Ginawang Katatawanan ng Mayamang Bata ang Mahirap na Kaklase; Kalaunan ay Magbabaligtad ang Kanilang mga Mundo

Pagdating ng batang si Gigi sa eskwelahan ay nadatnan niya ang mga kaklase na nagkukwentuhan. Pinagkakaguluhan nila ang imbitasyon para sa kaarawan ng pinakamayaman nilang kamag-aral, si Kylie.

“Isuot n’yo na ang pinakamagandang damit ninyo dahil asahan n’yo nang pabonggahan ang damit ng mga dadalo! Madali lang namang mahanap ang bahay natin. Ito ang pinakamalaki at pinakamagandang bahay sa aming subdivision. Pawang mayayaman lang kasi ang nakatira sa lugar namin,” pagmamayabang nito.

Dahan-dahang pumunta ng kaniyang upuan si Gigi. Ayaw niya kasing mapansin siya ni Kylie dahil aasarin na naman siya nito. Palagi kasi siya nitong ginagawang katatawanan dahil mahirap ang kaniyang pamilya.

Lumapit si Kylie kay Gigi nang makita niya ito.

“Pumunta ka rin ng kaarawan ko, Gigi. Aasahan kita, a!” bungad ni Kylie.

“Ako? G-gusto mo akong pumunta ng kaarawan mo?” pagtataka ni Gigi.

“Oo naman! Bakit naman hindi kita iimbitahin? Inimbita ko nga ang lahat ng kaklase natin. Kaya gusto ko ay naroon ka rin. Huwag kang mag-alala at hindi kita aasarin. Kahit naman palagi kitang inaasar ay kaibigan ang turing ko sa’yo. O, paano? Aasahan kita, a? Hindi ba’t alam mo naman kung saan ang bahay ko dahil malapit lang sa amin ‘yung bahay kung saan tumatanggap ng labada ‘yung nanay mo. Magsuot ka ng maayos na damit dahil gusto ko lahat ay nakaayos,” dagdag pa ng kaklase. 

Hindi makapaniwala si Gigi na kaibigan pala ang turing sa kaniya ni Kylie. Buong buhay kasi niya’y palagi na lang siyang ginagawang katatawanan nito. Pero ang totoo’y nais niya ring mapalapit dito tulad ng iba.

Advertisement

Pag-uwi sa bahay ay agad na naghanap ng magandang damit si Gigi upang paghandaan ang kaarawan ni Kylie.

“Ano ba ang hinahanap mo riyan, anak? Magugulo ang damitan mo!” saad ng inang si Tess.

“‘Nay, inimbitahan po kasi ako ni Kylie sa kaarawan niya. Sigurado po akong magaganda ang suot ng mga kaklase ko. Kailangan ko pong pumunta dahil personal niya akong inanyayahan. Ang sabi pa niya’y kaibigan daw ang turing niya sa akin. ‘Nay, gusto ko pong pumunta,” giit ni Gigi.

“Manghihiram ako ng magandang bestida doon sa anak ng amo ko. Mabait ‘yun at may anak na kasing laki mo. Huwag ka nang mag-alala at makakadalo ka sa paty na ‘yun. Sa wakas ay nakahanap ka rin ng kaibigan, anak,” saad pa ng ginang.

Hindi na makapaghintay pa si Gigi na makadalo ng naturang party. Lalo na nang makita niya ang magandang damit na hiniram para sa kaniya ng ina.

Namangha si Gigi sa laki ng bahay kung saan nakatira si Kylie. Ngayon pa lang siyang makakapasok sa lugar na iyon. Pangarap niya noon pa na makapasok sa isang malaking bahay.

Ngunit nasa gate pa lang si Gigi ay hinarang na siya ng nagbabantay.

“Nasaan ang imbitasyon mo, neng? Kailangan ng imbitasyon para makapasok ka,” saad ng lalaki.

Advertisement

“Kaklase po ako ni Kylie. Inimbita niya po ako,” saad naman ng bata. 

“Pero nasaan ang imbitasyon mo? Sandali lang at ano ba ang pangalan mo, titingnan ko rito sa listahan,” dagdag pa ng nagbabantay.

Hinanap nito ng hinanap ang pangalan ni Gigi ngunit wala siyang makita.

Dahil naawa na ito sa kaniya’y tinanong niya mismo si Kylie kung may nakalimutan bang ilistang imbitado na nagngangalang Gigi.

“Wala akong kilalang gano’n, manong. Huwag kang magpapapasok ng walang imbitasyon o wala ang pangalan sa listahan! Paalisin mo na siya kung hindi ay ikaw ang papaalisin ko!” sambit ni Kylie.

Labis na napahiya si Gigi sa ginawang ito ng mayamang kaklase. Buong akala pa naman niya’y taos-puso na ang pakikipagbati sa kaniya nito, pero hanggang sa huli’y ginawa pa rin siya nitong katatawanan.

Hindi na sinabi pa ni Gigi sa kaniyang ina ang nangyari. Nagdahilan na lamang siyang sumakit ang kaniyang tiyan kaya umuwi na lang siya kaagad. Kinabukasan ay pinagtatawanan siya ng buong klase. Iyon na ang huling pagkakataong nakausap siya ng mga ito. Hanggang magtapos sila ng elementarya ay wala nang pinansin pa si Gigi.

Lumipas ang mga taon ay nagkaroon ng reunion ang magkaklase.

Advertisement

“Natatandaan n’yo ba kung paano ko pinalayas si Gigi sa kaarawan ko? Tandang-tanda ko pa ‘yung itsura niya nang sabik na sabik siyang makapasok sa bahay namin tapos ay pinaglaruan ko lang siya!” tumatawang sambit ni Kylie.

