Inday TrendingInday Trending
Napahiya ang Ginang nang Marinig ang Panalangin ng Sariling Anak Matapos Niyang Itaboy at Murahin ang mga Namamalimos na Bata

Napahiya ang Ginang nang Marinig ang Panalangin ng Sariling Anak Matapos Niyang Itaboy at Murahin ang mga Namamalimos na Bata

“Bili na po kayo ng sampaguita, sampung piso lang po.” Hindi pinansin ni Aling Lolit ang batang nagtitinda ng sampaguita. Naniniwala kasi siya na modus lang ang ginagawa ng mga batang ito. Kaya kahit kailan ay hindi siya nagbigay ng pera sa mga ito. Ngunit sadyang makulit ang bata at hinabol pa talaga siya at ang anak niya papasok ng simbahan, “Sige na naman po, pambaon lang po ng kapatid ko. Parang-awa niyo na po.” Nainis siya sa kakulitan ng bata, “Ano ba hijo? Ang kulit-kulit mo ah! Hindi ka ba makaintindi ng hindi bibili? Mahirap na, tanga pa!” Maya-maya’y dumating pa ang nakababatang kapatid nito. Puro uhog ang mukha at halos nahuhubo na ang shorts sa sobrang kapayatan. “Hindi na lang ako papasok, kuya. Huwag ka na magtinda. Pahinga ka naman po,” ika ng mas batang lalaki sa kapatid. Paalis na sana siya nang makita ang kanyang pitong-taong gulang na anak na titig na sa dalawang bata. Tila naku-curious ito sa nakikita. Kaya naman agad niyang hinila palayo ang anak na hindi pa rin mawala ang tingin sa mga ito. “Huwag mong intindihin ang mga ‘yan, anak. Puro modus lang ang mga ‘yan!” Kaya naman tuluyan niya na itong hinila papasok ng simbahan. Habang nasa misa ay tahimik lang ang anak niya at tila kay lalim ng iniisip. Hanggang sa oras na ng pagdarasal. Inalalayan niya ang anak na lumuhod at magdasal. Inuumpisahan niya na rin ang taimtim na panalangin nang bigla niyang marinig ang dasal ng kanyang anak, “Lord, sana po okay lang yung mga bata sa labas. Sana rin po mabenta na ni kuya yung mga sampaguita niya para may pambaon ang kapatid niya.” Lumambot ang puso ni Aling Lolit sa seryoso at taimtim na panalangin na iyon ng kanyang musmos na anak. Hindi niya lubos-akalaing ito pa ang mas nakaalala sa mga batang iyon sa labas ng simbahan. Kaya naman paglabas nila ng simbahan ay agad hinanap ng mga mata niya ang dalawang musmos. Napangiti siya nang makita niya ang mga ito sa gilid. Ngunit tila biniyak agad ang kanyang puso nang makitang nakatitig lang ang panganay na lalaki sa kapatid niyang bunso na mag-isang kumakain. Kaya naman agad niyang nilabas ang mga binili niyang pagkain at lumapit sa dalawa. “Pasensya na kayo kanina, hijo,” napalingon ang mga ito sa kanya. “Ito tanggapin niyo ang mga pinamili ko. Sana makatulong sa inyo kahit papaano.” Nag-abot rin siya ng pera sa dalawang bata. Tuwang-tuwa naman ang mga ito at labis-labis ang pasasalamat sa kanya. “Maraming salamat po!” Napangiti siya at gumaan ang pakiramdam, “Walang anuman. Mag-iingat kayo dito at palaging magdarasal ah?” Tumango ang mga ito at muling nagpasalamat. Sa kanilang paglalakad ay napalingon siya sa anak na kanina pa pala nakangiting nakatitig sa kanya, “Mama, thank you po!” “Para saan, anak?” “Kasi ikaw po ‘yung angel na sumagot sa wish ko,” nakangiting wika nito. Bahagya niyang ginulo ang buhok nito, “Ikaw ang totoong angel ko, anak.” sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.

Advertisement