Ipinamahala Niya sa Kaniyang Nobyo ang Paghahanda Para sa Kanilang Kasal; Ibang Bride pala ang Inilagay Nito sa mga Papeles

Sa loob ng sampung taong pakikipagrelasyon ni Jean sa kasintahan niyang si Laurence, ni minsan ay hindi pa ito nagalit sa kaniya. Nakakaramdam man ito ng tampo sa kaniya lalo na sa tuwing nauuna niya ang kaniyang trabaho kaysa sa pagdiriwang ng kanilang anibersaryo o pag-aayos ng bahay na pinag-ipunan nilang dalawa, isang halik o yakap niya lamang dito ay maayos na kaagad ang kanilang tampuhan.

Bukod pa roon, kahit ano pa mang sabihin o iutos niya ay kaagad nitong gagawin lalo na kapag alam nitong ikasasaya niya ang bagay na iyon.

Isa na lang sa halimbawa nito ay ang kagustuhan niyang magkaroon sila ng alagang pusa. Kahit pa may allergy ito sa balahibo ng hayop, hindi ito nagdalawang-isip na bumili ng pusa nang malaman nitong gustong-gusto niyang mag-alaga noon. Halos araw-araw man itong bumabahing, iinom lang ito ng gamot at muli nang tatabi sa kaniya sa kama kasama ang naturang pusa.

Sa pagsasama nila sa iisang bubong sa mahabang panahon, labis na niyang nakilala si Laurence. Ito ang dahilan para hindi na niya ito mahintay at siya na ang magyaya ritong magpakasal. Laking tuwa niya naman nang ito’y kaagad na pumayag at makipagtulungan sa kaniyang paghandaan ang nalalapit nilang kasal.

Kaya lang, habang sila’y nasa kalagitnaan nang paghahanda, bigla naman siyang binigyan ng isang malaking proyekto ng kumpanyang pinagtatrababuhan niya na naging dahilan para ipatong niya lahat ng kailangang gawin sa balikat ng kaniyang kinakasama.

“Pasensya ka na talaga, mahal, ha? Gustong-gusto ko mang tumulong sa’yo, hindi ko magawa dahil mas kailangan ako sa trabaho ko,” wika niya habang sila’y sabay na nag-aalmusal.

“Ayos lang, mahal, kayang-kaya ko namang paghandaan ang kasal natin! Wala ka dapat ikapag-alala!” sabi pa nito kaya labis siyang nagtiwalang magiging maayos ang lahat ng preparasyon sa kanilang kasal.

Isang buwan bago ang kanilang kasal, habang siya’y abala sa pamumuno ng isang pagpupulong tungkol sa proyektong nakataas sa kaniya, siya’y biglang nakatanggap ng tawag sa tagapamahala ng simbahan.

Advertisement

Tinatanong nito kung matutuloy pa ang kanilang kasal dahil hindi pa sila nakakabayad.

“Opo, ma’am. Ang mapapangasawa ko po ang nag-aayos ng mga papeles. Nasa kaniya na rin po ang pangbayad,” sagot niya.

“Sa totoo lang po, ma’am, may gusto po akong sabihin sa inyo kaya napatawag po ako. Huwag po kayong mabibigla, ha?” tugon nito na ikinailing niya.

“Ano po iyon? Pwede pong pakibilisan? May meeting kasi ako ngayon,” masungit niyang sagot.

“Kinansela po ng mapapangasawa niyo ang iskedyul niyo sa simbahan. Pero kinuha niya pa rin ang araw at oras, ibang pangalan nga lang po ng babae ang nakalagay,” wika pa nito.

“Anong kalokohan ‘yan, maam? Wala po akong oras makipaglokohan!” sigaw niya.

“Beatrice Oliva, ito po ang maid of honor niyo, hindi ba? Siya po ang ikakasal sa nobyo niyo sa isang buwan. Hindi ko po ito dapat sabihin sa inyo pero bilang babae, nasasaktan po ako,” sabi pa nito na agad na nagpaguho ng mundo niya.

