Nagkakilala ang Dalawa nang Magboluntaryo sa Isang Bahay-Ampunan; Ang Kanilang Nakaraan ang Maglalapit sa Kanila

Bagong volunteer ang ginoong si Adrian sa isang bahay-ampunan. Pagdating pa lang niya sa lugar ay agad nang napukaw ang kaniyang paningin ng babaeng si Lilia. Napapalibutan ito ng mga bata at hindi na magkandaugaga kung sino ang uunahing asikasuhin. Sa mga ngiti pa lang ng mga ito’y tiyak siyang malapit ang babae sa mga naroon.

“Pare, kilala mo ba kung sino ‘yung babaeng ‘yun? Ang ganda niya ‘no? Paanong ang isang katulad niya ay volunteer sa lugar na ito? Tingin mo may nobyo na ‘yan?” tanong ni Adrian sa kaibigang si Paul.

“Akala ko ba ay pagbo-volunteer ang pinunta mo rito? Bakit parang naghahanap ka lang ng iibigin? Si Ma’am Lilia ‘yan! Ilang taon na rin ‘yang nagbo-volunteer dito sa bahay-ampunan. Kilala siya ng lahat. Kuhang-kuha niya ang puso ng mga bata. Pero hindi naman siya makuwento tungkol sa kaniyang buhay. Ang alam lang namin ay isa siyang executive sa isang kompanya at bukal talaga sa puso niya ang pag-aasikaso sa mga bata dito,” tugon naman ng kaibigan.

Hindi na maialis ni Adrian ang mga mata niya kay Lilia simula nang araw na iyon. Palagi na siyang nag-iisip ng paraan kung paano niya ito kakausapin dahil malapit man ito sa mga bata ay mailap naman ito sa ibang tao.

Talagang inaayunan siya ng pagkakataon dahil makakasama niya si Lilia sa isang programa. Hindi na siya nagsayang pa ng panahon at kinausap na niya ito agad.

“Matagal ka na ba rito? Mukhang gustong-gusto ka kasi ng mga bata,” wika ni Adrian.

Tumango lang si Lilia.

“Ako na nga pala ang bahala sa pagbabasa ng kwento sa mga bata. Ikaw na lang siguro sa mga props. Masayang masaya rin kasi sila kapag may nakikitang makukulay sa paligid,” iniba agad nito ang usapan.

Advertisement

“Paano ka nagsimulang mag-volunteer dito sa bahay-ampunan? Buti hindi ka masyadong abala sa pamilya o kaya sa trabaho. Kaunti na lang kasi ang tulad mong nakakapaglaan ng oras para sa ganitong mga bagay,” muling sambit ni Adrian.

“Sisimulan ko na ang pagpili ng mga babasahing istorya sa kanila. Sasabihin ko na lang sa iyo ang mga kailangang props. Bukas ko na lang ibibigay, a,” dagdag pa ni Lilia.

Medyo napahiya si Adrian talagang ayaw na makipag lapit ni Lilia kahit kanino.

“Bakit mo naman kasi sinabihan ng gano’n kaagad? Dapat kasi ay pinag-usapan n’yo muna ang gagawin n’yong programa. Masyado ka naman kasing mabilis!” sambit ni Paul.

“Parang ibang klaseng babae talaga siya, pare. Gusto ko siyang higit pang makilala. Sa palagay ko ay nakita ko na ang babaeng para sa akin,” wika pa ni Adrian.

Ngunit hindi naging madali para sa kaniya ang mapalapit kay Lilia. Ginawa na niya ang lahat upang magpapansin ngunit ni isang sulyap ay wala siyang nakuha. Kaya ang ginawa niya, pinagbutihan na lang niya ang props na kailangan para sa programa. Sa ganitong paraan ay baka mapansin pa siya ni Lilia.

“Tiyak akong magugustuhan ng mga bata ‘yang gawa mo. May talento ka pala sa pagguhit,” sambit ni Lilia.

“A, ito? Wala ito. Hilig ko lang ito mula noong bata pa ako. Mabuti at magagamit ko na rin ngayon,” nabigla si Adrian nang kinausap siya nito.

Advertisement

“Maaari kang magturo ng pagguhit sa mga bata tuwing sabado. Tiyak akong magugustuhan nila ‘yun,” nakangiting saad muli ng babae.

Lalong nahulog ang loob ni Adrian nang makita niya ang matatamis na ngiti ni Lilia. Ngayon ay napagtanto niyang hindi na niya kailangan pang magpa-impress pa dito. Ang kailangan lang niya ay magpakatotoo.

“Kung wala mang mamagitan sa amin ay ayos lang. Masaya na ako na maging kaibigan siya,” wika ni Adrian sa kaniyang kaibigan. 

“Mukhang tinamaan ka na talaga diyan kay Ma’am Lila, pare, a! Mukhang tama nga ang desisyon mong mag-volunteer dito sa bahay-ampunan,” masayang wika ni Paul. 

Sa mga sumunod na araw ay unti-unting napapalapit na si Adrian kay Paul dahil sa mga programang ginagawa nila. Nang muling magkaroon ng pagkakataon ang ginoo ay niyaya niya si Lilia na magkape sa labas.

“Kung wala ka lang ginagawa at may natitira ka pang oras. Pero kung hindi p’wede ay naiintindihan ko naman. Pasensya ka na kung nakukulitan ka na sa akin,” wika ni Adrian.

