
Nilakasan ng Matandang Janitor ang Kaniyang Loob at Lumapit sa May-ari ng Kompanya Upang Bumale; Pagbigyan Naman Kaya Siya Nito?
Katulad ng dati, maaga pa lamang ay nasa opisina na ang janitor na si Mang Rodolfo. Sadyang masipag na janitor si Mang Rodolfo at hindi matatawaran ang kaniyang dedikasyon sa trabahong kinatandaan na niya. 30 taon na siya roon bilang janitor. Naabutan pa niya ang Chairman Emeritus ng kompanya na si Don Fajardo Las Vegas noong nabubuhay pa ito. Ngayon, ang kompanya ay palakad na ng panganay nitong anak na si Freddie Las Vegas, na ibang-iba sa ugali ng Papa niya.
Kung dati ay madali lamang na makapag-cash advance sa kanilang kompanya, ngayon ay hindi na basta-basta. Masyadong mahigpit sa pera si Freddie.
Noon, kapag nakikita siya ni Don Fajardo, inaabutan si Mang Rodolfo ng kaunting pera. Ngayon, ni hindi siya masulyapan o tapunan man lamang ng sulyap ni Freddie.
Mas magiliw din sa mga empleyado si Don Fajardo. Si Freddie ay masyadong seryoso, masungit, at hindi namamansin basta-basta, maliban na lamang kung may kailangan o utos ito.
Nang umagang iyon ay palinga-linga si Mang Rodolfo habang naglilinis ng sahig. Hinihintay niya kasi ang pagdating ni Freddie.
Maya-maya, dumating na ring ang kaniyang inaabangan. Gaya rin ng dati ay hindi man lamang siya nito tinapunan ng tingin at tuloy-tuloy na dumiretso ang boss sa pintuan ng kaniyang opisina. Mabilis namang kumilos si Mang Rodolfo upang makausap ito.
“S-Sir, m-magandang umaga ho sa inyo,” nanginginig ang tinig na panimula ni Mang Rodolfo.
“O?” malamig na tanong ni Freddie sa kaniya. “Bilisan mo at marami pa akong gagawin.”
“K-Kuwan po kasi sir, kailangan ko po sanang bumale para po makabayad kami ng upa sa bahay. Pinapaalis na po kasi kami ng may-ari, eh tatlong buwan na po kasi kaming hindi nakakabayad sa upa. Mangyari lamang po sana na babale po ako. Sabi po ng mga taga Accounting eh, nasa pahintulot daw po ninyo kung maaprubahan ang bale ko na tatlong buwang suweldo,” paliwanag ni Mang Rodolfo.
“Ha? Tatlong buwang suweldo? Bakit kasi hindi kayo nagbabayad ng renta ng bahay ninyo? Responsibilidad ninyo ‘yan bilang mga umuupa!” kaunting sisi pa ni Freddie sa janitor.
‘K-Kuwan po kasi… h-hindi po… hindi po sapat ang… hindi po sapat ang kinikita ko…” nagkakandabulol-bulol na paliwanag ni Mang Rodolfo. Pakiramdam niya ay nanliliit na siya dahil pinagtitinginan na sila ng iba pang mga empleyado.
Natahimik naman si Freddie.
“Sinasabi mo ba sa akin ngayon na maliit ang suweldo mo bilang janitor? Ganoon ba? Nirereklamo mo ba ang suweldo mo?”
“Naku sir, hindi ho… hindi ho ganoon…” natarantang sabi ni Mang Rodolfo.
“Masyado mo nang inabala ang oras ko. Pero pag-isipan ko,” huling pahayag ni Freddie sabay pasok na sa loob ng opisina.
Para namang nanghihina ang pakiramdam ni Mang Rodolfo. Una, dahil sa matinding kahihiyan. Pangalawa, dahil hindi pa rin nagbigay ng tiyak na sagot ang boss kung mapahihintulutan ba nito ang pagbale niya.
Lingid sa kaalaman ni Mang Rodolfo ay nakikinig pala ang pinakalider ng unyon na si Narciso, na nagmamanman sa mga ikinikilos ng kanilang boss upang tuluyan itong maireklamo.
Bukod pala sa hindi magandang pakikitungo nito sa mga empleyado, nakarating sa kaalaman ni Narciso na ginagamit nito ang pera ng kompanya sa mga personal nitong gastusin, bagay na hindi dapat mangyari, lalo’t bali-balita ring nagugumon ito sa sugal.
Kaya naman, ipinasya ni Narciso na kausapin si Mang Rodolfo, at sa pinagsama-samang tulong ng miyembro ng unyon, ay napagkaisahan nilang tulungan ito sa problema nito sa upa, bagay na hindi maaasahang ibibigay ng kanilang boss.
“Maraming-maraming salamat sa inyo,” umiiyak na pasasalamat ni Mang Rodolfo kina Narciso at sa mga miyembro ng unyon.
“Walang anuman po, mang Rodolfo. Hindi ninyo deserve ang pagtrato sa inyo ni Sir Freddie. Hindi natin deserve kung anuman ang trato niya sa atin ngayon. Sinisira niya ang magagandang mga nagawa ng kaniyang ama,” wika ni Narciso.
Makalipas ang ilang araw ay nagsimula na ang binalak na strike ng mga empleyadong kasama sa unyon. Gulat na gulat si Freddie sa mga nangyari. Nakarating sa kaniyang Mama at mga kapatid ang nangyayari sa kompanya.
“Freddie, ayusin mo ito. Huwag mong sirain ang legasiyang iniwan ng Papa mo. Kung hindi, mapipilitan akong papalitan ka bilang Chairman ng kompanya,” banta ng kaniyang Mama.
“Patawarin po ninyo, Mama. Opo. Hindi ko po sisirain ang legasiya ni Papa. Masyado lamang po akong na-pressure kaya ginawa ko po ang sa tingin ko ay makabubuti sa kompanya,” pangako ni Freddie, sa takot na mawala sa kaniya ang lahat.
Tumupad naman sa usapan si Freddie at nagkaroon ng maayos na diyalogo sa mga miyembro ng unyon upang nang sa gayon ay bumalik na sila sa serbisyo at matugunan ang kanilang mga hinaing.
“Mahal na mahal po namin ang kompanyang itinaguyod ng inyong Papa, si Don Fajardo, kaya sana naman po ay maging maayos ang pagtrato ninyo sa mga empleyado, kagaya ng pagbabalik ng cash advance o bale, para sa mga kagaya ni Mang Rodolfo,” saad ni Narciso.
Simula noon ay naging maayos na ang ugnayan ni Freddie at ng mga empleyado ng kaniyang Papa; nakapagtrabaho pa rin nang maayos si Mang Rodolfo at naging maayos na rin ang pakikitungo sa kaniya ni Freddie.

Lumalaki na ang Bill sa Ospital ng Kaniyang Maysakit na Mister Kaya Lakas-Loob na Humingi ng Tulong ang Misis sa Kaniyang Amo; Hindi Siya Makapaniwala sa Paratang Nito sa Kaniya
