Ayaw Magpapalit ng Apelyido ng Dalagang Ito Kapag Siya’y Ikinasal, Tanggapin Kaya Ito ng Nobyo Niya?

Ayaw Magpapalit ng Apelyido ng Dalagang Ito Kapag Siya’y Ikinasal, Tanggapin Kaya Ito ng Nobyo Niya?

HeartbreakingLoveStories

“Hindi na ako makapahintay na pakasalan ka, Mary. Lalo na ngayong isa ka nang ganap na doktor! Isang karangalan na maidugtong ang apelyido ko sa’yo! Sobra kang nakakahanga!” sabik na sabik na wika ni Leo sa kaniyang nobya, isang araw nang dalawin niya ito sa ospital kung saan ito nagtatrabaho. 

“Sino naman nagsabi sa’yong ipapadugtong ko ang apelyido mo sa pangalan ko, ha? Pamilya mo ba ang nagkandakuba para mapag-aral ako? Ikaw ang nagsunog ng kilay at hindi nakatutulong nang halos isang linggo para makuha lang ‘tong propesyon na ‘to?” inis na sagot ni Mary habang nag-aayos ng dokumento ng kaniyang mga pasyente. 

“Hindi naman sa ganoon, mahal, ang akin lang, nakatutuwa na isang doktor ang mapapangasawa ko at magdadala ng apelyido ng pamilya namin. Pero lahat ng parangal, sa’yo nararapat,” malumanay na paliwanag nito sa kaniya. 

“Hindi nga ako papayag! Legal naman na hindi papalitan ang apelyido, hindi ba?” tugon niya rito dahilan upang ito’y mapaisip. 

“Ganoon naman kasi ang kagawian dito sa bansa natin, eh. Kaya akala ko, ayos lang sa iyo,” sagot nito na ikinataas ng kilay niya. 

“Lahat ng akala, mali! Saka, nakasisiguro ka bang gusto kitang pakasalan? Eh, hanggang ngayon, umaasa ka pa sa magulang mo!” sigaw niya rito dahilan upang maagaw niya ang pansin ng ibang nars na palakad-lakad doon, sa sobrang hiyang naramdaman ng kaniyang nobyo, napaupo lang ito sa tapat niya at tahimik siyang hinintay na kumalma. 

Simula nang maging isang ganap na doktor ang dalagang si Mary, bukod sa naging mapagmalaki siya sa sarili, bahagya pang nalayo ang loob niya sa binatang karelasyon niya sa loob ng sampung taon. 

Nakilala niya ang binatang ito nang siya ay patapos pa lang ng hayskul at simula noon, walang sawa na siyang inintindi nito at todo suporta sa lahat ng nais niya sa buhay. 

Sa katunayan, noong mga araw na nais na niyang sumuko sa pangarap niyang maging isang doktor dahil sa hirap at dami ng kailangan niyang pag-aralan at sauluhin para lang makapasa, ito ang naging sandalan niya. Tinutulungan siya nitong mag-aral at binibigyan talaga siya ng oras para lang maramdaman niyang hindi siya nag-iisa. 

Ngunit, nitong mga nakaraang araw, halos tatlong buwan simula nang makapasa sa bar exam ng pagdodoktor, tila lumayo ang loob niya rito.

Halos araw-araw kasi, tila ba pinaparamdam na nito na nais na nitong magpakasal na lingid sa kagustuhan niya dahil ayaw niyang magpapalit ng apelyido. Ang nais niya, makilala ng tao ang kagalingan niya bilang isang doktor sa orihinal na pangalan at apelyido niya. 

Bahagya rin siyang nabigla sa sinabi niya sa nobyo noong pagkakataong ‘yon, hindi niya lubos akalaing masisigawan at mapapahiya niya ito sa harap ng maraming tao. Pero wika niya, “Ayos lang naman siguro ‘yon, ayoko kaya sa lalaking palamunin. Lalo na isang doktor na ako, nararapat na isang doktor o mayamang lalaki rin ang pakasalan ko. Saka, ‘yong lalaking papayag na hindi idugtong ang apelyido niya sa akin!” dahilan upang siya pa ang hindi pumansin sa binatang iyon noong buong araw na ‘yon. 

Laking pagtataka niya dahil isang linggo ang lumipas simula nang masigawan niya ito, tila nagbago ang pakikitungo nito sa kaniya. Palagi lang itong tahimik tuwing siya’y ihahatid sundo nito sa ospital. Lalabas man sila para kumain, tahimik lang din ito dahilan upang kaniya na itong komprontahin. 

“Gusto mo na bang maghiwalay tayo?” diretsong tanong niya rito. 

“Gusto ko na. Tutal, wala ka namang planong pakasalan ako. Ayoko nang masayang ang araw at oras ko para sa babaeng ayaw naman sa akin,” sagot nito na ikinagulat niya. Hindi niya lubos akalaing magagawang sabihin ito ng lalaking pinakamamahal siya. 

“Oo, wala ka rin namang mapapala sa katulad kong palamunin. Pasensiya ka na, ha, nilaan ko kasi ang oras ko sa pagtulong sa’yo para maging isang ganap na doktor kaya ito ako ngayon, wala pa ring trabaho,” wika pa nito dahilan upang manumbalik lahat sa kaniya ang mabibigat na sakripisyong binigay nito sa kaniya. 

Walang kahit isang salita ang lumabas sa bibig niya noong oras na iyon. Labis lang siyang nabigla at natulala sa hindi inaasahang pangyayaring ito. Doon niya napagtantong hindi niya pala kayang mawala ang binatang ito ngunit tila huli na ang lahat dahil buo na ang desisyon nitong siya’y hiwalayan at magsimula nang ayusin ang sariling buhay. 

“Naubos ako habang pinupunan ko ang lahat ng pangangailangan mo, pasensiya ka na,” sambit nito saka siya tuluyang iniwan sa kapehang iyon. 

More Stories