Nambabae ang Lalaking Ito nang Madestino sa Maynila, Hindi Niya Inasahan ang Ganti ni Misis

Nambabae ang Lalaking Ito nang Madestino sa Maynila, Hindi Niya Inasahan ang Ganti ni Misis

FamilyHeartbreakingStories

“Ang lakas ng loob mong mambabae, ha! Ni wala ka na ngang maibigay na pera pang gatas at pang diaper ng anak mo, nagawa mo pang mambabae! Kaya pala halos isang daang piso na lang ang inaabot mo sa akin kada sahod mo dahil sa walang delikadesang babaeng ‘yon!” sigaw ni Emely sa asawa nang malaman niyang may ibang babae itong dinadala sa hotel malapit sa pinagtatrababuhan nito sa Maynila. 

“Pasensiya ka na, mahal, matagal na naman ‘yon, eh. Tinigilan ko na siya, pinutol ko na rin ang koneksyon ko sa kaniya. Patawarin mo na ako, pakiusap,” malumanay na tugon ni Edward habang hinihimas-himas ang kamay ng asawa. 

“Ano, gano’n-gano’n lang ‘yon? Matapos mong magpakasarap sa ibang babae, hihingi ka lang ng pasensiya tapos ayos na?” bulyaw pa nito habang umiiyak saka siya sinuntok-suntok sa dibdib dahilan upang siya’y mapatungo na lang sa labis na pagsisisi. 

“Inaamin kong nagkamali ako at nangangakong hindi na kailanman mangyayari ‘yon. Huwag ka na magalit. Ayokong mawala kayo ng mga bata, hindi ko kayang mabuhay nang wala kayo. Patawarin mo na ako,” wika niya pa rito saka niya ito sapilitang niyakap nang mahigpit. 

Nagawang mambabae ng padre de pamilyang si Edward noong siya’y madestino sa Maynila. Isa siyang construction worker ng isang sikat na kumpanya na gumagawa ng mga building at dahil sa galing niya, isa siya sa mga napiling ipadala sa Maynila upang gawin ang isa sa mga pinakamalaking hotel doon. 

Ngunit, dahil nga roon na siya tumitigil at kada kinsenas lang siya nagkakaroon ng pagkakataong umuwi sa kaniyang mag-iina, hindi niya napigilang hindi gumaya sa mga katrabaho niyang nag-iinom sa bar at nambababae kada tapos ng kanilang trabaho. 

Nguso pa ng mga ito, “Hindi naman nalalaman ng misis mo, eh, saka, ito na lang ang paraan natin para mabawi ang pagod natin kakatrabaho,” dahilan upang labis siyang matukso at gayahin ang maling ginagawa ng mga ito. 

Ngunit, hindi katulad ng kaniyang mga katrabaho, siya’y nahuli ng kaniyang asawa nang minsan niyang maiuwi ang resibo ng hotel na pinagdalhan niya sa babaeng nakursonadahan niya sa bar. Dito na ito nagsimulang magwala at nais na siyang iwan. 

Ito ang dahilan upang ganoon niya na lang gawin ang lahat upang makuha muli ang loob ng kaniyang misis at huwag ilayo sa kaniya ang dalawa niyang anak. 

Nakiusap na rin siya sa kaniyang amo na idestino na siya malapit sa kanilang lugar upang ganoon na lang mapanatag ang kaniyang asawa at para na rin maiparamdam niya rito na mahal niya talaga ito at siya’y nadala lamang ng tukso. 

Araw-araw niya itong binibilhan ng mga paborito nitong pagkain at kung minsan pa, kapag siya’y may sobrang pera, binibilhan niya pa ito ng bulaklak o kung hindi nama’y damit na labis na nagugustuhan nito. 

Sa halos dalawang buwan niyang panunuyo rito, sa wakas, muli na siya nitong napatawad at bumalik na ang dati nitong sigla sa kanilang relasyon. Palagi na siya nitong inaasikaso katulad ng dati na talaga nga namang nagbigay ng kasiyahan sa kaniya. 

Ngunit, halos isang buwan lang ang lumipas simula nang sila’y muling magkaayos, nagtataka siya sa kwento ng kanilang mga anak. 

“Papa, ang gaganda talaga ng bulaklak na pinapadala mo kay mama, ano? Lagi tuloy siyang nakangiti tuwing kausap ka sa selpon! Hanga talaga ako sa’yo, papa!” sambit ng panganay niyang anak dahilan upang siya’y mapaisip dahil halos isang buwan na rin simula nang hindi na siya bumili ng bulaklak para rito at lalo’t higit, hindi niya ito nakakausap sa selpon dahil siya’y abala sa pagtatrabaho. 

“Malabo, malabong lokohin ako ng asawa ko. Nasaktan ko siya pero hindi niya magagawang saktan ako at ang mga anak namin,” pangungumbinsi niya sa sarili, isang araw habang siya’y pauwi galing trabaho. 

Naabutan niyang tahimik ang kanilang buong bahay pagkauwi niya. Nang makita niya ang orasan, napagtanto niyang nasa paaralan pa ang kaniyang mga anak dahilan upang agad niyang hanapin ang kaniyang asawa. 

Narinig niyang may babaeng nagsasalita sa banyo dahilan upang ito’y pakinggan niya at doon na siya nanlamig nang marinig na may kausap na ibang lalaki ang kaniyang asawa. 

Agad niyang kinatok ang pintuan dahilan upang mapatahimik ito at dahan-dahang buksan ang pintuan. 

Doon na niya ito kinompronta at halos gumuho ang mundo niya nang agad itong umamin. 

“Hindi mo ako masisi, ikaw ang unang nagloko,” taas kilay na sambit nito saka siya iniwang ngumalngal doon. 

Ganoon niya na lang napagtantong tila ito ang karmang hatid sa kaniya ng tadhana sa pagtalikod sa kaniyang mag-iina noon. Pilit niyang ikinausap ang kaniyang asawa upang masalba ang kanilang nabuong pamilya ngunit tahimik lang ito habang umiiyak. 

Sising-sisi siya sa nagawa niya sa asawa na naging dahilan upang siya’y makaramdam din ng parehong sakit. 

More Stories