Inday TrendingInday Trending
Lumalaki na ang Bill sa Ospital ng Kaniyang Maysakit na Mister Kaya Lakas-Loob na Humingi ng Tulong ang Misis sa Kaniyang Amo; Hindi Siya Makapaniwala sa Paratang Nito sa Kaniya

Lumalaki na ang Bill sa Ospital ng Kaniyang Maysakit na Mister Kaya Lakas-Loob na Humingi ng Tulong ang Misis sa Kaniyang Amo; Hindi Siya Makapaniwala sa Paratang Nito sa Kaniya

“’Nay, anong gagawin natin? Hirap na hirap na si Tatay…”

Alalang-alala na rin si Aling Teresita sa kondisyon ng kaniyang mister na si Mang Carding, na dinadalahit ng pneumonia. Nasa ospital sila ng mga sandaling iyon.

Ngunit pinili ni Aling Teresita na magpakatatag. Siya ang inaasahan ngayon na sandigan ng kaniyang mga anak.

Habang tumatagal ay lumalaki ang bayarin nila sa ospital. Maliit lamang ang suweldo ni Aling Teresita sa pabrika ng handicraft na kaniyang pinapasukan. Baon na baon na rin siya sa pagbale o cash advance at tiyak na hindi na siya pahihintulutan.

“Gagawan ko nang paraan, mga anak. Huwag kayong mag-alala. May awa ang Panginoon, hindi Niya tayo pababayaan.”

Kaya naman, dahil wala nang mapamilian ay naglakas-loob na si Aling Teresita na makiusap sa kanilang boss na si Emil na personal siyang makabale o makahiram ng pera dito.

“Sir Emil, magandang umaga po sa inyo… talagang kayo po ang sadya ko rito,” hiyang-hiyang sabi ni Aling Teresita sa kanilang boss. Abalang-abala ito sa ginagawa sa kaniyang laptop.

“Naku, mukhang alam ko na ang sadya mo rito. Narito ka ba para bumale? Sa pagkakaalam ko ay isa ka sa mga pinakamaraming empleyado rito na may mahabang listahan ng utang sa kompanya. Paano ka makakasiguro ngayon na mababayaran mo ako?” malamig na sabi ni Emil. Nakatuon ang mga paningin nito sa ginagawa sa laptop at hindi man lamang matapunan nang sulyap ang kaawa-awang trabahador.

“Parang awa na po ninyo sir, walang-wala na po kasi kaming pera. Hindi na po namin alam kung paano pa kami makakabayad sa bill pa lamang po sa ospital,” pagmamakaawa ni Aling Teresita sa amo.

“Bigyan mo nga ako ng dahilan kung bakit kailangan kitang tulungan?”

Gulat na gulat si Aling Teresita sa tila kawalang-puso ng kanilang amo.

“Sir, halos 15 taon na po ako sa pabrika na ito. Hindi naman po akong naging pasaway na empleyado sa inyo. Nakakagawa naman po ako ng trabaho ko at nakakasabay sa quota. Napatunayan ko na po ang loyalty ko sa pabrika.”

“Pag-iisipan ko. Ipapatawag na lamang kita. Bumalik ka na sa trabaho mo,” sabi na lamag ng boss na si Emil.

Walang nagawa si Aling Teresita kundi ang maghintay at umasang tutulungan siya ng kanilang amo.

Makalipas ang ilang oras, nagulat na lamang si Aling Teresita nang humahangos na lumabas ng kaniyang opisina si Emil at magtungo sa kaniyang puwesto. Dinig na dinig nang lahat ang mga sinabi nito.

“Teresita, ikaw lang ang pumasok na ibang tao sa loob ng opisina ko magmula pa kanina. Ilabas mo ang pera ko! Alam kong gipit ka pero hindi sapat na dahilan iyan para pagnakawan ako!” pambibintang ni Emil.

Napahinto ang lahat sa kani-kanilang mga ginagawa at napatingin ang mga mata kay Aling Teresita. Tila tinakasan ng kulay ang mukha nito, ibinabad sa suka.

