Sinadyang Ihuli ng Barbero ang Senior Citizen Dahil sa Paghingi nito ng Discount, Ikinagulat Niya ang Totoong Katauhan Nito
“Magkano ang gupit dito, Hijo?” tanong ng isang matandang pumasok sa barber shop na pinapasukan ni Wally. “Welcome po! 50 pesos lang po Tay, presyong masa na po!” magiliw niyang tugon sa matanda. “Wala ba kayong discount sa senior?” Napasimangot agad si Wally sa muling katanungan ng matanda. Ang ayaw niya sa lahat ay yung kuripot na customer, “Wala Tay. Hindi applicable sa shop namin ang senior discount.” Bahagyang nalungkot ang matandang lalaki, “Ganoon ba? Doon kasi sa isang shop, maaari. Kaso sarado sila ngayon.” “Edi doon ka ho sana nagpagupit,”sa isip-isip pa ni Wally. “Ang aga-aga, may nagkukuripot na namang customer,” bulong ni Wally sa ginugupitan niya. “Hayaan mo na. Ganyan talaga ang matatanda. Sulit na sulit ang senior citizen discount nila.” Napapailing na lamang siya. Maya-maya’y may nakita siyang bumabang lalaki mula sa magarang kotse. Nagtungo ito papasok sa kanilang shop, “Welcome po! Papagupit, Sir?” Ngumiti nang bahagya ang lalaki, “Oo, marunong ka ba ng gupit na 2 by 3?” “Ay oo naman po, Sir. Kayang-kaya ‘yan! Wait lang, Sir. Sunod na kayo,” ika niya habang nakikitang inaantok-antok ang matanda sa upuan nito. Sa isip niya’y hindi baleng maghintay ang matandang ‘yun, sigurado namang mas may matatanggap siyang tip sa bagong dating na lalaki. “Upo kayo dito, Sir.” Hindi pa rin nagigising ang matanda sa pagkakaidlip. Inumpisahan niya nang gupitan ang mayamang lalaki. Binigyan niya pa ito ng maalwang masahe. “Okay na, Sir.” “Okay, salamat. Magkano?” tanong nito sa kanya. “50 pesos lang, Sir. Presyong pang-masa,” aniya sa pag-aasam na bibigyan siya nito ng maganda-gandang tip. Ngunit sa kanyang pagkadismaya ay saktong singkwenta pesos lang talaga ang iniabot ng lalaki. “Ano ba ‘yun? De-kotse pero nagkuripot? Kaganda-ganda pa naman ng gupit ko sa kanya!” aniya habang patungo sa upuan ng matandang mukhang kagigising lang. “Tay, ikaw na. Halika na ho dito.” “Ah ako na ba. Nakatulog pala ako. Ang tagal kasi,” angal pa ng matanda. Hindi na niya sinagot ito. Sa isip niya’y wala siya sa mood upang makipagbiruan pa dito. Hindi ba naman siya nakakuha ng inaasam na tip mula sa lalaki kanina. Inuumpisahan niya nang gupitan ang matanda nang biglang dumating ang amo niya. “Boss! Bakit naparito po kayo?” Ngumiti ito sa kanya, “Ah, susunduin ko lang ang tatay ko.” Nagtaka siya, “Sino po, boss?” Nakangiti pa rin ito nang ituro ang matandang ginugupitan niya. Gulat na gulat siya, “Ay si boss po pala ang anak niyo. Kaya pala gwapo rin kayo Tay.” “Ay sus, nambola ka pa,” masayang wika rin ng matanda. Sa isip niya’y bakit kaya nanghingi pa ng discount ang matanda kanina kung sa kanila naman pala ang barbershop na iyon. Nang matapos niya itong gupitan ay inabutan siya nito ng tip, “Naku Tay, huwag na po!” “Ay hindi tip ito, hijo. Ito oh,” inabot nito sa kanya ang maliit na papel. Ito ‘yung napansin niyang sinusulatan ng matanda kanina. Hinintay niya munang umalis ito kasama ang kanyang boss bago niya basahin ang nakasulat. Magiliw ka sa mga customers mo. Pero sana sa susunod, unahin mo kung sino ‘yung naunang dumating. Isa pa, applicable sa shop natin ang senior citizen discount, in case na hindi nasabi sayo ng anak ko. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.