Sa Tuwing Inuutusan, Nag-iinarteng may Sakit ang Dalagang Ito; Pagsisisi ang Naging Bunga Nito

Sa Tuwing Inuutusan, Nag-iinarteng may Sakit ang Dalagang Ito; Pagsisisi ang Naging Bunga Nito

FamilyKarmaStories

“Hoy, Ally, baka gusto mo namang bumangon d’yan at tumulong sa gawaing bahay! Alas tres na ng hapon, nakahilata ka pa rin d’yan! Ang dami-daming kalat sa paligid mo, o, hindi ka ba naalibadbaran?” bulyaw ni Mae sa kaniyang panganay na anak, isang hapon nang madatnan niya itong tulog pa rin.

“Eh, mama, ang sama-sama kasi ng pakiramdam ko, eh. Hinang-hina ako kanina pang madaling araw. Suka kaya ako nang suka kanina, hindi mo ba nararamdaman na pabangon-bangon ako, mama?” daing ni Ally habang nag-iinat-inat pa sa kaniyang higaan. Umaarte pa siya na tila hanggang ngayon, sumasakit ang kaniyang tiyan. 

“Paano ka hindi mararamdaman, Ally, ang ingay-ingay mo sa kusina! Sigaw ka pa nang sigaw d’yan habang nanunuod ng palabas ng mga koreano! Huwag mong idahilan ang kunyaring pagsakit ng katawan mo, ha! Ang sabihin mo, puyat ka lang at napakatamad mo talaga!” bulyaw nito sa kaniya habang binibihisan ang kaniyang dalawa pang nakababatang kapatid. 

“Mama, naman, eh. Iyon na nga lang ang libangan ko. Pasalamat ka nga, hindi ako tulad ng ibang kabataan na nagbibisyo!” sagot niya pa rito dahilan upang mandilim ang paningin nito sa kaniya. 

“Bisyo na rin ‘yang ginagawa mo dahil halos buong araw, nakatanghod ‘yang mukha mo sa selpon mo! Kumilos ka riyan, tatadyakan kita!” sigaw nito saka siya pinagsisisipa.  

“Ito na! Ito na!” sigaw niya saka padabog na naglipit ng kaniyang higaan. 

Sa tuwing uutusan ng kaniyang ina, palaging nagkukunwaring may sakit ang dalagang si Ally para lang makaligtas sa gawaing bahay. Kung ang pangkaraniwang panganay na ang anak ang siyang humahalili sa ina sa gawaing bahay, kabaliktaran ang kaniyang araw-araw na ginagawa. 

Sa katunayan, sa kaniya pa mas nangungunsumi ang kaniyang ina kaysa sa dalawa niyang nakababatang kapatid na tatlo at dalawang taong gulang.

Bibigyan lang ng kaniyang ina ang dalawang ito ng laruan at makakain at tatahimik na, pero siya, sandamakmak na sermon muna ang kailangan niya bago siya kumilos o bumangon mula sa kaniyang higaan. 

Nalulong kasi siya sa mga artista ng bansang Korea. Humaling na humaling siya sa mga teleseryeng pinalabas doon dahilan upang ito’y labis niyang pagtuunan ng pansin. 

Madalas, inaabot pa siya ng alas sais kakanuod ng mga palabas na ito. Ito ang dahilan kaya halos araw-araw, hapon na siya magising at hindi na makatulong sa gawain nila sa bahay. 

Ngunit kahit may oras siya kung minsan, katamaran naman ang umiiral sa kaniya at para makaligtas, kahit anong maisip niyang sakit, kaniyang idadahilan. 

Noong araw ding ‘yon, pagkatapos niyang kumilos nang kaunti sa bahay nila, muli na naman siyang nanuod ng teleserye hanggang sa inabot na naman siya ng madaling araw. 

Bandang alas dos ng madaling araw, nakaramdam siya ng gutom dahilan upang lantakan niya ang pagkaing nakita niya sa kaldero habang nanunuod pa rin. 

Nang makita niyang sikat na naman ang araw, doon na siya nagpasiyang magpahinga at mayamaya pa, muli na naman siyang ginigising na kaniyang ina. Sumisigaw na naman ito na alas tres na naman ng hapon. 

Ngunit, pagbangon niya, bigla umikot ang paningin niya at kumirot ang kaniyang tiyan dahilan upang siya’y bahagyang matumba. 

“Huwag mo akong artehan, Ally, maghugas ka na ng pinggan!” sigaw ng kaniyang ina sa pag-aakalang nag-iinarte na naman siya. 

“Mama, totoo na po ito, hindi ko na kaya…” wika niya saka na siya tuluyang nawalan ng malay. 

Paggising niya sa ospital, napag-alamanan niyang sira na pala ang nakain niyang pagkain at bukod pa roon, bumaba ang kaniyang dugo dahil sa labis niyang pagpupuyat dahilan upang siya’y mawalan ng malay. 

“Hija, kung ipagpapatuloy mo ang ganitong sistema ng pamumuhay, maaga kang mawawalan ng buhay,” sabi sa kaniya ng doktor dahilan upang labis siyang matakot at magdesisyong ibalanse ang oras niya sa buong maghapon. 

Naawa rin siya sa kaniyang inang lugmok na lugmok dahil sa pag-aalala sa kaniya, pag-aalaga sa kaniyang dalawang kapatid at pagbayad sa bayarin ng ospital dahilan upang maging desidido siyang bumawi rito. 

Simula noong araw na ‘yon, sinubukan niyang matulog ng maaga at magising ng maaga. Sa ganoong paraan, natulungan niya na ang kaniyang ina sa mga gawaing bahay, napalapit pa ang loob niya sa kaniyang mga kapatid. 

Natigil man ang kaniyang panunuod sa mga sinusubaybayan niyang palabas, nagkaroon naman siya ng oras para sa kaniyang pamilya na mas mahalaga kaysa sa pagkahumaling niya roon. 

Natutunan niya ring huwag gawing biro ang sakit na nararamdaman dahil maaaring hindi siya mapaniwalaan kapag totoong sakit na ang kaniyang maramdaman.

More Stories