
Namasukan ang Dalaga Bilang Kasambahay at Dumaan Naman Siya sa Masusing Paggabay ng Mayordoma; Labis Siyang Namangha sa Kaniyang Natuklasan
Halo-halo ang emosyon ni Nina habang nasa harapan siya ng magara at malaking tarangkahan ng mansyon kung saan siya maninilbihan bilang kasambahay. Dahil nagsara ang pabrika ng sabon na kaniyang pinagtatrabahuhan ay nawalan siya ng mapagkakakitaan.
Hindi siya maaaring matengga dahil marami ang umaasa sa kaniya. Naaawa na siya sa kaniyang Tatay na halos kayod-kalabaw kung magtrabaho bilang karpintero subalit hindi naman nakakaipon.
Ang Nanay naman niya ay nagtitinda ng mga meryenda gaya ng banana cue, kamote cue, at iba pa. Hindi rin naman sasapat ang kita rito sa pang-araw-araw na pamumuhay, lalo’t nagsisipag-aral pa sa hayskul ang kaniyang mga nakababatang kapatid na sila George, Nancy, at Vincent.
Siya na panganay ay matagal nang nagsakripisyo para sa kanilang pamilya. Pinag-aaral siya noon sa kolehiyo subalit siya na mismo ang nagsabing hindi kakayanin ng kaniyang mga magulang. Ang balak niya ay magtrabaho na muna upang makaipon para sa sarili at para makatulong sa bahay.
Ngunit makalipas ang tatlong taong pagtatrabaho sa pabrika, aminado si Nina na kinatamaran na niya ang pagbabalik sa paaralan upang makatapos ng pag-aaral. Ganoon pala iyon talaga. Kapag naranasan mo nang kumita ng pera ay nababalewala na ang ibang mga aspeto.
Mabuti na lamang at may kakilala siya na siyang nagreto sa kaniya na nangangailangan daw ng kasambahay ang isang matandang dalaga sa isang ekslusibong subdibisyon. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa.
Pinindot niya ang doorbell nang dalawang ulit, hanggang sa bumungad sa kaniya ang isang matandang babaeng naka-apron at may hair net na puti sa buhok; parang tipikal na kasambahay sa mga mayayamang pamilya sa ibang bansa, batay sa mga napapanood niya sa mga pelikula.
Nakakatuwa naman na may uniporme ang mga kasambahay sa mansyon na ito, sa isip-isip niya.
“Magandang umaga po, ito po ba ang Altaraza Residence? Ako po si Nina, ang nag-aaplay po na kasambahay,” magiliw at nakangiting pagpapakilala ni Nina.
Hindi pa man siya natatapos ay isa pang dalaga ang dumating. Ngunit hindi kagaya ni Nina na likas ang pagiging magiliw at palangiti ay para bang nakabusangot ang mukha nito.
“Pasok kayo… pasok kayo…” saad ng matandang babae.
Napanganga ang dalawa nang makita ang magarang looban ng mansyon. May malaking swimming pool pa ito. Glenda ang pangalan ng bagong dating, na hindi pa magpapakilala nang maayos kung hindi tinanong ng matandang babae.
“Oo nga pala, ako nga pala si Ising, ang mayordoma. Wala ang ating amo dahil may business trip siyang pinuntahan,” pagpapakilala ni Ising.
Namangha naman si Nina nang magpakilalang mayordoma pala si Ising. Kung titingnan kasi ang hitsura nito ay mukha itong mayaman. Akala nga niya, ito ang sinasabing matandang dalaga na siyang magiging amo niya.
“Akala ko, ikaw po ang may-ari eh, sa totoo lang,” sabi ni Nina.
“Naku talaga ba? Sana nga eh ‘no, pero hindi. Oh siya, makinig kayong dalawa sa akin dahil hindi ko na uulitin ang mga panuto at tagubilin ko ha,” sabi ni Ising. Mataman namang nakinig si Nina sa isinagawang oryentasyon ng mayordoma.
Halatang walang interes sa kaniyang pakikinig si Glenda kaya sinita ito ni Ising.
“Glenda, nakikinig ka ba?” urirat ni Ising.
Para namang nairita ito nang sitahin ni Ising.
“Oo naman. Bukas ang pandinig ko eh,” pabalagbag na sagot nito.
Hindi na lamang kumibo si Ising. Inutusan na niya ang dalawang bagong kasambahay na magsimula na sa kani-kanilang mga toka.
“Akala mo kung sinong makautos, mayordoma lang naman…” bulong pa ni Glenda habang nagmamaktol.
Hindi na lamang kumibo si Nina sa sinabi ni Glenda. Sa isip-isip niya, kaya nga mayordoma ang tawag kay Ising dahil ito ang tatayong lider nila. May pagkamaldita ito.
Sa pagdaan ng mga araw, kapansin-pansin ang malaking pagkakaiba nina Nina at Glenda. Maaga pa lamang ay gising na si Nina at gumagawa na sa kaniyang mga toka habang si Glenda naman, mabagal na kumilos, lagi pang nakaismid.
