Nagpanggap ang Amang OFW na Naaksidente Upang Makatakas sa Responsibilidad sa Kanyang Pamilya, Kakaibang Sakrispisyo ang Ginawa ng Anak para sa Kanyang Ina
“Sabihin niyong nagbibiro lamang kayo, Julio! Sabihin niyong hindi totoong naaksidente ang asawa ko!”
Iyak nang iyak si Vilma sa anunsyong inihatid ng kasamahan ng asawa. Nasangkot raw kasi ito sa isang malaking aksidente na naging dahilan upang hindi nila ito makausap nang maayos.
Nag-aalala rin si Clarence sa ama dahil sa narinig. Pinagdarasal niya na sana’y okay lang ang kalagayan nito. Hindi niya na hihilingin ang cellphone na gusto niya, ang mahalaga sa kanya’y buhay at maging maayos ang lagay ng papa niya.
“Kailan ko pwedeng makausap si Cleo? Pwede niyo ba akong balitaan kung sakaling nakakapagsalita na siya ng maayos?”
“Oo, Mrs. Martinez pangako tatawagan ka namin agad kapag umokey na ang lagay ng asawa mo,” pangako ng kasamahan ng papa niya.
Ngunit ang pangakong iyon at ang paghihintay nila ay inabot ng hanggang tatlong buwan na walang balita mula sa ama, kahit sa mga kasamahan nito.
Palaging patay ang cellphone ng kanyang ama, samantalang hindi naman sumasagot sa tawag ang mga kasamahan nito. Alalang-alala na ang kanyang ina. Halos mabaliw na nga ito kakaiyak gabi-gabi. Awang-awa na rin siya sa sitwasyong nakikita dito.
Kaya naman siya na ang gumawa ng paraan. Tinawagan niya ang agency ng kanyang ama upang malaman kung ano na talaga ang lagay ng ama sa Saudi.
“Anong pangalan ng tatay mo?” tanong ng staff ng agency.
Binigay naman ni Clarence ang buong pangalan ng kanyang ama. Pinaghintay siya nito ng ilang minuto at maya-maya lang ay dala na ang record ng ama, “Si Celo Martinez…”
Nag-isip pa ito habang ini-scan ang computer, “Okay naman siya. Nagrereport siya sa pagpasok niya. Bakit? Ano daw problema?”
Gulat na gulat siya sa narinig. Hindi niya mapaniwalaan ang sinabi ng babae, “Sigurado po kayo? Hindi po ba ibang tao ‘yang sinasabi niyo?”
Ngunit nanindigan pa rin ito sa sinabi, “Ito oh, litrato ng tatay mo, ibig sabihin records niya ‘yan. Malakas na malakas siyang nagtatrabaho ngayon.”
Dahil doon ay halos kamuhian ni Clarence ang amang nagsinungaling sa kanila. Bukod pa doo’y naisip niya ang naging sitwasyon ng gabi-gabing pag-iyak ng kanyang ina dahil sa kasinungalingan nito.
Sa pangyayaring iyon ay napagtanto niyang hindi na dapat sila umasa pa sa kanyang ama. Kinausap niya ito ng huling beses at lalo siyang nagalit nang sabihin nitong may bago na umano itong pamilya sa ibang bansa.
Kaya naman tumayo nalang siya sa sariling mga paa at binuhay ang kaawa-awang ina. Tila sa isang iglap ay naging pasanin niya ang kanyang pamilya. Ngunit wala siyang reklamo doon. Ang tanging nasa isip niya ay ang kapakanan at kaligayahan ng pinakamamahal niyang nanay.
Nagpalipat-lipat siya ng trabaho. Minsan ay tinatanggap niya ang mga alok na raket ng kanyang mga kaibigan kahit hirap na hirap siyang pagkasyain ang kanyang oras.
Sumailalim sa depresyon ang kanyang ina dahil sa lubos na pangungulila sa kanyang ama. Malamang ay alam na nito ang tunay na nangyari ngunit hindi nito matanggap ang naging kapalaran nila. Nawalan na ng gana ang kanyang ina na mabuhay. Nakatunganga na lamang ito sa kanilang bahay, ayaw na kumilos at hindi narin makausap ng maayos.
Durog na durog ang puso niya sa tuwing uuwi siya ng bahay at masisilayan lamang ang pagdurusa ng ina na wala nang sigla. Hindi siya titigil, pangako niya sa sarili niya iyon. Ipagagamot niya ang kanyang mama. Babalik ito sa dating sigla at magiging masaya ulit sila. Kahit mahal ang gamutan ay igagapang niya.
Hanggang sa isang kakilala ang nag-alok sa kanya ng modeling job. Magpo-pose lamang daw siya para sa isang photoshoot at kikita na siya ng malaki. Ito na marahil ang hinihintay niyang pagkakataon upang mapagamot ang kanyang ina.
Dumating siya sa lugar na pinag-usapan. Pagpasok niya ay nagtaka siya kung bakit parang hindi isang photo studio ang kanyang napasukan. Nagulat siya nang isang lalaki ang umakbay sa kanya at tinangkang hawakan ang maseselang bahagi ng kanyang katawan. Nanlaban si Clarence. Hindi ito maaaring mangyari, may inang naghihintay sa kanya sa kanilang tahanan. Hindi maaaring may mangyaring masama sa kanya.
Nahablot niya ang vase nang itulak siya sa sofa ng lalaki. Ihinampas niya ito sa ulo ng lalaki na agad nawalan ng malay. Doon siya kumaripas ng takbo.
Doon umigting ang galit niya sa ama. Hindi sana mangyayari ang lahat ng ito kung hindi ito nagloko. May tatay sana siya na matatakbuhan. May tatay sana siya na reresbak sa lalaking nagtangkang humalay sa kanya. Pero wala, may iba na itong pamilya.
Dahil sa karanasang ito ay lalo siyang nagpakatatag. Bumangon siya at lalong mas pinagbuti ang pagtatrabaho. Hindi kalaunan ay nakaipon siya ng pagpapagamot ng ina at nagawa din nitong tanggapin ang pag-iwan ng asawa sa kanila. Humugot sila ng lakas sa isa’t isa at di kalaunan ay nakapagpatayo ng isang maliit na restaurant.
Hindi nila kinailangan ang presensya ng taong umiwan sa kanila upang magtagumpay. Ang isa’t isa ang puhunan nila.