Agad siyang umuwi sa kanilang bahay at doon niya nga naabutang nagtataksil ang dalawa. Ang mas masakit lang, tiningnan lang siya ng dalawa saka agad na nag-ayos at umalis. Ni isang “sorry” o kahit maikling paliwanag ay walang binigay ang dalawa na talagang ikinagalit niya. Narinig niya pa ang balitang tsinitsismis ng dalawa na siya raw ang unang nagtaksil at naninira.

Advertisement

Simula nang araw na iyon, wala siyang ibang ginawa kung hindi ang ngumalngal nang ngumalngal dahilan upang hindi niya nagawa nang maayos ang proyektong nakaatas sa kaniya na nagbigay daan para siya’y masuspinde ng dalawang linggo.

Sa sobrang bigat ng loob niya, isang araw ay napagdesisyonan niyang magpunta sa simbahan upang makinig ng misa. Umaasa siyang kapag nakapagdasal siya’y gagaan ang pakiramdam niya.

Magang-maga man ang kaniyang mga mata, siya’y dumalo pa rin sa misa at habang siyayy nakikinig, tumabi sa kaniya ang tagapamahala ng simbahan at siya’y kinamusta. Wala siyang maisagot dito kung hindi mga hikbi.

“Hindi makatarungan ang ginawa nila sa’yo, ma’am. Kung ako ang nasa kalagayan mo, maghahalo talaga ang balat sa tinalupan! Sinira nila ang buhay ko, sisirain ko ang kasal nila!” sabi nito na talagang nagbigay sa kaniya ng ideya kung paano makakaganti sa dalawa.

Pagdating ng araw ng kasal ng dalawa, kahit siya’y hindi imbitado, pumuslit siya upang makapasok sa reception ng kasal. Nang makita niyang magpapaagaw na ng bouquet ang kaibigan niya, siya’y pumuwesto sa unahan at sinigurado niyang siya ang makakasalo nito.

Matagumpay niya nga itong nakuha saka niya agad na hinablot ang mikropono sa host ng pagdiriwang.

“Ang magaling niyong bride at groom ay nagkasala sa akin pero hindi sila humingi sa akin ng tawad. Dapat ko ba silang patawarin o dapat kong sirain ang buhay nila habangbuhay?” tanong niya sa mga taong naroon na ikinagulat ng dalawa.

“Ikaw raw ang unang nagloko kay Laurence, eh!” sigaw ng dati niyang kaibigan.

Advertisement

“Kalokohan! Paano ako makakapagloko kung trabaho at bahay lang ang pinupuntahan ko?” tanong niya saka niya tinapon sa hangin ang sandamakmak na litrato ng dalawa na kuha sa CCTV ng kanilang bahay habang naglalambingan.

Halos walang maiharap na mukha ang dalawa sa mga taong naroon at doon lang humingi ng tawad ang mga ito sa kaniya upang tumigil lamang siya.

“Naku, ako na ang hihingi sa inyo ng pasensya. Hindi ko na kasi kayang manahimik at maging masama sa paningin ng iba kahit ako naman ang biktima,” sabi niya sa mga ito saka niya pinakita sa screen ng telebisyon ang isang bidyo na nag-uusap ang dalawa tungkol sa pagtapos ng buhay niya upang matuloy nang maayos ang kasal na nakuha niya rin gamit ang nakatagong CCTV sa kanilang bahay.

Dahil sa mga ebidensyang iyon, lahat ng taong naroon, kaanak man ng dalawa o kaibigan ay agad na nagalit sa dalawa. Hindi man niya nabawi ang kasiyahang dapat sana ay sa kaniya, masaya siyang malinis na ang pangalan niya ngayon.

Muli siyang bumangon pagkatapos ng araw na iyon. Bumalik siya sa pagtatrabaho at kaniyang sinigurong hinding-hindi na siya muling babagsak pa. Nagbunga naman ang lahat ng ito pagkalipas lang ng isang taon kung kailan siya nakatanggap ng promosyon at dagdag sahod.

Wala man na siyang mauuwiang kasintahan, payapa naman ang puso niya ngayon dahil kampante siyang wala nang sisira sa buhay niya.