Ito ang mga napapansin ni Ising kaya pinagsabihan niya si Glenda.
“Naku Glenda, kapag dumating na si Ma’am, hindi puwedeng ganyan ka,” sabi ni Ising.
“Ikaw, masyado kang pakialamera eh kasambahay ka rin naman dito katulad namin, huwag ka ngang makaasta na akala mo ay senyora ka rito,” pabalagbag na sagot ni Glenda na ikinagulat naman nina Ising at Nina.
Napatiim-bagang naman si Ising.
“Tingnan natin kung makapasa ka kay Senyora.”
Nang mainis si Ising at magtungo na sa kaniyang silid ay pinagsabihan ni Nina si Glenda.
“Glenda, hindi naman sa nakikialam ako, pero kailangan pa rin nating igalang si Aling Ising. Siya ang mayordoma rito sa bahay. Ibig sabihin, matagal na siyang nagseserbisyo at malamang ay pinagkakatiwalaan na ng ating senyora. Huwag mo naman siyang bastusin. Kahit hindi na lamang bilang lider natin kundi bilang babae at mas nakatatanda sa atin,” ani Nina.
Pinandilatan ni Glenda si Nina.
“Ikaw, umpisa pa lang, bida-bida ka na! Huwag mo nga akong pinakikialaman ah. Gawin mo na lang ang toka mo!” bulyaw ni Glenda kay Nina.
Hindi na lamang kumibo si Nina. Sa palagay niya ay mahirap kausap at pakibagayan si Glenda. Lingid sa kanilang kaalaman ay narinig ni Ising ang kanilang mga pag-uusap.
Kinabukasan, ipinatawag ni Ising ang dalawang kasambahay.
“Ipakikilala ko na sa inyo si Senyora. Dumating siya kagabi. Tatawagin ko siya at pupuntahan sa kaniyang kuwarto,” sabi ni Ising sa dalawang kasambahay.
Umakyat na nga sa ikatlong palapag si Ising at pumasok sa kuwarto ng sinasabing senyora. Medyo nagtagal si Ising sa loob ng kuwarto.
Makalipas ang 10 minuto ay bumukas na ang pinto ng kuwarto at lumabas na si Ising.
Nagtaka sina Nina at Glenda dahil ibang-iba na ang damit at postura ni Ising! Hindi na ito nakauniporme ng pangkasambahay; bagkus, napakaganda nito sa suot na mamahaling bestida na mas pinatingkad ng kaniyang mga alahas. May kaunting make-up at lipstick din siya sa mukha. Nakapusod paitaas ang kaniyang mahabang buhok. Senyorang-senyora ang datingan ni Ising.
“Nasaan ang senyora? Saka bakit nakaganyan ka?” tanong ni Glenda.
“Ang senyora at ako ay iisa. Walang mayordoma sa bahay na ito, kundi ako rin, ang may-ari ng mismong bahay na ito,” sabi ni Ising, na nag-iba na rin ang paraan ng pananalita.
“H-Ho? Anong ibig mong sabihin, Aling Ising?” gulat na gulat na usisa ni Nina.
“Nagpanggap lamang akong isang mayordoma para malaman ko kung sino sa inyo ang tunay na mapagkakatiwalaan, lalo na’t madalas akong umaalis dahil sa aking mga negosyo. Kaya kailangan kong kilatisin kayong dalawa kung sino ba sa inyo ang kailangan at mapagkakatiwalaan ko, kahit na malayo ako. At ikaw iyon, Nina,” paliwanag ni Ising.
Hindi makapaniwala ang dalawang kasambahay sa mga narinig. Sinong mag-aakalang ang mayordomang kasama nila na si Aling Ising, walang iba kundi si Senyora Isidra Altaraza na pala?
Hindi pala nagkamali ng akala si Nina nang una niyang makita si Ising. Talaga nga palang mayaman at mukha itong edukada!
“Kung magpapakilala kaagad ako sa inyo bilang amo, tiyak na puro magaganda ang ipakikita ninyo sa akin. Kaya minabuti kong magpanggap bilang kasambahay upang makasama kayo at mas makilatis ko pa kayo,” paliwanag pa ni Ising.
Pinalayas at hindi tinanggap ni Ising o ni Senyora Isidra si Glenda dahil sa kagaspangan ng ugali na ipinamalas nito sa kaniya.
Tila suwerte si Nina kay Senyora Isidra dahil mataas ang suweldo nito sa kaniya; bukod doon ay lagi rin siya nitong inaabutan ng tulong para sa kaniyang pamilya.
Dahil matandang dalaga at wala naman siyang ibang kaanak, tila naging kaanak na ang turing ni Senyora Isidra kay Nina.
Hindi nakapagtataka na sa paglipas ng panahon, sa paglisan ni Senyora Ising sa mundong ibabaw, ay kay Nina niya ipinamana ang kaniyang mga ari-arian. Tunay ngang ang mga taong may mabubuting kalooban ay patuloy na pinagpapala!