
Malupit sa Matandang Kasambahay ang Ginang na Ito, Napagtanto Niya ang Halaga Nito nang Ito ay Mawala
“Ano ba naman ‘yan, manang! Hindi ba’t sabi ko sa’yo kahapon, linisin mo ‘yong sasakyan ko dahil aalis ako ngayon? Hindi ko tuloy magagamit ang paborito kong sasakyan! Ipagyayabang ko pa naman sana sa mga kumare ko ‘yan tapos ganyan ang itsura! Napakadumi! Nakakainis ka!” bulyaw ni Madeline sa matandang kasambahay, isang umaga nang tumambad sa kaniya ang nanlilimahid na sasakyang gagamitin niya sana ngayong araw.
“Pasensiya na po, madam, ang pagkakaintindi ko po kasi, ngayon ko po lilinisin,” nakatungong sagot ng matanda habang tarantang-tarantang hinahanap ang sapatos na susuotin niya.
“Kahit kailan talaga, tat*nga-t*nga ka! Sa tinagal-tagal mong katulong sa bahay na ito, walang araw na hindi ako naiinis sa’yo! Alam mo ba kung gaano kalaki ang nadulot ng kapalpakan mo ngayon? Nawalan na ako ng ganang umalis at ikakansela ko na ang pagkain namin sa mamahaling restawran ng mga amiga ko!” bulyaw niya pa rito saka inihagis dito ang sapatos na inabot nito.
“Pasensiya na po talaga, madam, kung gusto niyo po lilinisin ko na po agad para makaalis na po kayo,” alok nito na lalo niyang ikinainis.
“Ilang minuto mo pa ‘yan lilinisin? Alam mong ayokong pinaghihintay ako!” sigaw niya pa saka muling inihagis dito ang kabilang pares ng sapatos.
“Pasensiya na po talaga, madam, hindi na po mauulit,” sagot nito habang pinupulot ang binato niyang sapatos.
“Kung wala kang magagawang mabuti, umalis ka na rito! Tutal, matanda ka na rin naman at wala nang ginawang tama!” bulyaw niya pa saka padabog na umakyat sa kaniyang silid.
Malupit sa matandang kasambahay ang ginang na si Madeline. Halos ilang dekada na itong naninilbihan sa kaniya ngunit hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo niya rito. Palagi kasi itong pumapalpak at kailangang paulit-ulitin ang pag-uutos dito upang magawa lang nito nang tama ang utos niya na labis niyang ikinaiinis.
Ito ang dahilan upang halos araw-araw, umalingawngaw sa napakalaki niyang mansyon ang sermon niya sa matandang ito na walang ginawa kung hindi ang intindihin siya at magpakumbaba.
Ilang beses man niyang sinabihan ang matandang ito na umalis na sa kaniyang bahay dahil sa mga kapalpakan nito, palagi itong lumuluhod sa harapan niya upang maipagpatuloy lang ang paninilbihan sa bahay na ito. Pagmamakaawa pa nito, “Kailangang-kailangan ko po nang pagkakakitaan, madam, para sa dayalisis ng asawa ko, huwag niyo po akong tanggalin sa trabaho, pakiusap po,” dahilan upang ito’y pagbigyan niya.
Naiintindihan niya naman kasi na may katandaan nito, ngunit, hindi niya mapigilan na ito’y sigawan at pagbuhatan ng kamay lalo’t higit kapag malaki ang epekto ng nagawa nitong kapalpakan.
Noong araw na ‘yon, bago siya tuluyang makapasok sa kaniyang silid, narinig niyang may nabasag sa harapan ng bahay niya kung saan niya iniwan ang matanda at ganoon na lang umapoy ang ulo niya nang makita niyang nabasag nito ang mamahaling vase na binili niya pa sa abroad.
“Diyos ko! Alam mo bang mahal pa sa buhay mo ‘yan? Lumayas ka na talaga rito, buo na ang desisyon ko!” sigaw niya rito saka pumunta sa silid nito at pinagtatapon ang mga gamit nito sa sobrang inis na nararamdaman niya.
Mangiyakngiyak na pinulot ng matanda ang mga gamit na hinagis niya palabas saka tuluyan nang umalis sa kaniyang mansyon na labis niya namang ikinatuwa noong mga unang araw na wala ito sa kaniyang pamamahay.
Ngunit, isang linggo lang ang nakalipas, agad na niyang naramdaman na hindi niya kayang mag-isa sa malaking mansyon na iyon. Ni hindi niya alam kung saan nakalagay ang kaniyang kutsara at tinidor, hindi alam kung nasaan ang remote ng napakalaki niyang telebisyon, hindi niya kayang linisin mag-isa ang kaniyang buong bahay na araw-araw inaalikabok at hindi hindi niya matiis ang init habang nililinis ang mamahalin niyang sasakyan dahilan upang agad siyang maghanap ng papalit sa naturang matanda.
Pero kahit taasan niya ang alok sa mga kasambahay na nakikita niya sa internet, ayaw ng mga ito lalo na nang malaman kung gaano kalaki ang bahay niya.
Ito ang dahilan upang hanapin niya muli ang matandang iyon.
“Ayos nang mainis araw-araw, huwag lang mapagod araw-araw, sayang ang ganda ko!” wika niya habang binabaybay ang lugar kung saan ito nakatira.
Nadatnan niyang nag-aalaga ng asawa ang matandang ito at nang kausapin niya ito upang muling bumalik sa bahay niya, wika nito, “Nalalabi na lang ang araw ng asawa ko, sabi ng doktor sa center, pipillin ko nang mahirap kasama siya, kaysa magkaroon ng pera bago siya mawala. Hindi ko na rin kaya, madam, ang sakit ng mga salitang binibitawan mo. Mas mataas nga ang estado mo kaysa sa akin pero tao rin ako katulad mo,” na labis niyang ikinakonsensya.
Simula noon, ginawa niya ang lahat upang makabawi sa naturang matanda. Binibigyan niya ito ng sahod kahit hindi na ito nagtatrabaho sa kaniya, bukod pa ang ibinibigay niyang pampagamot sa asawa nito na himalang gumaling dahil sa dekalibreng doktor kung saan niya ito pinatingin dahilan upang labis itong matuwa sa kaniya at muling magdesisyong siya’y pagsilbihan.
Ganoon niya napagtantong malalaman talaga ng isang tao ang halaga ng isang bagay o tao kapag ito’y nawala na.