“P’wede ako mamaya pagkatapos natin dito sa bahay-ampunan. May alam akong alam na cafe malapit rito. Masarap ang kape nila at cake,” tugon ni Lilia.

Abot tenga ang ngiti ni Adrian nang mga sandaling iyon. Sa tinagal-tagal nang panalangin niyang magkalapit sila ni Lilia ay sa wakas nagkaroon na rin siya ng pag-asa.

Advertisement

Kinakabahan si Adrian habang nasa cafe sila ng dalaga. Kahit paano ay nagkukwento na rin si Lilia ngunit madalas ay tungkol lamang sa mga bata sa bahay-ampunan. Hindi na napigilan pa ng ginoo ang kaniyang sarili. 

“Gusto kita, Lilia. Gustong-gusto kita. Una pa lang kitang nakita ay iba na ang naramdaman ko sa iyo. Alam kong pagkatapos ng gabing ito ay lalayuan mo na ako. Pero gusto ko lang malaman mo ang tunay na laman nitong puso ko. Nais pa kitang makilala ng lubos,” saad ni Adrian.

Natigilan si Lilia.

“Kung makikilala mo kaya ako nang lubos ay magugustuhan mo pa rin ako, Adrian? Mamahalin mo pa rin kaya ako kung malaman mong isa akong diborsyada? Iniwan ako ng asawa ko dahil malaki ang aking pagkukulang. Nagkaroon ako ng matinding sakit noon dahilan upang tanggalin ang aking matres. Dahil doon ay nawalan na ako ng kakayahan na mabigyan siya ng anak. Kaya heto ako ngayon, inilalaan na lang ang buhay at oras ko sa pagsisilbi sa mga batang hindi ko naman kaano-ano. Sila na lang talaga ang nagbibigay ng saya sa puso ko,” pahayag nito. 

Nagulat si Adrian. Hindi niya lubos akalain na may asawa na pala ito.

“Mauunawaan ko kung bukas ay hindi mo na ako kausapin. Pero gusto ko lang malaman mo ang lahat bago ka tuluyang mahulog sa akin,” dagdag ni Lilia.

Buong gabing pinag-isipan ni Adrian ang lahat. Si Lilia naman ay tanggap nang hindi na itutuloy pa ng ginoo ang panliligaw nito dahil sa kaniyang nakaraan.

Ngunit kinabukasan ay iba ang nangyari. Pagdating ni Lilia sa bahay-ampunan ay nakapila ang mga bata. Ang bawat isa sa kanila ay may dalang rosas. At sa dulo nito’y naroon si Adiran at may dalang isang palumpon ng bulaklak. 

Advertisement

“Walang makakapigil sa akin ng nararamdaman ko para sa iyo. Hindi nabawasan ang pagtingin ko sa iyo, Lilia. Napatunayan ko sa aking sarili na mahal talaga kita. Tanggap ko ang lahat ng tungkol sa iyo. Kaya naman sana’y hayaan mo akong pumasok naman d’yan sa puso mo,” wika pa ni Adrian.

Napangiti si Lilia at tumango. Ito na ang hudyat ng magandang simula para sa dalawa. Nagputuloy ang panliligaw ni Adrian hanggang tuluyan na siyang sagutin nito.

Dito na inamin ni Adrian ang lahat.

“Alam mo ba kung bakit ako nag boluntaryo sa bahay-ampunan? Dahil ayaw ko nang tumakbo sa aking nakaraan. Hindi ako matanggap ng pamilya ng babaeng pakakasalan ko nang dahil lang sa lumaki ako sa ampunan. Hindi ko naman sila masisi dahil sariling magulang ko nga ay tinalikuran ako. Ang sakit masyado sa akin na malamang pati siya ay iba na rin ang tingin sa akin. Napakatagal ko rin bago nakaalpas sa sitwasyong iyon. Hanggang sa isang araw ay parang may bumulong na lang sa akin na imbes na takbuhan ko ang aking nakaraan ay yakapin ko na lang ito. Kaya nagpasya akong ilaan na lang din ang oras ko sa mga batang narito — maging magulang para sa kanila. Nang hindi nila maramdaman na nag-iisa lang sila dito sa mundo,” wika naman ni Adrian.

“Sa tingin ko ay dinala talaga tayo ng tadhana para magbigay ng saya sa puso ng bawat isa. Nagpapasalamat ako dahil akala ko ay wala nang tatanggap pa sa akin dahil sa aking sitwasyon. Mabait ang Diyos at pinaglapit niya tayo,” saad naman ni Lilia.

Naging matatag ang relasyon ng dalawa. Ilang taon pa ang nakalipas at nagpasya na silang magpakasal.

Dahil nga hindi na mabibigyan pa ng anak ni Lilia itong si Adrian, minabuti na lang nila na ipagpatuloy ang pagboboluntaryo sa bahay-ampunan. Sa tulong ng mga batang naroon ay naramdaman nila ang pakiramdam na magkaroon ng mga anak.

Hindi naging batayan para kay Adrian ang kakulangan ni Lilia upang tigilan niya itong mahalin.

Advertisement

Maging si Lilia ay hindi rin hinusgahan ang nakaraan ni Adrian. Sa pangalawang pagkakataon ay tumibok ang puso ng dalawa sa tamang mga tao. Wala mang mga anak ay ubod nang saya ang dalawa sa kanilang pagsasama.