Isang Pasahero ang Biglang Sumigaw sa Loob ng Bus at Sinabing Pumanaw na ang Anak Nito, Isang Aral ang Natutunan ng Ibang Pasahero sa Kanya
“Kainis naman! Siksikan na naman sa bus!” reklamo ni Jimuel sa isipan. Napasakay na naman kasi siya sa bus na punuan at tayuan. Halos araw-araw ay ganito ang kanyang tema. Hindi niya malaman kung bakit hindi na gumanda-ganda ang pwesto niya sa bus. Palagi na lamang siyang nakatayo at nakikipagsiksikan sa kapwa-pasahero. Bukod doon ay palagi pa siyang nale-late sa trabaho dahil sa traffic. Ngunit ngayong araw ay naiiba kumpara sa mga natural na araw niya noon bilang pasahero. Ngayon kasi’y may isang estrangherong nakasakay rin at nakatayo na biglang nagsalita nang malakas. “Ang ganda ng araw!” Tinginan agad ang mga tao sa lalaking nasa harapan. Wala naman palang kasama ito at tila kinakausap ang lahat ng pasahero. Ngiting-ngiti pa ito habang pinapalipat-lipat ang tingin sa mga pasahero. “Noong isang araw kasi namatay ang bunso ko.” Gulat na gulat ang mga tao sa sinabi ng lalaki. Ang iba’y pinagtawanan pa ito dahil sa inakalang nababaliw na ito. “Bakit nangingiti ka pa manong, kung kamamatay lang pala ng anak niyo?” tanong ng isang nagtatakang pasahero. Ngumiti, ngunit kita sa mukha ng lalaki ang pait na nadarama pa rin, “Napakasakit pa rin para sa akin ng pagkawala ng aking bunso. Pero masaya na rin ako dahil sa kabila ng mga paghihirap niya sa sakit niya noon, ngayon ay magaan na ang pakiramam ko sa kaalamang wala na ring paghihirap na nararamdaman ang aking inosenteng anak.” “Para sa akin hindi nararapat ang sakit na sinapit niya sa murang edad,” malungkot na patuloy ng lalaki. Ngunit agad din itong ngumiti pagkatapos, “Kaya ang araw-araw para sa akin ay napakaganda. Alam kong pinagmamasdan ako ngayon ng pinakamamahal kong bunso mula sa langit.” Wala ‘ni isa sa mga pasahero ang nakapagsalita sa sinabi ng estranghero. Kahit siya mismo ay namangha sa mga sinabi nito. “Pagmasdan niyo ang kapaligiran,” patuloy pa rin ng lalaki. “Napakaganda ng mga tanawing ginawa ng Diyos, hindi ba? Ngunit sa kabila noon ay makikita niyo rin ang mga pulubi at mga taong naghihikahos sa buhay.” Napanganga si Jimuel habang pinagmamasdan ang mga tanawing sinasabi ng matanda. Hindi niya namalayang napaluha na pala siya sa mga nakikita. “Kaya sana’y huwag tayong magreklamo sa mga simpleng problema na pinagdaraanan natin ngayon. Dahil kung malalaman natin ang totoong problema ng mga taong iyon,” tukoy niya sa mga pulubi sa labas, “Manliliit ang mga problema natin sa mga pinagdaraanan nila. Kaya ngiti na mga kababayan, hindi ikawawala ng traffic at siksikan ang pagsimangot niyo.” Napangiti ang lahat sa sinabi ng lalaki, lalo na si Jimuel. Simula noon, kapag sumasakay siya sa bus na punuan at siksikan ay hindi na pagkairita ang nadarama niya, kundi ang kaisipang maswerte siyang nilalang. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.