Puro Paghihinala ang Ginang  sa Kaniyang Mister, Kabit Nga Kaya Nito ang Buntis na Kausap?

Puro Paghihinala ang Ginang sa Kaniyang Mister, Kabit Nga Kaya Nito ang Buntis na Kausap?

LoveMysteryStories

“Mabuti naman at umuwi ka na! Naaalala mo pa pala kami ng mga anak mo!” sigaw ni Olive sa kaniyang asawa, isang umaga nang ito’y biglang umuwi galing sa halos isang buwang trabaho. 

“Syempre naman, kayo kaya ang buhay ko! Kayo rin naman ang dahilan kung bakit ako nagtatrabaho,” nakangiting sagot nito saka siya akmang yayakapin. 

“Utot mo! Ang sabihin mo, gustong-gusto mo ‘yang trabaho mo para kung saan-saan ka nakakapuntang lugar! Syempre, kada ibang lugar, ibang babae ang makakasiping mo!” bulyaw niya rito habang todo iwas sa yakap nito. 

“Mahal, naman, ‘yan ba talaga ang isasalubong mo sa akin? Sasabihin mo talaga ‘yan sa harap ng mga anak natin?” tanong nito saka pinapasok sa kanilang silid ang dalawang musmos na anak. 

“Wala akong pakialam! Para malaman nila gaano ka kababaero!” sigaw niya pa rito dahilan upang ito’y mapabuntong hininga. 

“Ikaw lang naman ang babae sa buhay ko simula pa noong una, mahal, huwag ka na mag-isip ng kung anu-ano riyan. Gusto mo bang kumain sa labas?” alok nito sa kaniya na bahagya namang ikinatuwa ng ginang. 

“Ayoko,” pagmamatigas niya kunyari. 

“Dali na, magbihis ka na, babawi ako sa’yo. Saka na natin isama ang mga bata, mag-date muna tayo,” paglalambing nito dahilan upang siya’y tuluyang mapangiti. 

May bahay ng isang sundalong kung saan-saang lugar nadedestino ang ginang na si Olive. Masaya naman siyang natutugunan ng kaniyang asawa ang pangangailangan ng kanilang maliit na pamilya ngunit katulad ng ibang mga babae, hindi niya maalis sa isip na baka maghanap ng ibang babae ang kaniyang asawa kung saan man ito mapadapad. 

Lalo pa siyang nababaliw sa kakaisip sa kung anong ginagawa ng kaniyang asawa sa tuwing may makikita siyang mga ilaw ng tahanan na naglalabas ng sama ng loob sa social media dahil sa panloloko ng kani-kanilang mga asawa. Sa isip-isip niya, “Paano kaya kung niloloko na pala ako ng asawa ko? Ano kayang dapat kong gawin? Paano na ang mga anak namin?” dahilan upang ganoon na lang talaga siya maghinala sa kaniyang asawa. 

Kaya naman sa tuwing uuwi ito, katakot-takot na sermon ang inaabot nito sa kaniya. Kahit na wala pa itong ginagawang kalokohan sa kaniya simula nang sila’y pumasok sa relasyon, hindi niya pa rin magawang ibigay ng buo ang tiwala niya rito dahil sa mga bagay na tumatakbo sa isip niya sa tuwing wala ito sa piling niya. 

Agad siyang nagbihis noong araw na ‘yon pagkatapos lambingin ng asawa. Pagkatapos na pagkatapos niyang mag-ayos, agad na siyang inangkas nito sa kanilang motorsiklo. Nagyaya rin itong magpunta muna sa bangko upang magwithdraw ng pera. 

Habang nasa pila ng ATM machine ang kaniyang asawa, nakakita siya ng bilihan ng mga tusok-tusok dahilan upang saglit niya itong iwan at bumili ng pagkaing ito. 

Ngunit mayamaya, nakita niyang may kausap nang buntis na babae ang kaniyang asawa dahilan upang magmadali siyang maglakad pabalik doon. Narinig niya pang sabi ng babae, “Kailangan ko pa kasing magpatingin sa doktor,” dahilan upang tumaas maigi ang dugo niya at sigaw-sigawan ang kaniyang asawa. 

“Ano bang ikinagagalit mo, mahal?” tanong nito sa kaniya. 

“Maang-maangan ka pa? Sino ‘tong babaeng ‘to, ha?” galit niyang bulyaw dito dahilan upang sila’y pagtinginan na ng mga tao roon, “Hoy, ikaw, alam mo bang may asawa na ‘to, ha? Gusto mo bang tadyakan ko ‘yang tiyan mo nang wala ka nang mahabol sa asawa ko?” banta niya pa sa babae, ngumisi pa ito dahilan upang lalo siyang manggalaiti sa galit at ito’y sabunutan niya. 

Todo awat naman ang kaniyang asawa hanggang sa sigawan na siya nito, “Nakikiusap lang siya na paunahin ko sa pila dahil magpapatingin pa siya sa doktor!” dahilan upang siya’y bahagyang kumalma habang hihinha-hinga ang buntis na inaway niya. 

“Ah, eh, seryoso ka ba?” tanong niya sa asawa, umiiling-iling lang ito saka buong puso humingi ng tawad sa naturang buntis saka agad na silang umalis sa bangkong iyon. 

“Mabuti na lang at walang nangyaring masama sa buntis na iyon. Ikaw talaga, kakaisip mo, ayan ang nangyayari sa’yo, eh. Sinabi ko namang ibahin mo ako sa kanila, ikaw lang ang buhay ko pati ang mga anak natin,” pangaral ng kaniyang asawa dahilan upang labis siyang mahiya sa kaniyang ginawa. 

Simula noon, pilit niyang ikinalma ang isip kakaisip sa kung anu-anong bagay na hindi naman ginagawa ng kaniyang asawa dahilan upang lalo siyang mapamahal sa asawa at mapayapa ang kaniyang utak. 

More Stories