
Naimbitahan ang Mahusay na Guro Upang Magbigay ng Lektura sa mga Kapwa Guro sa Isang Liblib na Lugar; Madismaya Kaya Siya sa Bayad na Matatanggap?
Gaya ng dati ay mahusay na nagampanan ng gurong si G. Romualdez ang kaniyang lektura sa harapan ng mga guro ng elementarya, subalit kakaiba ngayon dahil ilang oras ang iginugol niya para makapunta lamang doon.
Si G. Romualdez ay isang mahusay na tagapagsalita, lekturer, at manunulat ng mga kuwentong pambata.
Bukod sa pagsakay sa karitong hila ng kalabaw habang hulas na hulas ang kaniyang pawis sa katirikan ng araw, napansin ng naimbitahang maging ispiker na guro na salat sa anumang senyales ng kabihasnan ang Baryo Sapang-Alat. Kulang na kulang sa mga pangunahing establisyimiento, at malayo sa kabayanan.
Hindi na rin masama dahil na-enjoy naman niya ang pagsakay sa karitela habang hinihila ng kalabaw, habang pinagmamasdan ang mga halaman at matatayog na puno. May naraanan pa silang sapa na kay sarap paglanguyan, kung hindi lamang siya may ganap ng mga sandaling iyon, at nakasuot pa siya ng polo barong.
Masayang-masaya siya nang makaharap ang mga gurong makikinig sa kaniyang tatalakaying paksa. Wala ang mga mag-aaral dahil bakasyon na. Ang mga pampublikong paaralan sa buong Pilipinas ay nagdaraos ng in-service training.
Napakapayak lamang ng pamumuhay at hitsura ng mga guro. Wala pa yata siyang nakitang babaeng guro na may kolorete sa mukha.
Nang matapos ang kaniyang pagtalakay sa naitalagang paksa sa kaniya hinggil sa pagtuturo, marami sa mga guro ang lumapit sa kaniya at nagpahayag ng pasasalamat.
“Maraming salamat po, sir! Marami po kaming natutuhan mula sa inyo. Sana po makabalik po ulit kayo sa amin kahit malayo ang lugar namin,” saad ng isang gurong may edad na.
“Ay oo naman po, Ma’am. Sa totoo lang po ay nalibang ako sa pagpunta rito, kasi madalang na lang akong makakita ng magagandang likas na tanawin. Nakakasawa na rin po kasi ang mga gusali.”
Matapos ang pakikipag-usap sa mga guro ay nagtungo na siya sa tanggapan ng punungguro.
Inaasahan na niya na hindi siya mabibigyan ng bayad sa kaniyang ginawa, basta’t may sertipiko lamang ng pagpapahalaga, ayos lang naman sa kaniya, subalit ang ikinagulat niya ay ang dalawang piling na punumpuno ng mga gulay at prutas. May dalawang inahing manok pa at mga itlog.
“Sir, pasensya na po kayo sa nakayanan namin. Hindi po namin kaya ang pinansyal na token. Pagdamutan po ninyo ang nakayanan ng mga guro,” hiyang-hiyang pagpapaumanhin ng punungguro.
“Ma’am, ayos lang po. Wala pong problema sa akin. Siguro mga isang buwang suplay na rin po iyan para sa akin. Pero ang problema ko po, hindi po ba medyo mabigat dalhin ang mga iyan?”
“Huwag po kayong mag-alala sir, ihahatid naman po kayo ulit ng karitela ng kalabaw hanggang sa terminal.”
Kaya naman, hirap na hirap man siya sa kaniyang mga bitbitin ay tiniis ng guro. Hindi naman siya mukhang pera, subalit nang mga sandaling iyon ay napaisip ang guro kung sulit ba ang pagod at paghahanda niya sa mga nakuha niya.
Hirap na hirap siyang bitbitin ang mabibigat na kaing na ibinigay sa kaniya. Wala naman siyang magagawa kung hindi tanggapin ang mga ito. Isa pa, talaga namang makatitipid siya.
Umarkila na lamang siya ng isang sasakyan upang dire-diretso na ang kaniyang pag-uwi mula sa bayan patungo sa kaniyang bahay. Hindi niya kakayanin kapag binitbit niya ang mga kaing na punumpuno ng mga gulay, prutas, at may dalawang inahing manok pa siya.
Pag-uwi sa bahay ay pagod na pagod siya. Nanlalata ang kaniyang buong katawan. Nangalay ang kaniyang mga braso sa pagbubuhat ng dalawang mabibigat na kaing.
Nagpahinga lamang siya saglit at pagkatapos ay isa-isa na niyang inalis sa kaing ang mga nakuha niya. Lahat yata ng mga gulay na nasa kantang ‘Bahay Kubo’ ay naroon.
Subalit nanlaki ang mga mata niyang may dalawang bagay na nasa ilalim. Nang kunin niya ito, dalawang baras ng ginto! Gulat na gulat siya. Naisip niya, baka nagkamali lamang sa paglalagay sa loob ng kaing. Sa ibabaw nito ay may liham.
“G. Romualdez, maraming-maraming salamat po sa mga ginto ng kaalamang nakuha namin mula sa inyo! Nararapat na tumbasan din ng ginto ang mga ginto ng kaalamang ibinahagi ninyo sa amin. Mag-iingat po kayo lagi.”
Hindi makapaniwala na ang isang payak na lugar at mga mamamayan ay makapagbibigay ng baras ng ginto sa kaniya. Kaya napagtanto niya, hindi talaga dapat husgahan ang isang tao batay sa kanilang panlabas na anyo.
Agad na ibinenta ng guro ang mga ginto at ang perang nakuha niya mula rito ay inilagak niya sa bangko at ginamit na pantulong sa mga nangangailangan, dahil marami rin siyang mga charitable institutions na sinusuportahan.