“S-Sir? H-Hindi ho… wala po akong ninanakaw sa inyo. Nagpunta nga ho ako sa opisina ninyo para bumale, pero hindi po ibig sabihin na magagawa kong pagnakawan kayo. Isa pa ho, paano naman ho ako makakalapit sa gamit ninyo gayong magkausap tayo?”

“Ah basta. Gipit ka. Alam kong ikaw lang ang may intensyon. Mabuti pa, lumayas ka na rito sa pabrika at huwag ka nang babalik, bago pa kita ipakaladkad sa mga guwardiya, o kung mas mabanas pa ako sa iyo, ipapulis pa kita!” banta ni Emil.

“Teka lang ho sir, maski sundalo pa ho ang magpunta rito at kumapkap sa akin, wala po silang mahahanap na pruweba na may ninakaw ako mula sa inyo. Oho, mahirap lang ho kami at gipit sa ngayon, pero hindi ko ho magagawa ang mga ibinibintang ninyo! Kaya nga ho ako narito ngayon sa pabrika kahit nakaratay sa ospital ang mister ko, dahil kailangan kong kumayod. Ngayon ho, kahit na wala naman akong ninakaw, aalis na lang ho ako. Hindi ko ho kailangan ang isang among kagaya ninyo na walang puso!” at lumuluhang kinuha ni Aling Teresita ang kaniyang bag at umalis na.

Hindi malaman ni Aling Teresita kung ano ang gagawin niya. Naghalo-halo na ang mga isipin at problema niya. Wala na siyang trabaho ngayon. Napahiya siya sa lahat. Pinagbibintangan pa siyang magnanakaw. Higit sa lahat, patong-patong na gastusin ang kailangan niyang harapin.

Nakita niya ang naraanang tulay. Natutukso ang kaniyang isipan. Kapag tumalon siya sa tubig at wakasan na ang lahat, wala na siyang magiging problema.

Pero sa kabilang banda, kawawa naman ang mga anak niya na silang sasalo sa pinagdaraanan ngayon ng kaniyang mister. Kailangan niyang magpakatatag.

Makalipas ang isang araw, iginugol ni Aling Teresita ang umaga niya sa paghahanap ng bagong mapapasukan. Subalit dahil may edad na, bigo siya. Minabuti na lamang niyang magtungo sa ospital.

Nagulat siya nang masaya siyang salubungin ng mga anak na siyang bantay sa kaniyang mister.

“Nay, Nay, bayad na po ang utang natin sa ospital, wala na po tayong problema!” masayang sabi ng panganay na anak.

“Ha? Bakit? Paanong nangyari iyon?”

Pumasok sa kuwarto ang isang lalaki. Walang iba kundi si Emil!

“Ano hong sadya ninyo rito, sir? Igigiit na naman po ba ninyo na ako ang kumuha ng pera ninyo sa opisina ninyo?”

“Hindi, Teresita. Natukoy ko na kung nasaan ang perang itinago ko sa drawer ng mesa ko. Naitabi ko pala sa bahay. Malaki ang kasalanan ko sa iyo. Napagbintangan kita sa isang kasalanan na hindi mo naman ginawa. Bilang pambawi, sasagutin ko na ang bayad sa ospital at habang narito pa kayo. Tutulungan din kita hanggang sa makabawi at gumaling ang mister mo. Makakabalik ka na rin sa trabaho, at kanina, kinausap ko na ang mga kasamahan mo na nakasaksi sa ginawa ko sa iyo, upang linisin ang pangalan mo. Tama ka, Teresita. Matagal ka nang naninilbihan sa pabrika, at napatunayan mo na ang loyalty mo,” seryosong paghingi ng tawad ni Emil.

Makalipas ang ilan pang linggo ay tuluyan na ngang gumaling ang mister ni Aling Teresita sa tulong ni Emil.

Nakabalik na rin sa kaniyang trabaho si Aling Teresita at nalinis ang kaniyang pangalan sa kaniyang mga kasamahan.

Nagbago na rin ng kaniyang ugali si Emil pagdating sa pakikitungo sa kaniyang mga empleyado, na siyang nag-aakyat ng pera sa kaniya.

Advertisement