
Nagalit ang Ginang sa Kaibigang Hindi Bumibili sa Kaniya, Nakonsensya Siya nang Malaman ang Dahilan sa Likod Nito
“Mars, tikman mo naman ‘tong gawa kong tocino, murang-mura lang ‘yan! Hindi ko pa tinipid sa sangkap! Makakarami talaga ng kain ang mga anak mo panigurado!” alok ni Marissa sa kaniyang kumare, isang tanghali nang makita niya itong nakatambay sa harapan ng bahay habang pinupusuran ang papasok na anak sa eskwela.
“Naku, pasensya ka na, ha? Nakabili na kasi ako ng pang-ulam, ito nga at nagyayaya nang kumain ang mga anak ko,” tanggi ni Olivia.
“O, edi pang-almusal niyo bukas! Ano, ilan sa’yo?” wika niya pa saka agad nang kumuha ng dalawang balot ng tocino sa bitbit niyang bag.
“Ay, hindi, hindi muna ako kukuha. Ayan, o, si Rita, hindi ba’t bespren mo ‘yan? Alukin mo, dali, siguradong walang lutong ulam ‘yan!” tugon nito saka tinuro ang matalik niyang kaibigang nasa tapat lang ang bahay.
“Ayoko, ni minsan hindi pa nabili sa akin ‘yan. Kapag inaalok ko, laging sinasabing wala siyang pera. Pero makikita kung saan-saan nakain kasama ang asawa niya!” pasigaw niyang sagot dahil sa pagkainis.
“Subukan mo pa rin kaya? Malay mo mayroon na siyang pera ngayon,” wika pa nito na ikinagalit niya.
“Ayoko nga! Kung ayaw mong bumili, huwag mo akong ituro sa iba! Pare-pareho kayo, hindi niyo man lang ako magawang suportahan sa negosyo ko!” bulyaw niya rito saka agad nang umalis sa bahay nito at inalok sa iba ang bitbit-bitbit niyang tocino.
Sa pagbebenta ng mga gawa niyang ulam tumutulong ang ginang na si Marissa sa mga gastusin nila sa bahay. Dinadala niya pa lang sa kaniyang sinapupunan ang panganay niyang anak nang magsimula siyang mahumaling sa pagtitinda ng kung anu-ano. Pulvuron at graham balls ang una niyang paninda noon. Bukod sa madaling gawin, mabili pa sa mga bata.
Dito niya naipon ang pinangpuhunan niya sa mas malaki pang negosyong naisip niya. Ginamit niya ang perang ito sa paggawa ng mga ulam na pupwede na agad iluto katulad ng tocino, longganisa, lumpia at embutido.
Laking tuwa niya naman dahil nagustuhan ito ng kaniyang mga kapitbahay at halos lahat ng alukin niya, agad na kumuha sa kaniya dahilan upang ganoon na lang siya makaipon ng pera para sa kaniyang buong pamilya.
Kaya lang, sa tuwing may tumatanggi sa alok niya, agad siyang nagtatanim ng sama ng loob sa mga ito. Partikular na sa matalik niyang kaibigang si Rita na simula pa noong una niyang pag-aalok, palaging hindi nabili sa kaniya.
Lalo pa siyang nagtatampo rito dahil nakikita niya sa social media account ng asawa nito na bukod sa kung saan-saang restawran kumakain ang mga ito, bumibili pa sila ng mga ulam na katulad ng binebenta niya sa ibang tao. Kaya simula noon, tinabla niya na rin ang kaibigan niyang ito.
Pagkalipas ng halos isang linggo, muli siyang naglako sa lugar ng kumareng tumanggi rin sa kaniya at sa kaibigan niyang ito. Wika niya pa bago pumasok sa barangay na tinitirhan nito, “Hindi naman kayo ang pupuntahan ko rito, marami pa akong suki!”
Ngunit, nang papalapit pa lang siya sa bahay ng kaibigan niyang si Rita, bulyaw ng asawa nito ang kaniyang narinig. Nakita niya ring nasa labas na ng bahay ang kumare niyang si Olivia at siya’y tinatawag.
“Dalian mo, Marissa! Hindi ba’t malapit ka rin naman sa asawa niya? Awatin mo naman, dali! Ang tagal ng mga tanod, eh, baka puro pasa na si Rita, kanina pa binubugbog ng asawa!” sigaw nito dahilan upang siya’y magdali-daling pumasok sa likod bahay nito.
Hindi na niya naisip na baka pati siya’y masaktan dahil sa kaniyang pagkataranta at pag-aalala sa matalik na kaibigan.
Tumambad sa kaniya ang kaibigang putok na ang mukha dahil sa mga suntok ng asawa. Agad niyang inawat ang lalaki ngunit pati siya, nagawa nitong itulak.
Doon na siya nakahablot ng babasaging vase at ito’y inihampas niya sa ulo ng naturang lalaki. Nang bahagya itong mahilo, agad na niyang tinakbo palabas ang humahagulgol na kaibigan.
Mabuti na lang at paglabas nila, saktong dating ng barangay dahilan upang agad na madampot ang asawa nito.
Hindi bumibitaw sa pagkakayakap sa kaniya ang kaibigan niyang ito habang binubulong sa kaniya ang mga katagang, “Salamat, sa wakas, makakawala na ako sa kaniya. Ginugutom niya ako at pinapakitang ayos kami sa social media,” dahilan upang labis siyang maawa sa kaibigan at makonsensya sa galit na agad niyang tinanim dito.
Simula noon, bukal puso niyang tinatanggap ang mga pagtanggi ng mga tao sa paninda niya. Doon niya napagtantong ganoon naman talaga ang sistema ng negosyo at wala siyang karapatang ipagpilitan ang paninda niya sa mga taong aalukin niya dahil ang mga ito’y may sari-sariling hamon sa buhay katulad niya.