“Nasaan na kaya ang babaeng iyon, ano? Ang huling balita ko ay hindi na raw nag-aral ‘yun ng kolehiyo. Hindi nga ata nakatapos ng hayskul dahil nagtrabaho na. Kawawa naman!” dagdag pa nito.

“Mabuti ka pa, Kylie, at maganda pa rin ang buhay n’yo, ano? Iba na talaga ang anak-mayaman!” saad ng isang kaklase.

“Pero ang sabi ng mommy ko ay nagkakaroon daw ng problema ang negosyo ng mga magulang mo. Kaya nga daw binebenta na ang bahay n’yo, totoo ba ‘yun?” tanong naman ng isa pang kaklase. 

“Nakaroon lang ng problema pero naayos rin naman ata. Hindi naman nagkukuwento sa akin ang mga magulang ko tungkol sa negosyo nila. Saka binebenta ang bahay dahil malamang ko ay sawa na sila. Baka naghahanap ng bago,” saad pa ni Kylie.

“May nakabili na ba ng bahay n’yo?” tanong pa ng isang dalaga.

“Sa mahal ng bahay namin ay mahihirap talagang ibenta ‘yun. Siguro ay wala pa.”

Maya-maya ay nag ring ang selpon ni Kylie. Tumawag ang kaniyang ina at pinapauwi na siya.

Advertisement

“Kailangan ko nang umalis kasi may importante daw kaming aasikasuhin ng mommy ko. Baka magsho-shopping kami. Sige, mauna na ako, a! Sa susunod na lang ulit,” paalam ni Kylie.

Nagmamadaling umuwi ang dalaga patungo sa kanilang bahay.

“Anak, ang tagal mo naman! Kanina ka pa namin hinihintay. May bibili na kasi ng bahay natin at nais kong makilala mo siya. Tiyak akong matutuwa ka,” wika ng ina.

Pagdating ni Kylie sa sala ay hindi siya makapaniwala na makita ang dating kaklaseng si Gigi.

“Siya ang bibili ng bahay natin? Sigurado ba kayo? Saan naman kukuha ng pambayad ‘yan? Baka mamaya ay lokohin lang kayo niyan!” saad ni Kylie.

“Tumigil ka nga, Kylie! Nagbayad na nga siya ng buo at nagkapirmahan na. Kasama niya kanina rito ang ina niya at isang abogado. Akala ko pa naman ay matutuwa kang makita ang dati mong kaklase. Hindi ba’t magkaibigan kayo?” wika pa ng ginang.

“Walang kaibigan na ginagawang katatawanan ang kaibigan niya. Hindi po kami magkaibigan. Sa katunayan po ay ginawang misarable ng anak ninyo ang buhay ko noon,” wika ni Gigi. “Pero huwag kayong mag-alala. Wala na po sa akin ang bagay na iyon. Kinalimutan ko na po ang lahat ng iyon.”

Nagngingitngit ang kalooban ni Kylie dahil sa dami ng taong p’wedeng makabili ng bahay nila ay ito pang si Gigi.

Advertisement

“Paano mo nabili ang bahay namin gayong mahirap pa kayo sa daga ng nanay mo, ‘di ba? Labandera lang siya d’yan sa kapitbahay namin!” sambit muli ni Kylie.

“Noon, Kylie, mas mahirap pa kami talaga sa daga. Pero maaga man akong nahinto ng pag-aaral ay hindi ako humintong magsikap sa buhay. Sinabi ko sa sarili ko noon na hindi ko na hahayaang paglaruan lang ako ng kahit sino dahil sa antas ng buhay ko. Kaya nangibang bansa ako para magtrabaho sa murang edad. Mabait ang mga amo ko sa restawran. Tinulungan nila akong magtapos ng pag-aaral. Pagkatapos ay nagmanage ako ng iba’t ibang restawran na kanilang pag-aari. Hanggang tuluyan na akong nagkaroon ng sarili kong restawran sa ibang bansa. At ang bahay na ito ay nais kong iregalo para sa aking inang naghirap na maitawid ang buhay namin,” pahayag ni Gigi. 

Nagulat si Kylie na ubod na pala ng yaman ang dating kaklase, at hindi na niya ito kaya pang hamakin.

“Ginang, sa tingin ko po ay kailangan n’yo na ring sabihin sa inyong anak ang totoo kung bakit ninyo ibinenta ang bahay na ito nang sa gayon ay magising siya sa katotohanan,” wika ni Gigi sa ina ni Kylie.

“Anong ibig niyang sabihin, mommy? Anong katotohanan po ba?” tanong ng dalaga.

“Anak, kaya natin binenta ang bahay na ito dahil tuluyan nang nagsara ang negosyo namin ng daddy mo. Napakalaki ng pagkakautang namin kaya kailangan naming ibenta ito upang makabayad. Hindi na tayo tulad ng dati, anak. Pero mabuti na lang at nakapagtapos ka ng pag-aaral at kaya mong maghanapbuhay,” wika ng ginang.

Sa harap pa mismo ni Gigi inamin ng ina ang tunay na antas ng kanilang buhay. Hindi niya lubos akalain na darating ang araw na magpapalit sila ng kinatatayuan ng dating kaklase.

Malungkot na nilisan ni Kylie at ng kaniyang mga magulang ang malaking bahay na iyon. Sa pagkakataong iyon ay naramdaman na niya ang naramdaman ni Gigi noong pinalayas niya ito sa kaniyang kaarawan.

Advertisement

Patuloy ang pagpatak ng mga luha ni Kylie habang pinagmamasdan sina Gigi at nanay nito na masayang-masaya na magkasama sa loob ng bahay na iyon. Ang lahat ng mga masasamang ginawa niya sa dating kaklase ay bumalik ngayon sa kaniya at higit pa.