. Patuloy man siyang kinokontak ng mga ito upang humingi ng tulong, wika niya, “Kailangan niyong matuto, hindi habang buhay, kukunsintihin ng tadhana ang ugali niyo.” 

More Stories