Nagkukunwaring Ayos ang Mag-asawang Ito sa Tuwing Darating ang Anak; Nagulantang Sila nang Ito’y Mamalagi sa Bahay Nila

Nagkukunwaring Ayos ang Mag-asawang Ito sa Tuwing Darating ang Anak; Nagulantang Sila nang Ito’y Mamalagi sa Bahay Nila

FamilyLoveStories

“Darating ang anak mo, ano?” tanong ni Alfred sa kaniyang legal na asawa. 

“Oo, bakit?” tipid na sagot ni Daphne habang isinasalansan ang mga niluto niya para sa kanilang nag-iisang anak na may sarili ng bahay sa Maynila. 

“Wala, nagpapakitang gilas ka na naman, eh. Sandamakmak na putahe na naman ang niluto mo. Hanggang kailan ba tayo magpapanggap na maayos pa ang relasyon natin para lang huwag mag-alala ang anak natin, ha? Naaalibadbaran na ako sa tuwing nagpapanggap tayong naglalambingan,” wika pa nito dahilan upang mag-init ang ulo niya at padabog niyang mailapag sa lamesa ang tinimpla niyang inumin kanina. 

“Aba, nagrereklamo ka pa? Pasalamat ka nga, hindi ko pa sinasabi sa anak mo dahil kapag sinabi ko ang ginawa mong kalokohan sa aming dalawa, sigurado kamumuhian ka noon!” sigaw niya rito. 

“Ako lang ba ang nagloko, ha? Ikaw rin naman, hindi ba? Mas malala nga sa’yo dahil doon ka pa minsan natutulog sa bahay ng lalaki mo!” bulyaw nito sa kaniya dahilan upang lalo siyang manggalaiti rito. 

“Kaysa naman sa’yo na rito mo dinadala ang babae mo! Nakakadiri ka!” sigaw niya pa saka ito hinagisan ng basahang nahablot niya. 

“Lalo ka na!” sagot pa nito. 

“Mama, papa, nandito na po ako! May dala akong regalo para sa inyong dalawa!” masiglang sigaw ng kanilang anak na papasok sa kanilang bahay dahilan upang agad silang umarteng kalmado at masaya. 

Halos kalahating taon na ang nakalilipas simula mang masira ang pagmamahal ng ginang na si Daphne pati ng kaniyang asawa. Sa takot niyang baka maapektuhan ang kanilang nag-iisang anak, nakiusap siya sa kaniyang asawa na magkunwari silang maayos sa tuwing dadalaw ang kanilang anak upang huwag lang itong maapektuhan sa kalokohang nagawa nilang dalawa sa kanilang pamilya. 

Sa katunayan, hindi naman talaga nais ni Daphne na makipagrelasyon sa ibang lalaki at talikuran ang kaniyang mag-ama. Ginawa niya lang ito upang makausad sa buhay at upang makalimutan ang pagwawalang-hiyang ginawa ng kaniyang asawa. 

Ito kasi ang unang nagloko sa kanilang dalawa. Nag-aaral pa lang ang kanilang anak, marami na siyang nasasaganap na balitang may babae ito sa kabilang probinsya at isang araw, nahuli niya ito at siya pa ang pinahiya nito sa maraming tao. Para makaganti rito at makaramdam na rin ng kaginhawaan sa puso, siya rin ay pumasok sa panibagong relasyon hindi kalaunan.

At sa tuwing uuwi galing Maynila ang kanilang anak, gagawin nilang dalawa ang lahat upang huwag itong makaramdam. 

Noong araw na ‘yon, halos lumuwa ang kanilang mata nang makita ang bitbit-bitbit na gamit ng kanilang anak. 

“O, bakit ang dami mong dalang gamit? Dito ka ba tutulog ngayong gabi?” tanong niya rito nang makita ang dalawang maletang dala nito. 

“Hindi lang po ngayong gabi, kung hindi, isang buong buwan! Na-miss ko po kayo, eh! Sakto namang pupwede na akong magtrabaho sa bahay kaya ito, rito muna ako sa inyo!” sabik na sabik na sambit nito saka sila niyakap dahilan upang magtinginan na lang silang dalawang mag-asawa. 

Simula noong doon muli mamalagi ang kanilang anak, araw-araw silang nagpanggap na maayos ang kanilang relasyon. Natigil ang pagpunta niya sa kaniyang nobyo at pati na rin ang pagdadala ng kaniyang asawa ng ibang babae sa kanilang bahay. Bukod pa roon, araw-araw rin silang sabay-sabay na kumakain katulad noon at panay ang gala nilang pamilya dahilan upang ganoon na lang siya maramdam ng saya at bahagyang pangungulila sa kaniyang asawa. 

“Bakit ko naman ma-mimiss ang ganitong klaseng lalaki? Ayaw na nito sa akin, eh!” sambit niya sa sarili habang natutulog sa kaniyang balikat ang kaniyang asawa at panay kuha ng litrato ang kanilang anak na sinadyang tumigil sa pagmamaneho upang makuhanan lang sila ng litrato. 

Sa araw pa ng kanilang anibersaryo, pinaalala pa sa kanila ng kanilang anak kung paano sila nagkakilalang dalawa gamit ang mga litratong itinago nito sa mahabang panahon. 

“O, papa, ito ‘yong araw na unang labas niyo ni mama, hindi ba? Naku, kilig na kilig pa rin ako tuwing inaalala ko ang mga kwento mo kung paano mo nakuha ang sagot ni mama!” sambit pa ng kanilang anak dahilan upang sila’y magkatingin at pilit na ngumiti. 

Nang makatulog na ang kanilang anak noong gabing iyon, nagulat siya nang yakapin siya ng kaniyang asawa habang siya’y naghuhugas ng kanilang pinagkainan. Wika pa nito, “Na-miss ko ang masayang pamilyang mayroon tayo noon, huli na ba talaga ang lahat para sa atin?” dahilan upang agad na tumulo ang kaniyang luha at yumakap na rin sa kaniyang asawa. 

Simula noon, unti-unti nilang inayos ang nasira nilang pagmamahalan. Parehas nilang pinutol ang kani-kanilang koneksyon sa mga karelasyon at nagpatawaran. 

Doon napagtanto ni Daphne na hindi lang ang asawa niya ang may ginawang mali, kung hindi pati siya at laking pasasamalat niya dahil sa wakas, muli niyang nararamdaman ang tunay na saya at kapayapaan sa buhay. 

More Stories