Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Chef ng Isang Mamahaling Restawran nang Subukang Magbigay ng Suhestiyon ng Kanilang Crew; Hindi Niya Akalaing Iyon pa ang Ikagaganda ng Kainan Nila

Nagalit ang Chef ng Isang Mamahaling Restawran nang Subukang Magbigay ng Suhestiyon ng Kanilang Crew; Hindi Niya Akalaing Iyon pa ang Ikagaganda ng Kainan Nila

Isa na namang matumal na araw para sa kainang pinagtatrabahuhan ni Aling Chona, ang pinakamatandang crew sa restaurant na iyon. Mag-iisang buwan nang halos hindi dinadayo ng mga kostumer ang kanilang kainan lalo pa nang mag-umpisang pumatok ang mga kainang sikat at galing sa ibang bansa. Kinakabahan na ang lahat ng mga kapwa empleyado ni Aling Chona sa kainang ’yon. Paano’y usap-usapang malapit na raw itong magsara dahil bankrupt na raw ang may-ari.

Isang araw habang nagma-mop si Aling Chona ng sahig sa loob ng kanilang kainan ay nakita niyang basta na lamang iniwan ng isa sa kanilang mga kostumer ang pagkaing in-order nito, hindi pa man ito nangangalahati sa kaniyang kinakain. Agad na napakunot ang kaniyang noo. Bigla siyang napatanong sa kaniyang sarili kung bakit nga ba palagi na lang gan’on ang ginagawa ng kanilang mga kostumer. Sa totoo lang ay araw-araw silang nagtatapon ng napakaraming tirang pagkain sa basurahan na palagi na lamang pinanghihinayangan ng ginang.

Nilapitan niya ang mesang kinalalagyan ng tirang pagkain ng kanilang kostumer at pasimple niyang tinikman ang putaheng in-order nito—at napangiwi siya nang kaniya itong malasahan! Matabang!

Sa ilang buwan nang pagtatrabaho ni Aling Chona sa kainang ito ay ngayon niya lang natikman ang pagkaing inihahain nila sa kanilang mga kostumer. Pumunta si Aling Chona sa kanilang kusina at doon ay nagmasid. Tiningnan niya ang mga ingredients na ginagamit ng kanilang Chef sa pagluluto ng mga pagkain. Agad na napakunot ang noo ng ginang nang kaniyang makitang artipisyal na sangkap ang karamihan sa mga ginagamit sa kanilang mga putahe… ngayon niya lamang iyon napansin dahil hindi pa siya naa-assign sa paglilinis dito sa kanilang kusina. Alam na ni Aling Chona ngayon kung ano ang problema’t inaayawan ng kanilang mga kostumer ang kanilang mga paninda.

Dating may-ari ng isang patok na karinderya ang pamilya nina Aling Chona sa kanilang probinsya kaya naman marami siyang alam pagdating sa pagluluto ng mga pagkain. Hindi man siya nag-aral sa eskuwelahan ng tungkol dito ay busog na busog naman siya sa aral ng kaniyang mga karanasan pagdating sa pagluluto.

Matapos iyon ay nagpasya si Aling Chona na puntahan ang kanilang chef na nang mga sandaling iyon ay nagpapahinga. Anak ito ng may-ari ng restaurant kaya naman may sarili itong opisina sa loob ng magarang kainang ’yon.

“Sir, p’wede po ba kayong makausap? May gusto lang po sana akong ibigay na suhestiyon para sa ikagaganda ng restaurant natin,” tanong ni Aling Chona matapos siyang paunlakang pumasok ng kanilang chef sa opisina nito.

Agad na napakunot ang noo nito. “Ano naman ’yon, Chona?” medyo galit na tanong nito sa kaniya. Mukhang mainit ang ulo nito, ngunit ganoon pa man ay nagpatuloy pa rin si Aling Chona.

“Sir, napansin ko po kasi na karamihan sa mga ginagamit n’yong sangkap sa pagluluto ay puro mga artipisyal. Sa tingin ko po ay mas makakamura tayo at mas sasarap pa ang ating inihahaing mga putahe kung mas pipiliin nating gumamit ng mga natural na sangkap lang. Iyong mga sariwa’t hindi hinaluan ng kemikal,” lakas-loob na sabi pa ni Aling Chona.

Ilang sandaling namagitan sa kanila ang katahimikan, ngunit maya-maya ay nabasag din iyon sa pamamagitan ng paghampas ng kanilang chef sa mesa nito. “Tinuturuan mo ba ako sa trabaho ko?” may himig ng galit na tanong nito.

“N-naku, hindi po, sir! Suggestion lang naman po iyon, e. Hindi ko po intensyon na turuan o pakialaman po kayo,” sabi pa ni Aling Chona ngunit sa huli ay galit pa rin siyang pinalabas ng opisina ng kanilang chef.

Nang gabing ’yon ay halos hindi makatulog ang naturang chef sa sinabi sa kaniya ng isa sa kanilang mga empleyadong si Aling Chona. Dahil doon ay naisipan niyang i-check ang resumé na ipinasa nito at doon ay napag-alaman niyang may-ari pala ang pamilya nito ng isang karinderya sa probinsya. Nang mag-check siya sa internet ay doon niya napag-alamang dinarayo pala ng mga turista ang kainang pagmamay-ari ng pamilya nito.

Dahil doon ay nakumbinsi siyang bukas ay sundin ang sinasabi ni Aling Chona. Nanghingi siya ng pasensya dahil nagalit siya sa pagbibigay nito ng suhestiyon. Sinimulan ng chef na baguhin ang paraan niya ng pagluluto ayon na rin sa payo ni Aling Chona.

Hindi akalain ng chef na makalipas lamang ang isang linggo ay muli nang nakilala ang kanilang kainan. Tinuruan din kasi siya ni Aling Chona ng ilang mga recipe na alam nito at dahil doon ay nagpasya sila ng kaniyang ama na gawin na lamang itong business partner. Bukod doon ay katulong na rin niya ito sa pagluluto sa kusina. Napagtanto ng chef na hindi naman pala masamang tumanggap ng suhestiyon ng iba, lalo na kung galing ito sa sarili nilang karanasan.

Advertisement