Sikat ang Babaeng Ito Dahil sa Taglay Niyang Alindog; Sa Isang Pagkakamali, Lahat ng Ito ay Mawawala sa Kaniya
Hinahangaan ang babae ng lahat pati na ng kaniyang mga kaibigan at mga naging kaklase simula pa noong siya ay hayskul pa lamang. Ubod ba naman kasi ng ganda, kinis, at puti ang dalagang si Ann! Kaya halos lahat ay kinagigiliwan siya.
Lahat ng social media platforms ay ginagamit niya upang makapanghikayat ng mga tao na hahanga sa kaniya at doon na rin siya kumikita ng pera para buhayin ang sarili at ang kaniyang pamilya. Hindi naman sila mahirap at hindi rin naman mayaman, sakto lamang na mayroon silang pang araw-araw na pagkain kahit na lumaki siyang walang sariling ama.
Subalit lingid sa kaalaman ng lahat na pineperahan din ni Ann ang mga lalaking umaaligid sa kaniya. Sa tuwing nakukuha na niya ang mga mamahaling bags at mga sapatos, iniiwan na niya ang mga iyon. Sanay na rin siya dahil mula noong siya ay hayskul pa lamang, marami nang nagkakandarapa sa kaniya. Katuwiran naman niya, minamahal naman talaga niya ngunit hindi pa raw niya nakikita ang perpektong lalaki para sa kaniya!
Isang umaga, habang naglalakad papasok sa isang gusali si Ann, abala siyang pumipili ng litrato na kaniyang ilalagay sa mga social media niya. Nang bigla na lamang natapakan ng kaniyang alalay ang damit na suot suot niya. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang mapunit iyon. Nang oras din na iyon, kumunot ang kaniyang noo at nagsalubong ang kilay. Dito na nagsimula ang paninigaw ang pagmumura niya sa kaibigang si Shiela.
Nalimutan na ata niyang kaibigan niya iyon at hindi lamang alalay. Ang akala ng lahat ay mabuting tao si Ann. Ngunit sa mga taong tunay na nakakakilala sa kaniya, isa iyong malaking kasinungalingan, dahil maldita at palamura pala ang tunay niyang pagkatao.
Hindi rin naman naiiwasan ang mga taong naninira sa kaniya. Mga taong maraming komento, mga walang ibang sinasabi kundi mga masasakit. Subalit sanay na sanay na si Ann dito. Ginagamit pa nga niya ang mga komento na iyon upang magpaawa at mas lalong magkaroon ng marami pang mga taga-hanga.
Parati siyang sikat at viral sa mga social media. Halos lahat ay nais siyang makita o makausap man lang. Kaya naman halos wala nang pribado sa buhay ni Ann. Ang pagiging may kaya ang kaniyang laging sinasabi kaya naman maraming humahanga sa kaniya dahil nagmula raw siya sa wala at ngayon ay marami nang narating. Subalit ang malaking tanong, mayroon na nga ba siyang narating?
Sira na ang kaniyang araw dahil sa nangyari. Ngunit patuloy pa rin ang palabas ng kaniyang mala-inosenteng ngiti sa nakararami. At sa tuwing tatalikod siya, sisimangot at ilalabas ang tunay na pagkainis sa kaniyang kaibigan.
“Kailan ba matatapos ‘to? Ang tagal tagal naman! Nakakairita na! Sabihin mo nga hindi maayos ang pakiramdam ko nang matapos na ‘to!” pagmamataas niya kay Shiela na agad namang sumunod.
Nang kinagabihan na iyon, pinauna na ni Ann si Shiela sa kaniyang condo at nakipagkita siya sa bago niyang nobyo. Ganito naman ang kaniyang gawain. Sa umaga, trabaho at pagpapalabas lamang, sa gabi naman ay puro gimik na parang walang nakakakilala sa kaniya. Buong gabi ay inilabas ni Ann ang kaniyang galit sa pag-inom at pagsayaw sa isang bar hanggang siya ay malasing.
Nagising si Ann sa isang silid ng isang hotel na walang saplot. Hindi na bago ito sa kaniya kaya naman madali niyang iminulat ang mata at tiningnan ang kaniyang selpon. Ngunit bumulaga sa kaniya ang mga trending na larawan niya na siya ay walang saplot! Pati na mga larawan niyang nag-iinom at nagpapakasaya.
Madaling-madali si Ann na nag-ayos ng sarili habang iniisip kung paano malulusutan ang isyu na iyon. Habang palabas sa garahe ng hotel, bigla na lamang may bumuhos ng napakainit na likido sa kaniyang mukha at dito na siya tuluyang nawalan ng malay.
Pagkagising ni Ann, ramdam niya ang mga benda sa kaniyang mukha at una niyang nasilayan si Shiela na kaniyang kaibigan. Dito nagwala si Ann at pinaghahampas ang sarili matapos niyang alalahanin ang nangyari. Halos gumuho ang kaniyang mundo nang malaman na asido pala ang ibinuhos sa kaniyang mukha. Dagdag pa rito ang samu’t saring paninira at pambabastos sa kaniya sa social media.
Hindi na nagkaroon pa ng lakas ng loob ang dalagang si Ann na humarap muli sa madla. Kung noon ay ibinibida niya ang sarili na maraming mga taong humahanga, ngayon ay wala na ni isa ang nanatili sa kaniyang tabi kundi ang kaibigang si Shiela pati na ang kaniyang pamilya. Todo todong kahihiyan ang nangyari sa kaniya kasabay nito ang pagkawala ng kasikatan at kaniyang natatanging kagandahan.
Natutunan ni Ann ang leksiyon na lahat ng bagay na mayroon tayo ay maaaring mawala sa isang iglap lamang. Ang magtatagal at mananatili lamang ay ang mga taong tunay na nagmamahal at nakakakilala kung sino talaga tayo. Kaya naman lagi sana tayong maging mabuti sa ating kapwa, lalo na sa mga taong palaging nakasuporta sa atin anuman ang mangyari.