Nawasak ang Tirahan ng Guro Dahil sa Malakas na Bagyo, Isang Sakripisyo ang Ginawa ng mga Estudyante Para sa Kanya
Si Mrs. Robles ay isang dakilang guro ng paaralang elementarya sa bayan ng Cavite. Masasabing dakilang guro siya dahil ang mga estudyanteng tinuturuan niya ay mga batang may special needs. Hindi lamang mahabang pasensya ang kinakailangan sa propesyong ito kundi pati na rin dedikasyon at pagmamahal sa trabaho. Kaya naman hindi na nagawa pang bumuo ng sariling pamilya ng guro. Magsasampung taon na siya sa trabaho at kailanman ay hindi tumangkilik ng kahit sinong manliligaw. “Sapat na sa akin ang mga estudyante ko,” palagi niyang bukambibig sa kanyang kapwa-guro. “Magsisilakihan rin yang mga estudyante mo. For sure, makakalimutan ka rin nila pagka-graduate nila,” palagi ring paalala ng kaibigan niyang si Grace na teacher din sa parehong paaralan. Hindi siya nakikinig sa anumang negatibong sinasabi ng iba. Ang mahalaga sa kanya’y mahal niya ang trabaho niya at inaalay niya ang buong buhay sa mga batang tinuturuan niya. Ngunit sadya nga ‘atang kay-lupit ng tadhana dahil isa ang bahay niya sa mga tinamaan ng matinding bagyo sa buwan ng Hunyo. Unang araw palang ng pasukan. Kaya naman nagpaalam siya sa principal nila na hindi muna siya makakapasok ng isang linggo. “Hinahanap ka ng mga estudyante mo,” ika ng matandang principal. “Pasensya na po. Sirang-sira po kasi ang bahay ko. Kapag nakaluwag-luwag po ako dito, papasok din po ako agad.” “Okay, walang problema.” Problemado si Mrs. Robles sa sitwasyon niya ngayon. Babae pa man din siya at walang alam sa pagkukumpuni ng tahanan. Kaya naman napilitan siyang ilaan ang kaunting ipon niya upang ipagpagawa ng bahay. Nang matapos kumpunihin at ibalik sa dati ang bahay niya ay halos na wala nang natira sa kanyang ipon. Hindi pa man din bayad ang pag-leave niya dahil nagamit niya na ito noong isang buwan. Hindi malaman ni Mrs. Robles kung saan mangungutang ng pera, “Bahala na.” Pinilit niyang pumasok pa rin sa eskwela kahit wala siyang pangkain. Naglakad na lamang siya at naging dahilan iyon ng pagka-late niya pa rin sa klase. Mabuti nalang at malalambing pa rin sa kanya ang mga estudyante niya at isa-isa siyang niyakap. “Nakakawala naman kayo ng pagod,” nakangiti niyang bati sa mga ito. “Teacher!” sigaw ni Shawn, estudyante niya. Nagulat siya nang may iabot itong envelope sa kanya, “Ano ito, Shawn?” “Bukas! Bukas teacher!” Binuksan niya nga ito at ganoon nalang ang pagkagulat niya nang makita ang kumpon ng pera sa loob ng envelope, “Saan galing ito?” “Inipon nila ‘yan Mrs. Robles,” ang principal nila ang sumagot. Nagulat siya sa biglang pagdating nito, “Po?” “Tuwing uwian ay nagtitinda sila ng palamig sa labas. Hindi ko alam kung paano, pero tila naramdaman nila ang pangangailangan ng guro nila.” Naiiyak na niyakap ni Mrs. Robles ang kanyang mga estudyante, “Salamat mga anak. Hindi ko lubos maisip kung gaano ako kaswerteng guro sa inyo.” “We love you, teacher!” sabay-sabay na tugon ng mga estudyante niya. sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.