Tampok sa Kanilang Opisina ang Isyu sa Hiwalayan Nila ng Kaniyang Kasintahan, Sapat na Dahilan nga ba Ito Para Siya’y Umalis na Lamang sa Trabaho?

“Hoy, mare, alam mo na ba ang balita? Magre-resign na raw si Ma’am Agnes sa trabaho at malalalag ang panga mo sa dahilan!” bungad ng isang empleyadong kakapasok lamang sa palikuran habang nakaupo at umiiyak sa isang nakasaradong cubicle si Agnes.

“Diyos ko, kaaga-aga, may dala ka agad tsismis dito sa opisina!” sagot pa ng isa kaya napilitan siyang tumahan.

“O, ayaw mo bang malaman?” tanong ng isa habang naghuhugas ng kamay.

“Syempre gusto ko! Ano ba ‘yan? Ang tagal mong magkwento!” sigaw naman ng kausap nito.

“Naku! Isa ka rin pala, eh! Pero, ito na nga, nahuli raw kasi ni Ma’am Agnes si Sir Joseph na may kasamang ibang babae! Alam mo ba kung sinong babae ‘yon? Si Ma’am Charlotte!” balita pa nito dahilan para muling manumbalik sa kaniya ang sakit na naranasan.

“Ano? Hindi ba’t magpinsan si Ma’am Agnes at Ma’am Charlotte?” hindi makapaniwalang sabi ng kausap, doon na siya nagpasiyang lumabas na sa cubicle upang matigil na ang naturang usapan.

“Oo! Kaya nga magre-resign na si Ma’am Agnes dahil sobra siyang nasasaktan sa nangyari…” hindi na nito natapos ang kinukwento dahil tinabihan na niya ito at siya’y naghugas ng kamay sa gripong nasa tapat nito, “Ay, magandang umaga po, Ma’am Agnes,” uutal-utal nitong bati habang mamula-mula pa ang mukha. Binigyan niya lang ito ng pilit na ngiti saka siya tuluyang lumabas ng naturang palikuran.

Simula nang maghiwalay sila ng nobyo niyang katrabaho niya rin, araw-araw na niyang naririnig sa kanilang opisina ang dahilan kung bakit sila naghiwalay. Pilit man niyang ibaon sa limot ang mapait na pangyayaring iyon ay hindi niya magawa dahil sa mga katrabaho nilang tila gustong-gustong malaman ang puno’t dulo ng lahat.

Advertisement

Bukod sa nahihirapan at nasasaktan siya tuwing nakikita niyang magkasama at nagkakasiyahan ang dati niyang kasintahan at ang pinsan niyang siya pa ang nagpasok sa kumpanyang ito, ang mga tsismisosa rin nilang katrabaho ang nagbibigay dahilan sa kaniya upang umalis na siya sa trabaho.

Matapos niyang marinig muli ang usapang iyon nang araw ding iyon ay agad na siyang nagpasa ng resignation letter sa kanilang boss. Hindi na niya pinansin ang mugto niyang mata o ang kaniyang itsura, siya’y dumiretso na sa opisina nito at agad na nagmakaawang tanggapin at pirmahan na nito ang ginawa niyang resignation letter.

“Maging tapat ka muna sa akin, ang dahilan mo ba ay ang paghihiwalay niyo ng nobyo mo, ang pinsan mong pinagtaksilan ka, at mga tsismosa nating empleyado?” tanong nito habang abala sa pagtitipa sa kompyuter.

“Opo, ma’am, araw-araw po akong nanghihina sa tuwing nakikita at naririnig ko silang pinag-uusapan at kinakaawaan ako,” tapat niyang tugon.

“Agnes, ang pag-iwas sa problema ay para lamang sa mga mahihina. Kung tatakasan mo ito, lalo ka lang nilang pag-uusapan at kakaawaan. Maaaring hindi mo na nga sila makita o marinig pa pero sigurado, mananatili sa isip nila ang usaping ito at habangbuhay kang magiging kaawa-awa sa paningin nila. Gusto mo ba iyon?” sambit nito kaya siya’y muli na namang naiyak.

“Syempre hindi po, ma’am, pero wala na akong ibang maisip pang paraan. Ang sakit-sakit na nang nangyayari sa akin sa kumpanyang ito,” hagulgol niya kaya siya’y nilapitan nito at bahagyang niyakap.

“Ipakita mo sa kanilang hindi ka apektado, na kaya mo kahit pinagtaksilan ka ng dalawa sa pinagkakatiwalaan mong tao. Sigurado, kapag nagawa mo iyon, pag-uusapan ka pa rin nila pero hindi na para kaawaan, kung hindi para na hangaan. Ikaw ang biktima rito, Agnes, at kahit kailan, hindi ang mga biktima ang dapat naghihirap at lumalayo sa problema,” pangaral nito na talagang nagbigay buhay sa kaniya, “Hindi ko ito pipirmahan, turuan mo muna ang sarili mong maging matapang at matatag,” sabi pa nito saka siya niyayang magkape habang nakatanaw sa ganda ng tanawin sa opisina nito.

Dahil sa pangyayaring iyon, muli nga siyang nagkaroon ng lakas at tiwala sa kaniyang sarili. Napagtanto niyang hindi dapat huminto ang buhay niya dahil lang sa mga taong naghihintay sa kaniyang bumagsak. Pumasok siyang nakangiti, nakaayos, at masigla kinabukasan na talagang ikinagulat ng lahat.

Advertisement

Muli man niyang narinig ang usap-usapan tungkol sa paghihiwalay nila at sa kaniyang pagre-resign, sumabat na siya sa usapan.

“Naku, ang opisina ba ay ginawa para maging lugar ng tsismisan? Kumusta na ang mga pinapagawa ko sa inyong reports?” tanong niya sa mga nagkukumpulang empleyado. 

“Ah, eh, ma’am, hindi pa po namin nagagawa. Sabi po kasi ng iba, kapag nag-resign po kayo, ipapaulit na naman sa amin ‘yon ng bago naming supervisor,” tugon ng isa habang nagkakamot pa ng ulo.

“Sinong nagsabi sa inyong magreresign ako? May dahilan ba para magresign ako?” nakangiti niyang tanong na ikinabigla ng lahat, napatayo pa ang kaniyang dating kasintahan at kaniyang pinsan na nakarinig din nito. 

“Wala, Ms. Agnes, gagawin na nila ang mga pinapagawa mong reports!” sabat ng kanilang boss dahilan para ang lahat ay mataranta, “Mukhang pupwede ko nang ipangpahid ng dumi sa lamesa ko ang resignation letter mo, ha?” nakangiting sabi nito.

“Kahit ipanggatong niyo pa po, ma’am!” masaya niyang tugon saka siya nagpasalamat sa aral na binigay nito sa kaniya sa pamamagitan ng isang basong kape.

Hindi man naging madali para sa kaniya na kalabanin ang sakit na nararamdaman niya tuwing nakikita ang dalawang taksil na magkasama, araw-araw niyang tinutulungan ang sariling makabangon sa pamamagitan ng pagsama niya sa kaniyang boss na nagbibigay halaga sa kaniya. Sigurado siyang balang araw ay maghihilom din nang tuluyan ang sugat sa puso niya.