Inday TrendingInday Trending
Sinalakay ng Ginang na Pulis ang Isang Ilegal na Spa; Bakit Nagulat Siya Nang Makita ang Isa sa mga Kustomer Nito?

Sinalakay ng Ginang na Pulis ang Isang Ilegal na Spa; Bakit Nagulat Siya Nang Makita ang Isa sa mga Kustomer Nito?

Kung matinik na pulis lamang din naman ang pag-uusapan, isa sa mga nakapila si PO3 Jesusa Trinidad: matapang at astig sa pagtupad sa kaniyang tungkulin bilang pulis, pero mapagmahal at maasikasong ina para sa kaniyang mga anak at asawa.

“Bilib talaga ako rito kay Trinidad eh. Halos sa isang araw, dalawa o tatlong mga magnanakaw ang nahuhuli. Astig at walang takot, kahit lalaki pa ang kaaway. Pero pagdating sa mga anak, sweet na sweet at nanay na nanay,” puri sa kaniya ng hepe.

“Naku sir, ganoon po talaga ang training ko simula bata pa ako. Saka sa bahay talaga, hangga’t maaari ay hindi ako pulis: ako ay nanay at asawa,” paliwanag naman ni Jesusa.

“Masuwerte ang mister mo sa iyo, Trinidad. Paano kayo sa bahay? Under de saya ba ang mister mo dahil pulis ka? Malakas pa naman ang personalidad mo,” untag pa ng kaniyang hepe.

“Hindi po, sir. Dito lang po ako mataray at astig. Sa bahay po, hindi naman po ako dominante. Hinahayaan ko po ang mister ko na siya ang manguna sa amin,” paliwanag naman ni Jesusa.

“Buweno, heto pala ang misyon natin ngayon. Ire-raid natin ang isang spa na bali-balitang may ibinibigay na extra service sa mga lalaking parokyano nila. Kailangan na nating masawata iyan. Pag-aralan mo kung anong gagawin mo. Sabihan mo ako bukas,” sabi ng hepe.

“Areglado, sir,” tugon naman ni Jesusa.

Pagdating sa bahay ay hinubad na ni Jesusa ang uniporme ng kaniyang pagiging matinik na pulis. Nakapaglaba pa siya gamit ang washing machine, nakapagluto ng hapunan, at nagabayan pa ang mga anak sa kanilang pag-aaral. Kadalasan ay 8:00 ng gabi dumarating ang kaniyang mister mula sa trabaho.

Nang matapos niya ang mga ito, muli niyang kinuha ang folder na kinalalagyan ng ilang mga detalye sa spa na sinasabing nag-aalok ng extra service sa kanilang mga kliyente. Batay sa report, dalawang taon pa lamang ito at tila walang permit to operate.

Kadalasan din, mga lalaki ang mga kustomer nito. Pawang mga magaganda, seksi, at bata pa ang mga masahista nito. Ang iba ay mga tinedyer pa na pinagmumukhang matanda na sa kanilang aktuwal na edad.

Sa dalawang detalye na walang permit to operate at mga tinedyer na masahista, sapat na dahilan na iyon upang tuluyang maipasara ang naturang spa.

Hindi namalayan ni Jesusa na 9:00 na pala. Kung hindi pa umuwi ang kaniyang mister na si Dolfo ay hindi pa siya hihinto sa kaniyang ginagawa.

“Nahuli ka yata ng uwi ngayon, Mahal?” untag ni Jesusa kay Dolfo.

“Ah… oo nga eh… sobrang trapik, Mahal. Gutom na gutom na nga ako eh,” wika ng kaniyang mister.

“Mukhang hapong-hapo ka ah. Ayos ka lang ba? Magpapainit na ako ng tubig para mamaya ay makaligo ka na,” sabi ni Jesusa.

“Huwag ka nang magpakulo ng tubig. Bukas na lang siguro maliligo. Medyo masakit pa ang katawan ko eh.”

“Bakit masakit ang katawan mo?” untag ni Jesusa. “Masama ba ang pakiramdam mo?”

“Ah hindi naman. Siguro ay napagod lang ako sa trabaho at sa biyahe,” sabi ni Dolfo.

May napansin si Jesusa sa katawan ni Dolfo nang maghubad na ito ng damit upang magpalit. Parang ang langis-langis. Parang pinahiran ng langis ang katawan. Kunwa’y lumapit siya rito upang tulungan ito sa pagbibihis; subalit inamoy lamang niya kung talaga bang langis ang nasa katawan nito o pawis lamang.

Nakumpirma niyang langis ito. Sa tantya niya, eucalyptus ang scent o amoy.

Hindi rin amoy-pabango.

Iwinaksi na lamang ito sa isipan ni Jesusa.

Makalipas ang tatlong araw ay isinagawa na nga ang supresang raid sa spa. Nahuli nila sa akto ang ibang mga babaeng masahista at kustomer na lalaki na ginagawa ang ‘extra service.’

Subalit hindi inaasahan ni Jesusa ang kaniyang makikita sa pinakadulong cubicle ng spa.

“D-Dolfo?”

Siya pa mismo ang nakahuli sa akto sa babaeng masahista at kay Dolfo na noon ay nakakubabaw na sa babaeng walang saplot.

“J-Jesusa, Mahal… magpapaliwanag ako…”

Isang malakas na sampal ang ipinatikim ni Jesusa sa kaniyang mister.

Sa kabila ng natuklasang lihim sa mister ay nanatiling kalmado si Jesusa. Naroon siya hindi bilang isang misisi na nahuli sa akto ang mister na niloloko siya; naroon siya upang tapusin ang kaniyang misyon, kahit mabigat na ang kaniyang dibdib at anumang oras ay babalong na ang mga luha sa kaniyang mga mata.

Isa sa mga pansamantalang nakulong sa bilangguan si Dolfo. Hiyang-hiya si Jesusa sa kaniyang mga kasamahan dahil ang isa sa mga kustomer na nakasama sa raid ay walang iba kung hindi ang asawa pa niya.

Matapos mapiyansahan, isang desisyon ang ginawa ni Jesusa: hiniwalayan niya si Dolfo at nagpasya na lamang siyang buhayin nang mag-isa ang kanilang anak.

Napagtagni-tagni ni Jesusa ang lahat: kaya pala ayaw maligo, masakit, at malangis ang katawan ni Dolfo noong makita niya ang hubad nitong katawan—dahil nagpapamasahe pala ito sa spa na may extra service.

Sa labis na kahihiyan ay nagpakalayo-layo na lamang si Dolfo bagama’t patuloy pa rin ang sustentong ibinibigay niya kay Jesusa para sa kanilang anak. Si Jesusa naman, tuloy lamang sa kaniyang trabaho at mukhang matataas siya ng tungkulin bilang Senior Police Officer I.

Advertisement