Inday TrendingInday Trending
Dahil Walang Kuryente sa Bahay ay Ilaw sa Daan ang Nagsilbi Niyang Tanglaw sa Kaniyang Pag-aaral; Pinagtatawanan Tuloy Siya sa Eskuwelahan

Dahil Walang Kuryente sa Bahay ay Ilaw sa Daan ang Nagsilbi Niyang Tanglaw sa Kaniyang Pag-aaral; Pinagtatawanan Tuloy Siya sa Eskuwelahan

Pagpasok pa lang ni Allen sa kanilang classroom nang araw na iyon ay agad niyang namataan ang dalawa sa kaniyang mga kaklaseng sina Kian at Jed. Kilalang sanggang-dikit ang dalawang ito sa labas man o sa loob ng kanilang eskwelahan, lalo na pagdating sa pambu-bully.

Kagabi, pagkatapos mag-sideline ni Allen sa pagtatapon ng basura ng mga tindero sa palengke, sa may bayan, ay nagpasiya siyang gumawa na rin ng assignment doon. Tamang-tama dahil dala naman niya ang kaniyang mga gamit sa eskuwela. Pumuwesto siya sa tapat ng isang poste ng ilaw na may pinakamaliwanag na tanglaw at doon ay nagbasa siya ng libro at nag-umpisang magsagot ng kaniyang takdang aralin. Wala kasing kuriyente sa kanilang bahay dahil wala pa silang pambayad sa pagpapakabit ng kuntador. Bukod doon ay masiyadong malamok at mainit sa kanila kaya naman mas ginugusto ni Allen na sa ilalim na lamang ng mga poste ng ilaw sa daan siya magsagot ng kaniyang mga takdang aralin. Malamok pa rin naman, pero mas malamig ang simoy ng hangin at hindi siya magugulo ng ingay ng kaniyang mga kapatid at ng mga utos ng kaniyang amang walang ibang ginawa sa buhay kundi ang mag-inom ng alak.

Sa kalagitnaan ng pagsasagot ni Allen ng kaniyang assignment ay hindi sinasadyang namataan siya nina Kian at Jed habang naglalakwatsa ang mga ito sa daan. Agad siyang nilapitan ng mga ito upang usisain kung ano ang kaniyang ginagawa at hindi na nakaiwas pa si Allen dahil huli na nang mapansin niya ang mga ito.

“Bakit dito ka nagsasagot, Allen?” tanong ni Kian sa kaniya. Bakas ang nakalolokong ngisi sa labi. Mukhang may hindi magandang iniisip.

“Oo nga. Wala bang kuryente sa inyo at dito ka sa poste ng ilaw gumagawa niyan?” segunda naman ni Jed kahit na ang totoo ay alam naman ng mga itong totoong wala silang supply ng kuriyente sa bahay.

Hindi nakasagot si Allen nang mga sandaling iyon. Napayuko na lang siya. Doon ay nag-umpisa nang maghagikhikan ang kaniyang mga kaeskuwela.

Ganoon muli ang naging tugon ni Allen nang makitang naghahagikhikan ang mga kaeskuwela. Nahihiya siya. Bagaman alam niyang ’di hamak naman na may ibubuga siya sa mga ito pagdating sa akademiya ay hindi niya pa rin maiwasang maawa sa sarili habang iniisip na pinagtatawanan ng mga ito ang estado ng kanilang pamumuhay.

Dumating ang kanilang guro. “Okay, class, magsiupo na ang lahat at may ia-announce ako sa inyo,” agad na sabi nito na agad namang tinalima ng buong klase. Kilala kasing terror ang teacher na ito.

“Lahat ng mga pangalang babanggitin ko ay ang mga pangalan ng estudyanteng magsisipagtapos ngayong darating na graduation. Ibig sabihin n’on, kapag hindi ko nabanggit ang inyong pangalan ay babalik kayo sa susunod napasukan, dahil hindi kayo ga-graduate ngayong taon. Kapag tinawag ko na ang pangalan n’yo, please stand up…” saad pa ng kanilang guro bago ito nagsimulang magtawag na ng mga pangalan.

Hanggang sa natawag na ang halos lahat ng mga pangalan, ngunit ang pangalan nina Kian at Jed… pati na rin ni Allen… ay hindi pa!

Agad na nanlumo si Allen sa nalaman. Nagtataka siya kung bakit hindi kasama ang pangalan niya sa mga ga-graduate ngayong taon gayong halos lahat naman ng nakuha niyang marka simula noong first quarter ay mataas!

“Mr. Allen Barrientos,” dinig niyang tawag ng kaniyang guro. “Congratulations, ikaw ang valedictiorian para sa batch na ito. Students, please give him a round of applause!”

Hindi makapaniwala si Allen sa sunod na tinuran ng kanilang guro habang nakangiti ito at pinapalakpakan siya, kasabay ng kaniyang mga kapwa estudyante! Halos maiyak siya sa isiping makukuha niya sa kanilang darating na pagtatapos ang pinakamataas na karangalang maaaring makatulong sa kaniya upang makakuha siya ng full scholarship mula sa kanilang munisipyo para sa kolehiyo!

Matapos ang palakpakan ay pinaupo na ulit silang lahat ng kanilang guro, habang sumunod naman nitong pinatayo ang ngayon ay namumutla nang sina Kian at Jed.

Anang guro sa dalawang pasaway na estudyante, “Kian Collarin… Jed Asuncion… I’m sorry but you failed to pass this school year. Hindi kayo makaka-graduate ngayong taon. Kung gusto akong makausap ng inyong mga magulang ay naroon lamang ako sa faculty room until 5 pm today. Willing akong ipaliwanag sa kanila ang mga dahilan kung bakit hindi kayo ga-graduate.”

Matapos ang pag-aanunsyo ng guro ay umalis na rin ito. Naiwang tulala sina Kian at Jed dahil sa balitang kanilang natanggap, samantalang ang inaapi at kanina’y pinagtatawanan naman nilang si Allen ay masayang-masaya dahil nagbunga na ang lahat ng kaniyang mga pagsisikap.

Advertisement