Sobra ang Pagkahumaling ng Dalaga sa Pagbabasa ng Romance Books; Pati Tuloy sa Tunay na Buhay ay Nangingibabaw na ang Kaniyang Imahinasyon
Humahagikhik na naman nang mag-isa si Dolly. Habang nakahiga sa bandang itaas ng kanilang double deck ay kaharap na naman niya ang napakaraming romance books na halos araw-araw na rin naman niyang pinagpupuyatan simula nang mag-break sila ng kaniyang kauna-unahang nobyo—si Thelmo—na minahal niya nang todo, ngunit nalaman niyang niloloko lamang pala siya.
Nawiwirduhan namang nagkatinginan na lamang ang kaniyang mga dorm mates na sina Mirasol at Georgia. Kaharap ng mga ito ang kanilang ginagawang homework at hindi sila makapag-focus dahil sa paulit-ulit na paghagikhik na naririnig nila mula kay Dolly.
“Nababaliw na naman ’yang si Dolly sa binabasa niya,” bulong ni Georgia kay Mirasol bago naipaikot ang kaniyang mga mata sa ere, tanda ng kaniyang pagkairita.
“Naku, hayaan mo na. Alam mo namang ’yan na lang ang paraan niya para makalimutan si Thelmo, e,” sabi naman ni Mirasol.
Napangiwi naman si Georgia sa narinig. “Bakit? Hindi pa ba nakaka-move on ’yan? Gosh, it’s been five months! Marami pang lalaki riyan, ano!” aniya pa. Magkahalong awa at inis ang nararamdaman sa kaibigang si Dolly.
“Hoy, pinagchi-tsismisan n’yo na naman akong dalawa riyan!”
Nilingon nina Georgia at Mirasol ang kaibigang hindi nila napansing nakadukwang na pala mula sa itaas ng double deck na siya nitong tulugan. Namataan nilang nakalabi ang dalaga’t sinisimangutan sila dahil pinag-uusapan nila siya.
“E, kasi naman ikaw, baliw na baliw ka na riyan sa binabasa mo! Kung nag-i-entertain ka sana ng bagong manliligaw imbes na binuburo mo sa pagbabasa ’yang sarili mo, e ‘di mas mabilis kang makaka-move on doon sa ex mong manloloko!” Ipinagkrus pa ni Georgia ang kaniyang mga braso. Lalo namang nanghaba ang nguso ni Dolly sa panenermon ng kaibigan.
“Alam mo, Dol,” tawag naman ni Mirasol sa kaniyang palayaw, “tama naman si Georgia, e. Huwag mong ikulong ang sarili mo rito habang nagpapaka-hopeless romantic ka sa pagbabasa ng mga romance books. Lumabas ka at mag-enjoy rin minsan,” mahinahon pang segunda ni Mirasol.
“Grabe naman kayo sa akin!” Nginiwian ni Dolly ang kanyang mga kaibigan. “May bagong boyfriend na kaya ako!” Nagulat ang dalawa sa sumunod na tinuran niya.
“Weh?!” sabay pang sabi nila dahil pareho silang hindi makapaniwala.
“Oo kaya! At ‘di hamak na mas guwapo, mas mayaman at mas makisig pa si Lyndon kaysa sa ex kong ’yon!” sabi pa ni Dolly.
May pagdududa man noong umpisa ay naging masaya na lamang sina Mirasol at Georgia para kay Dolly. Kalaunan ay nakumbinsi na rin naman sila na mayroon na nga itong bagong nobyo dahil halos araw-araw ay nakikita nila itong may kausap sa chat. Minsan nga ay ipinapabasa pa sa kanila ni Dolly ang mga mensahe ng nobyo nitong si ‘Lyndon’ na simula nang araw na iyon ay lagi na ring bukambibig ni Dolly.
Ngunit habang tumatagal ay muli na namang nabubuhay ang pagdududa ng dalawa tungkol sa ’di umano’y bagong boyfriend ni Dolly nang makalipas ang lima pang buwan mula nang sabihin nitong may bago na itong boyfriend ay hindi pa rin nito iyon nakikita. Dahil doon ay nag-umpisa na silang mag-imbestiga tungkol sa lalaki sa takot na baka naloloko na naman ng lalaki ang kanilang kaibigan… ngunit imbes ay nadiskubre nila ang sikretong itinatago ng dalaga… na ang boyfriend nitong si Lyndon ay hindi totoo at isa lamang itong karakter sa librong kinahuhumalingan ni Dolly! Bukod pa roon, nadiskubre din nilang si Dolly lamang din ang gumagamit ng account ng ’di umano’y boyfriend nito upang i-chat ang kaniyang sarili!
Imbes na magalit ay mas nangibabaw ang pag-aalala nina Mirasol at Georgia para kay Dolly, lalo na nang mapansin nilang maging ang dalaga ay naniniwala na rin sa sarili nitong kasinungalingan! Naiinis na kasi ito kapag minsan ay mabagal ’di umanong nagre-reply sa kaniya si Lyndon. Bukod doon ay umiiyak din ito kapag sila ay nag-aaway kunwari ng kaniyang nobyo at kinikilig kapag sinusuyo ng imaginary boyfriend niya!
Doon na nakumpirma nina Mirasol at Georgina na kailangan ni Dolly ng tulong. Hindi lang ng tulong nila kundi ng tulong mula sa mga propesyonal. Pinilit nila si Dolly na magpatingin sa isang psychiatrist at doon ay napag-alaman nilang nagkaroon nga ito ng isang uri ng mental disorder dahil sa sobrang sakit na naranasan nito nang mag-break sila ng una niyang nobyo.
Mabuti na lamang at nariyan sina Mirasol at Georgina na siyang tunay na mga kaibigan ni Dolly. Handa nilang suportahan ang kaibigan at iparamdam na hindi siya nag-iisa dahil sapat ang pagmamahal na matatanggap niya tulad ng pagmamahal na kaya niyang ibigay. Hindi nila iniwan si Dolly bagkus ay mas pinahalagahan nila ang dalaga hanggang sa tuluyan na siyang gumaling.