Hindi Matanggap ng Dalaga ang Pakikipaghiwalay sa Kaniya ng Nobyo, Nawindang Siya sa Litratong Nakita sa Internet

Hindi Matanggap ng Dalaga ang Pakikipaghiwalay sa Kaniya ng Nobyo, Nawindang Siya sa Litratong Nakita sa Internet

InspiringLoveStories

“Ano ba talaga ako sa buhay niya, ha, Jessica? Bakit ganoon niya ako kadaling palitan? Sabi niya sa akin, ako raw ang pinakamagandang babae sa buong mundo! Pinaka-sexy, pinakamabait at pinakamasipag! Pero bakit siya nakipaghiwalay sa akin para lang sa isang babaeng nakilala niya lang sa internet?” paglalabas ng sama ng loob ni Jaira habang umiiyak sa kaibigan, araw ng mga puso at sila ngayo’y nag-iinom sa paborito nilang bar sa Maynila. 

“Hindi ko rin alam, Jaira, akala ko rin kayo na talaga hanggang dulo, eh. Kahit ako, nalulungkot sa hiwalayan niyo at lalo’t higit, nasasaktan din ako sa sinapit mo ngayon,” tugon nito dahilan upang lalo siyang maiyak. 

“Nakakainis kasi ‘yong babaeng ‘yon, eh! Dati ko pa napapansin na palagi siyang nagkokomento ng puso sa mga post ni Jake! Sana pala noon palang, binalaan ko na ang babaeng ‘yon! Edi sana ngayon, masaya ang Valentine’s Day ko! Balak pa naman naming magrenta ng yate para sa araw na ito!” ngawa niya pa saka tinungga ang isang boteng alak dahilan upang mataranta ang kaniyang kaibigan. 

“Tama na, Jaira, ang dami mo nang nainom na alak. Tama na ‘yan, marami pang iba riyan, hindi lang si Jake ang lalaki sa buong mundo!” awat nito sa kaniya. 

“Si Jake lang ang gusto ko! Tumahimik ka riyan!” bulyaw niya rito saka niya ipinagpatuloy ang paglaklak sa alak na hawak niya. 

Hindi matanggap ng dalagang si Jaira ang pakikipaghiwalay ng limang taon niyang nobyo sa kaniya para lang sa babaeng nakilala lang nito sa social media. Hindi niya lubos maisip na magagawa ito ng binatang iyon dahil alam niyang lubusan siya nitong mahal. Ramdam na ramdam niya noon ang pagmamahal nito sa bawat aspeto ng pagkatao niya dahilan upang ganoon na lang siya madurog nang pino nang malaman niyang ito’y mayroon na agad na bagong nobya, isang araw matapos nitong makipaghiwalay sa kaniya. 

Lalo pa siyang nasasaktan dahil ang babaeng pinalit nito sa kaniya ay nakikita niya rin sa social media. Palagi pa itong nagpopost ng litrato kasama ang dati niyang nobyo dahilan upang magkahalong inggit at inis ang kaniyang nararamdaman sa bawat litratong nakikita niya. 

Kaya naman, upang ganoon na lang makalimot, niyaya niyang mag-bar ang kaniyang matalik na kaibigan sa araw ng mga puso. Laking tuwa niya namang nang ito’y sumang-ayon kahit na mayroon dapat itong lakad kasama ang nobyo nito. 

Ngunit, hindi niya akalaing sobra siyang malalango noong araw na ‘yon at siya’y magising na lang sa silid ng kaibigan niyang iyon. 

“Nakakagigil ka, alam mo ‘yon? Pinahirapan mo ako kagabi!” sigaw nito sa kaniya saka siya inabitan ng tsaa dahilan upang siya’y mapangiti nang bahagya. 

Habang siya’y nagpapahimasmas, naisipan niyang buksan ang kaniyang social media account. Ngunit imbis na umalwan ang loob, nainggit lang siya lalo sa mga magkarelasyong nagkalat ang litrato roon. Wika niya, “Maghihiwalay rin kayo!” 

At doon niya hindi sadyang makita ang larawan ng dati niyang nobyo at ng bago nitong nobya. Tila inalok na ng kaniyang nobyo ang dalagang iyon na magpakasal dahilan upang ganoon na naman siya humagulgol. 

“Hoy! Tatlong buwan pa lang ang nakalilipas simula nang-iwan mo ako, magpapakasal ka na agad!” sigaw niya dahilan upang humangos ang kaniyang kaibigan patungo sa kaniya. 

“Jessica, magpapakasal na siya! Sa loob ng limang taon naming relasyon, ni isang beses hindi niya nabanggit sa akin na gusto niya akong pakasalan!” daing niya sa kaibigan dahilan upang yakapin siya nito. 

“Wala tayong magagawa, Jaira. Sa babaeng ‘yan niya naramdaman ang bagay na iyan, eh. Mas maigi na nga na hiniwalayan ka niya kaysa patagalin niya ang relasyon niyo nang wala naman siyang balak na pakasalan ka. Tingnan mo, bago lang silang magkarelasyon pero agad niyang inalok ng kasal. May mga bagay talaga na hindi maibibigay sa’yo ng lalaki kapag hindi ikaw ang para sa kanila. Makakatagpo ka rin ng lalaking magbibigay sa’yo nang lubos na pagmamahal,” pangaral nito sa kaniya dahilan upang lalo siyang maiyak, “Simba tayo? Mas masarap maglabas ng sama ng loob sa Panginoon,” yaya nito sa kaniya na agad niyang sinang-ayunan kahit na magang-maga ang kaniyang mata. 

Sa harap ng altar, doon niya ikinumpisal lahat ng sakit na nararamdaman niya at mga katanungang hindi niya masagot. Wala mang berbal na sagot siyang natanggap mula sa Diyos, pakiramdam niya’y gumaan ang puso niya dahilan upang labis siyang magpasalamat. 

Wika niya, “Salamat po sa aral, Panginoon, ginagawa mo akong mas malakas,” saka siya nagdesisyong putulin lahat ng koneksyon sa lalaking iyon at sa mapapangasawa nito upang tuluyang makausad sa sarili niyang buhay. 

More Stories